KABANATA 14—Colours Café
"SURE KA bang hindi na natin siya pupuntahan sa loob?"
Pang-ilang beses na tanong na niya 'yan sa akin. Do'n kasi kami sa dormitory niya dumiretso kanina pero si ate Lyz yung nadatnan namin, yung landlady niya, at sinabing pumasok daw sa eskwelahan ngayon si Orange. Sa aming dalawa talaga, siya ang mas gugustuhing pumasok sa school kaysa gumimik katulad ko. Hindi ko nga alam kung paano kami naging mag-best friend, e. Sobrang magkaiba kasi ang ugali naming dalawa ni Orange. Mabuti talaga at natitiis niya pa ako.
"'Wag na at palabas na rin 'yon."
"Creamy, may problema ka ba? Para kasing kagabi pa mainit ulo mo, e."
"Wala akong problema." pagsisinungaling ko.
Alam ko kasing mali 'tong nararamdaman ko, e. Kaya hangga't maaari kailangang mapigilan ko pa 'to.
Ilang saglit pa at natanaw ko na si Orange na kalalabas lang. "Ayon na siya."
"Sige, ako na lang ang lalapit sa kanya at dito ka na lang."
Hindi agad ako nakapag-react sa sinabi niya. Mabilis din kasi siyang lumabas. Kaya naman wala na kong nagawa pa kundi panoorin na lang silang dalawa habang nag-uusap. At nanlaki na lang ang mga mata ko ng parehas silang ngiting-ngiti na naglalakad papalapit dito.
"Sa likod ka muna umupo, Creamy. Diyan uupo si Orange."
Alam kong magkasalubong na ang dalawa kong kilay dahil sa sinabi sa akin ni Blue mula sa ear pod na nakakabit na naman sa mga tainga namin.
"Saan ba tayo pupunta, Blue?"
Napanganga ako nang marinig ko ang tono ng pananalita ng best friend ko. Aba't talaga naman! Kailan pa sila nagkakilala at parang close na close na sila agad?Pero mas napanganga pa ako nang pagbuksan ni Blue si Orange at inalalayan pang makaupo sa may passenger's seat. Kasi naman, ni minsan hindi niya ko pinagbukas ng pintuan!
Bakit ka naman niya kasi pagbubuksan, e, kaya mo namang tumagos lang?
Tahimik lang naman ang naging buong biyahe. Nakatingin lang sa labas si Orange habang pasulyap-sulyap naman sa aming dalawa si Blue. Hindi ko alam kung nang-aasar ba siya o ano pero sa tuwing magkakatitigan kami, ngumi-ngisi na lang siya basta. Nagulat ako nang ilag saglit lang, nag-park na si Blue sa isang coffee shop.
"Paano mo nalaman?"
"Paano mo nalaman?"
Nagulat ako nang sabay kaming magsalita ni Orange. Hindi ko alam kung sinadya niya ba talaga na dito dalhin si Orange sa paborito naming coffee shop—ang Colours Café—o nagkataon lang. Wala naman kasi akong natatandaan na kinuwento sa kanya na dito kami madalas tumambay ni Orange kaya nakakapagtaka lang.
"Sinabi sa akin ni Creamy na madalas kayong magpunta ditong dalawa."
Sinamaan ko siya ng tingin dahil sa sinabi niya. "Hoy! Wala akong natatandaan na may sinabi ako sa 'yo, ha! Gumagawa ka na naman ng kuwento!" pasigaw na sabi ko.
At ang mokong, hindi man lang ako pinansin. Aba't sinusubukan talaga ako nito, ah!
Sa may bandang dulo sila pumwesto. "Totoo ba yung sinasabi mong nakikita at nakakausap mo si Creamy?"
Sasapakin ko na sana si Blue nang magsimula ng magsalita si Orange.
"Para kasing hindi kapani-paniwala. Um... alam mo na, nasa 21st century na tayo. Saka sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit ako sumama sa 'yo, e, hindi naman talaga kita kilala."
BINABASA MO ANG
Seven Days
FantastiqueIsang ligaw na kaluluwa at natatanging taong nakakakita nito---ano ang mangyayari kapag pinagtagpo na ang kanilang mga landas?