Siping

240 7 5
                                    

Siping

* * *

"Baka umiibig ka na kay Eruel, Danaya?" Tinig iyon ng kaniyang ina. Nanenermon na naman. Saglit siyang napatigil sa paghuhugas ng kamay sa likod-bahay nila.

"Hindi ho," halos pasinghal niyang tugon.

"Hindi ho? Ilang beses ko na ba pinapaalala sa'yo na 'wag na 'wag mo nang tangkain ang mapalapit sa mga taga-lupa? At baka mayamaya'y mapaibig ka sa kanila!"

May iba pang sinabi ang kaniyang ina ngunit hindi na niya pinakinggan. Alam na niya ang mga iyon. Alam na alam. Paulit-ulit na niyang naririnig. Nakukulili na ang kaniyang tainga. Napupundi na siya. Punding-pundi na.

"Tandaan mo, iba tayo sa kanila. Ibang-iba. Hindi tayo normal," narinig niyang bilin ng ina.

"Siya, tumungo ka na sa sabsaban. Pakakainin mo pa ang mga kabayo."

Tinaas niya ang dalawang mga kamay. Naghihikab. Inaantok pa siya. Gusto pa niyang bumalik ulit sa kaniyang higaan. Ngunit kailangan pa niyang pumunta sa sabsaban bago pa man siya tanghaliin. Pakakainin pa niya ang mga kabayo. Tiyak niyang nandoon muli si Eruel. Kahit anong gusto niyang sundin ang hindi niya mahahadlangan ang tadhana—na sumasang-ayon naman sa gusto ng puso niya.

Rinig ang pag-ingit ng sahig ng kanilang barungbarong nang siya'y pumasok.

"Baka mamaya, baka mamaya ay makipagkita ka na naman...kay Eruel."

Bahagya naman niyang naulinigan ang ina. At sa t'wing pinapaalala nito ang bawal na pag-ibig nito kay Eruel, animo'y may mga punyal na dumadagok sa loob-loob niya. Hindi naman lingid sa kaniya na hindi sila normal ng kaniyang ina. Na isa sila sa kinakatakutan sa baryo Masinloc. Sila ay mula sa lahi ng mga mangkukulam. Nakasusuklam. Nakasisindak.

Ang katotohanang iyo'y nakatanim sa kaniyang isip. At mula nga noon, nagsimula nang magsiklab ng matinding poot sa kaniyang isipan...nagsusumigaw ng paghihimagsik sa mga tao—mga taong ayaw magbigay sa kanila ng pagkakataong mabuhay nang payapa.

Sariwang-sariwa pa kay Danaya ang ginawang pagpaslang sa mga kalahi niyang mga mangkukulam. Ipinako sa krus. Inilublob sa agua bendita. Isinipat ang pilak na bala sa dibdib. Sa bawat nagkakalugmok na mga panaghoy ng kaniyang kapuwa mangkukulam, siyang tikom na lamang niya. Wala siyang magawa noon. Wala. Ipinikit na lamang niya ang mga matang paga na sa pagluha.

Naalala niya ang mga panahong iyon. Sa maliwanag na sikat ng buwa't malamig na simoy ng hangin; naalala niya ang mga taumbayan, nagkakatipon-tipon. Nagkakatuwaan. May galak ang tinig ng kanilang paghalakhak. Sa langkay na iyon ay natagpuan niya si Don Rogelio. Hindi niya makakalimutan ang pagmumukhang iyon. Hindi. Siya ang naglunsad ng pagpatay sa mga mangkukulam—sa pag-aakala nilang sila ang rason ng pagkamatay ng mga sangkahayupan sa kanilang baryo.

Alam ni Danayang hindi sila iyon. Hindi. At alam na alam din ni Danaya na si Don Rogelio ang nagpapatay sa mga kahayupan upang ituro ng mga daliri ng taumbayan ang mga mangkukulam at ituon sa kanila ang sisi.

Matagal na napako ang kaniyang tingin. Nakakunot ang kaniyang mga noo. Naiisip, balang-araw ay mapaghihigantihan niya ang lahi ni Don Rogelio. At gagawin niya iyon—kahit buhay pa niya ang maging kapalit. Kahit buhay pa nila ang maging kapalit.

* * *

"Napapadalas 'ata ang pagpunta mo rito sa rancho, Eruel?"

Tawa na lamang ang itinugon ng binata sa biro ng katulong sa kanilang rancho. Ibinaling ang tingin sa mga kabayong nasa sabsaban. Nagbabakasakali na tumungo ulit ang kasintahan sa kanilang lugar-tagpuan. Napapadalang kasi ang pagpunta nito sa kanilang rancho. Kung pupunta ma'y para asikasuhin lamang ang mga kabayo. Hindi kagaya noon. Matagal. Napakatagal. Sapat na oras upang sila'y magniig.

Second Battle: LustTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon