B-A-K-A-S-Y-O-N
Walong letra, walong letra na kinatutuwaan ng maraming kabataan
Walong letrang kinasasabikan ng magbabarkadang nais magkatuwaan
Walong letrang kinagagalakan ng buong pamilya na nais mag salosalo sa mga handaan
Walong letrang kinagigiliwan ng magkasintahang gusto pang mangolekta ng maraming memorya at mga larawan
Walong letrang kinahuhumalingan ko ngunit ito rin ang walong letrang kinatatakutan ko, kinakakabahan at kinakanginginigan ng aking mga tuhod at buong katawan sapagkat ika'y akin na namang masisilayan
Masisilayan... Na naman.... Kita.
Nakakatakot hindi ba?
Natatakot akong makita ang mapanlusaw mong mga tingin
Natatakot akong matanaw ang ngiti mong labas ngipin
Natatakot akong baka ang puso ko'y iyo na namang hingin
Natatakot akong baka ika'y muli kong ibigin
Higit sa lahat, natatakot ako na kung sakaling papasukin kita
Sa puso kong una palang ay pagmamay ari mo na,
Ay banggitin mo na naman ang walong letrang labis na iniyakan ko,
A-Y-A-W-K-O-N-A
Iyan ang sinabi mo noon, walong buwan na ang lumipas
Iyan ang sinabi mo noon, walong araw bago magsimula ang klase
Ngayong nalalapit na naman ang bakasyon, tatlumpu't walong araw nalang,
Nais ko sanang ibalik sayo ang walong letrang sinabi mo sa akin noon
A-Y-A-W-K-O-N-A
Ayaw ko nang mahulog ulit sa patibong mong muntik na akong di maka ahon
Ayaw ko nang masayang muli ang pag ibig ko at unti unting na namang matapon
Ayaw ko nang managinip na pang habang buhay tayong dalawa at baka di na ako muli pang makabangon
Ayaw ko nang makinig sa mga mabubulaklak na salita mong kamuntikan na akong malason
Ayaw ko nang maikulong sa isang lalagyan na ilalabas lang pag kailangan kagaya ng mga kahon at garapon at pag talagang wala nang pakinabang ay bigla na lamang itatapon
Ayaw ko na... Ayaw ko na... Ayaw ko na... Ayaw ko na... Ayaw ko na... Ayaw ko na... Ayaw ko na... Ayaw ko na...
Ngunit sino nga bang niloko ko?
Kahit na walong beses ko mang sabihin ang katagang ito na binubuo ng walong letra,
Alam ko sa sarili ko na K-A-Y-A-K-O-P-A
Kaya ko pang mahulog ulit sa gawa mong patibong basta't ikaw ang makakasama ko sa ilalim nito
Kaya ko pang maglaan ng pagibig kong minsan mo nang itinapon basta't kukunin mo ulit ito sa basurahang pinaglagyan mo
Kaya ko pang managinip na pang habang buhay tayong dalawa basta't pag dilat ko ay ikaw ang kauna unahang masisilayan ng mga mata ko
Kaya ko pang makinig sa mga mabubulaklak na salita mo kahit malason pa ako basta't ikaw ang doktor at magsisilbing gamot ko
Kaya ko pang magmistulang lalagyan na kagaya ng kahon at garapon na isinasantabi basta't paglalagyan ako ng mahahalagang gamit at sikreto mo
Kaya sa nalalapit na bakasyon, mayroon din akong walong kahilingan sayo
Una, wag mo akong tignan gamit ang mapanlinlang mong mga mata; na nagpapakita ng labis na pagsinta at pag aalala, na kung tumingin ay dinaig pa ang pandikit sa sobrang lagkit
Ikalawa, wag mong ipakita sa akin ang ngiti mong abot langit, ang ngiti mong minsan nang naging ako ang dahilan, ang ngiti mong nagdulot sa akin ng parusa at pasakit
Ikatlo, wag mong iparinig sa akin ang mga tawa mong nakakapang akit; na nagpapakita ng sobrang kasiyahan at sa paglimot sayo'y ito'y naging isang balakid
Ikaapat, wag kang lumapit sa akin dahil paniguradong manginginig ako sa kaba at baka ako'y maluha kapag naalala ko ang aking mga sinapit na dinaig pa ang ampalaya sa sobrang pait
Ikalima, wag na wag mong hahawakan ang mga kamay ko, kahit pagdampi ay ipinagbabawal ko, dahil baka hindi ka na makawala kapag hinigpitan ko ang pagkapit
Ikaanim, wag mo akong tatawagin sa pangalan ko sapagkat nagiging maganda ito kapag galing sa bibig mo, at baka ang mga katagang 'mahal pa rin kita' ang aking masambit
Ikapito, wag mo nang iparamdam sa akin na mahalaga ako sayo kung ang totoo'y iba ang laman ng puso mo dahil ayoko nang maramdaman pa ang idinulot nitong pighati't sakit
At ang huli at ikawalong kahilingan ko, wag na wag na wag mo nang sasabihing mahal mo ako, kung sa huli ay magsisilbi ka pa ring buwan sa buhay ko na iiwan ako pagdating ng araw, wag na, ayoko na, pagod na akong masaktan, pagod na akong maging sabit lang
Kaya sasabihin ko ang walong letrang ito upang matigil na ang kahibangan ko
'P-A-A-L-A-M-N-A'
Paalam na sa lahat ng alaala nating dalawa mula pagkabata; dahil hindi na katulad dati na kaya tayo nagkakagalit ay dahil lamang sa asaran, ngayon ay dahil na sa sakitan
Paalam na sa lahat ng pangako mong walang natupad, lahat ay napako.
Paalam na sa 'ikaw at ako' dahil matagal nang 'ikaw nalang' at 'ako nalang'
Paalam na...
Paalam n..
Paalam...
Paala...
Paal...
Paa..
Pa..Written: February 2016