KABANATA 13—Forget It
AWKWARD. 'YAN sa tingin ko ang nag-iisang salitang puwede kong gamitin para i-describe ang atmosphere sa loob ng sasakyan. Papunta na kasi kami ngayon sa Cortez Bloom Perfume kung nasaan naroroon ang opisina ni papa. Sa totoo lang, simula paggising hanggang sa paga-almusal, walang nagsasalita sa amin. Hindi ko naman kasi kayang i-open up yung topic tungkol do'n sa nangyari kagabi. Hindi ko nga alam kung gaano kapula ang pisngi ko tuwing naiisip ko 'yon, e. Sobrang linaw pa rin kasi talaga ng pangyayari na 'yon sa utak ko.
"N-nandito na tayo."
Hindi na ko nagsalita pa at dali-dali na kong lumabas. Hindi ako madalas magpunta dito sa CBF dahil mas gusto ko ang ambiance do'n sa Cortezian Scent. Masyado kasing parang seryoso ang lahat ng tao na naririto. At ayoko sa gano'n.
"Sa 38th floor ang opisina ni papa." sabi ko na hindi ko man lang siya tinapunan ng tingin. Like duh, ni hindi ko nga siya matitigan, e.
"O-okay."
Pagpasok namin sa elevator walang sabi-sabi na naalala ko ang madalas naming pagtatalo ni papa.
"Huwag na huwag niyo kong ikumpara kay ate dahil magkaibang-magkaiba kami. Saka isa pa, kahit ano namang gawin ko siya lang yung nakikita n'yo, e. Para sa inyo kasi siya lang yung anak n'yo."
"Hindi totoo 'yan! Hindi kita ikinukumpara kay Peach. Ang sabi ko lang gayahin mo ang pagiging responsible niya. Mahirap bang gawin 'yon, Creamy?"
"Kaya ayaw kong umuwi sa bahay, e. Wala na kasi akong ibang marinig kundi ang sermon niyo. Nakakasawa na."
"Creamy, saan ka pupunta?! Bumalik ka rito! Kinakausap pa kita."
"Creamy, ayos ka—"
"Nandito na pala tayo. Tara na."
Hindi ko na siya pinakinggan pa at nauna na kong dumiretso sa opisina ni papa. Pagpasok ko, gusto ko na agad siyang yakapin.
Pagpasok ni Blue walang pagkagulat akong nakita sa mukha ni papa. Parang inaasahan na niya talaga ang pagdating ni Blue.
"Alam mo bang nag-iba ang mood ng asawa ko mula nang puntahan mo siya sa ospital. Maraming salamat, hijo." panimula ni papa. "Kung nakikita at nakakausap mo nga ang kaluluwa ni Creamy..." napatigil siya saglit.
"...maaari mo bang sabihin na miss na miss ko na siya at kung pupuwede ay bumalik na siya sa amin? Pakisabi na sana magising na siya."
Hindi ko na napigilan at ako na ang unang naiyak. Minsan ko na lang kasi marinig ang mga gano'ng salita mula kay papa.
"Mr. Cortez, kasama po natin si Creamy ngayon. At pinapasabi niya po na miss ka na rin daw niya."
"Gano'n ba?"
"Opo at ipinabibigay niya pala 'to sa inyo." sabi ni Blue sabay abot ng isang maliit na baseball bat. "Naaalala niyo pa raw po ba no'ng ten years old si Creamy? Dinare niya raw po kayo na kapag natalo ka niya sa paglalaro ng baseball ay tuturuan mo na raw po siyang maglaro. Ayaw niyo raw kasi siyang turuan dahil masyadong delikado para sa kanya ang sports na 'yon."
"Pero dahil po gusto niyo siyang mapasaya, nagpatalo po kayo." Ngayon naman, si papa naman ang naluluha at parang naalala ang pangyayaring 'yon. Para kasi sa akin, isa 'yon sa mga pangyayari na hinding-hindi maaalis sa memorya ko.
"Gusto niya raw pong humingi ng tawad sa lahat ng pagkakamali niya at pagkukulang bilang anak. At kung hindi pa naman daw po huli ang lahat, hayaan niyo raw po siyang itama ang lahat ng pagkakamali niya. Nagpapasalamat din daw po siya sa inyo dahil ngayon niya lang na-realize ang sobrang suporta at pagmamahal na ibinibigay niyo sa kanya. At kung mabibigayan pa siya ng isang pagkakataong mabuhay muli, kayo pa rin daw po ang pipiliin niyang maging papa. Hindi raw po siya nagsisisi na kayo ang naging ama niya."
BINABASA MO ANG
Seven Days
ParanormalIsang ligaw na kaluluwa at natatanging taong nakakakita nito---ano ang mangyayari kapag pinagtagpo na ang kanilang mga landas?