[13] Boss Shin's Stuffs

30 3 9
                                    

"Kumusta na s'ya Athan?"

Mula sa pagkakatitig sa maamong mukha ni Mina ay napatingin si Nathaniel sa bagong dating na si Boss Shin.

"Hindi pa rin siya nagigisig Boss..." muli niyang binaling ang tingin sa natutulog na dalaga. Habang nakatitig sa kalmadong pagtulog ng dalaga ay hinihiling niyang sana'y magising na ito. Ayon kay King at sa Boss niya, walang pagbabago sa katawan ni Mina. Normal naman ito, marahil ay napagod ito dahil hindi pa sanay sa paggamit ng kapangyarihang tinataglay; lalo pa't sunod-sunod itong nagamit ng dalaga.

Muling naalala ni Nathaniel ang nangyari. Ang pagiging gumiho ni Mina; paglabas ng enerhiya sa bibig nito; ang pagkawala ng lalaki nang tamaan ng kapangyarihan ni Mina; ang pagkagat nito sa kanyang balikat upang sipsipin ang lason sa katawan niya... marahil nga ay pagod ito.

"Athan..." ah! Narito nga pala si Boss Shin, muntik pang malimutan ni Nathaniel dahil sa lalim ng kanyang iniisip.

"Bakit ho Boss?" Tugon ni Nathaniel.

"Tingin ko'y... kailangan muna nating mag-ingat kay Mina. Mainam sigurong maglagay ka ng distansya sa pagitan niyong dalawa." Mahinahong pahayag ni Boss Shin.

Napa-awang ang bibig ni Nathaniel. "Bakit po?" Naguguluhan nitong tanong at tila hindi makapaniwala. Porque ba nag-iba ito ng anyo bilang isang gumiho ay dapat na nila itong katakutan? Ito pa nga ang mismo nagligtas sa kanya!

"Isa siyang gumiho Athan." Tugon ni Boss Shin na tila ba iyon na ang sagot sa lahat ng katanungan ni Athan. Ngunit, sa halip na malinaw ang mga bagay-bagay tila mas gumulo pa ito.

"Pero hindi po siya halimaw!" Giit ni Nathaniel. May halimaw ba na ilalagay ang sariling kapakanan para lang iligtas ang kapwa nito? Gumiho lang si Mina, pero hindi halimaw para maging mag-ingat at umiwas dito!

"Gumiho siya Athan–"

"Alam ko ho Boss Shin! Gumiho siya at kaibigan ko siya! At hindi siya halimaw!" Napatayo si Nathaniel at bahagyang tumaas ang boses. Hindi nabigla ang boss niya, bumuntong-hininga ito na tila inaasahan na ang magiging reaksyon niya. Napayuko na lamang siya at nahiya sa inasal.

Namayani ang katahimikan sa loob ng silid. Matapos ang ilang paglunok at buntong-hininga, doon pa lamang siya nakapagsalita.

"Sorry Boss. Hindi ko sinadyang magtaas ng boses. H-Hindi ko lang maintindihan..." paghingi niya ng paumanhin at tila pagtanggol sa inasal niya.

"Naiintindihan ko Athan, marahil ay pagod ka pa. Magpahinga ka na. Ako na ang bahala dito."

"Boss... dito lang ho ako." Mahinahong wika ni Nathaniel. "Babantayan ko ho siya."

"Hindi mo naiintindihan Athan... ipapaliwanag ko sa'yo kapag nakapagpahinga ka na."

"Boss, handa na ho akong makinig. Hindi ko ho maiiwan si Mina na hindi ko alam ang dahilan kung bakit ko siya dapat iwasan.. maliban sa gumiho s'ya"

Wala naman nang magagawa ang boss niya kaya't sumuko na ito. Lumapit ito kay Athan.

"Athan, noon pa man ay pinangingilagan na ang mga gumiho. Mga mapalinlang silang nilalang. Mula sa anyong lobong may siyam na buntot ay nagbabalat-kayo sila bilang isang mapang-akit na dilag. Kapag nahulog na sa patibong ang biktima ay doon na ito lalapain. Walang habas nilang kakainin ang atay ng biktima. Malapit nang sumapit ang pagbilog ng buwan Athan, doon sila lumalakas at nagpapalit ng anyo."

Tahimik lamang si Nathaniel. Paulit-ulit niyang iniisip ang mga sinabi ng kanyang Boss. Pinag-iisipan niyang mabuti ang detalye ng mga sinabi ng kausap. Magkaganon pa man, hindi niya mapilit ang sarili na sundin ang naunang ipinayo ng boss niya na umiwas muna kay Mina.

Mythical ClashTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon