Connecting to the server...
Loading operating system...
Welcome to ILLUSTRA.
You are now in: Hetalia—Moneres—Astrea—Hebreo—Bella—Hue—Arcadia—A+.
We're now transporting you to A+ Region , The Social Media Advanced Technological Dimension. Enjoy your stay.
Sinimulan ko ang umagang iyon sa pagtingin sa bintana. Bukod sa repleksyon ng aking sarili na may tatlong mata, mapula-pulang labi, mala-document file icon na katawan na tila tinubuan ng dalawang kamay at paa, kataka-takang napansin ko ang isang bagay na segu-segundo ko rin naman nakikita.
Ang mga kalahi kong selif at ang mga trabaho nila.
Abala na naman lahat ng mga selif sa kaniya-kaniya nilang mga toka. Halos wala na silang pahinga. Actually, karamihan sa kanila ay magdamag nang nasa duty. May ilan namang pang-umaga o pang-gabi lang. Depende kung kailan may social media activity ang mga taong nakatalaga sa bawat selif. Iba kaming mga selif kumpara sa mga robots dahil kahit papaano ay may free will kami.
"Mga nagta-trabaho pero wala namang suweldo." Napatingin ako sa aking likuran dahil narinig ko ang boses ng aking asawa. Tumingin siya sa aking mga mata. Kitang-kita ko sa mga mata niya ang kalungkutan at galit. "Nagta-trabaho tayong mga selif pero wala man lang kapalit, walang benefits, walang kahit ano. Buti na lang ay buntis ang host mo, wala siya gaanong social media activity."
"You're reading my mind again, Austin." Pinandilatan ko siya. Alam kong kaya ng dalawang mag-asawang selif na basahin ang isip ng isa't isa pero hindi ako komportable na i-pabasa sa kaniya ang mga iniisip ko no'ng oras na iyon. "That's our purpose naman, e. Para pagsilbihan ang mga taong nagho-host sa bawat isa sa atin kailanman nila gustuhin na bisitahin ang social media. Wala tayong karapatang mag-reklamo."
"Kaya nga e! Kung sila kaya ang alilain natin araw at gabi?! Walang pahinga, walang suweldo! Anong mararamdaman nila?!"
Nagulat ako sa biglang pagtaas ng boses ni Austin. Maging siya'y nabigla rin kaya ang kaninang nanlalaki niyang mga mata'y naging mapayapa na. "I'm sorry, Flaire. Nadala lang ako."
Nginitian ko siya. "Okay lang."
Mabilis siyang tumakbo papunta sa akin at marahan akong niyakap. Pagkatapos ay bahagya siyang yumuko. Hinimas niya ang aking tiyan. "Sorry rin, baby. Nasigawan ko kayo pareho ng Mama mo. Patawarin mo si Papa."
"Pinapatawad ka na niya."
"Talaga?!"
Mabilis na kinindatan ko si Austin gamit ang tatlo kong mga mata.
"Oo. Sige na, lumabas ka na. Mukhang mago-online na 'yong host mo. Kailangan mo na siyang asikasuhin." Nase-sense ng mga selif kung mago-online na ang mga taong nire-represent nila. Konektadong-konektado kami sa mga tao to the point na kadalasan, nararamdaman na rin namin ang nararamdaman nila.
"Walang kiss?"
Lumapit ako kay Austin at hinalikan siya sa labi. Pagkatapos no'n, binuksan na niya ang pintuan at lumabas. Napatingin ako sa puting tali na nakadikit sa pulso niya na nakakonekta naman sa pulso ko--senyales na in married status kami. Humahaba iyon depende sa kung gaano kami kalayo sa isa't isa. Sinirado ko ang pinto't hindi naputol ang tali, hindi kasi 'yon mapuputol ng kahit ano't kahit sino.
Kaming dalawa ay mga selif sa ilalim ng Facebook. At ang lay-out ng aming tahanan ay Facebook style din mula sa kulay hanggang disenyo. Gano'n din ang itsura ng bahay ng iba pang mga selif, dumi-depende sa kung anong site or application sila sumasailalim. At kung anong first name ng host ng isang selif ay siyang magiging pangalan din niya.