Chapter 7 [第7章]
NANG HUMINTO ang magarang sasakyan ni Kazuki sa tapat ng ramen house na pinapatakbo na ngayon ni mommy ay hindi maitago ang kakaibang takot sa mukha ng aking lolo, na noon ay bumabati sa mga pumapasok na kliyente. Sa tingin ko ay kilala niya ang nagmamay-ari ng leopard print Lamborghini.
Madali ring naibsan ang kaniyang naramdaman nang ako ang unang lumabas ng sasakyan; si Kazuki ay sumunod lamang sa akin ng kumaway ako sa kaniya.
Dito ay nagpakita ng labis na paggalang si lolo. Kahit walang magpaliwanag sa akin ng mga nangyayari ay ramdam ko ang laki ng impluwensiya ng angkan ni Kazuki hanggang sa lugar na ito. Madali kami'ng inanyayahan ni lolo na tumuloy sa bahay. Nasa likod lang ito ng restaurant kaya maging si mommy ay nagbilin muna sa isang tauhan upang makasunod siya sa amin. Doon ay magalang din na sinalubong si Kazuki ng aking lola.
"Kazuki-sama," panimula ni lola, halatang naluluha ito. "kung ano man po ang nagawa ng apo ko, sana naman ay mapatawad ninyo siya..."
Sa tinurang ito ng aking lola ay mabilis ding nagbago ang mukha ni mommy. Hindi pa rin kasi niya alam ang nangyayari pero ramdam niya na tila ba may problema. Nagbuka siya ng bibig upang magsalita -- marahil ay upang humingi ng paliwanag, subalit unang nakapagsalita si Kazuki.
"Wala siyang kasalanan." Tugon ni Kazuki. Bakas ang pagtataka sa mukha ni lola. "Inihahatid ko lamang ang apo ninyo. Nakita ko siya kagabi sa Hanami festival at mukhang naliligaw kaya sinamahan ko muna siya hanggang sa magliwanag."
"Naliligaw?" Sumingit si mommy, "Nakitawag ka pa kagabi at ang sabi mo ay may pupuntahan pa kayo ng mga kaibigan mo. Pano ka naligaw?"
Mabilis namang sumabat si lolo bago pa ako makasagot.
"Normal lang na maligaw ka dito sa Tokyo, apo." Ani lolo. "Hindi na nakakapagtaka iyan dahil bago ka lamang dito. Mabuti na lamang at si Kazuki-sama ang nakakita sa iyo."
"T-tama iyon." Segunda naman ni lola.
"BAGOOO?!" Bulalas ni mommy.
Doon ay napuna ko na rin na hindi talaga katanggap-tanggap ang paliwanag ni Kazuki subalit sina lolo at lola ay nagpapanggap na naniniwala rito. Si mommy naman kasi, may pagka-slow. Sumakay na rin ako.
"Tama iyon, mommy." Wika ko. "Naligaw lang talaga ako. Salamat nga at nakita ako ni Kazuki-sama."
"Kazuki-kun," sambit ni Kazuki, "iyon ang itawag mo sa akin, Hisagi-san."
"Puwes, pwede mu rin akong tawaging Yuu." Ani ko.
Nagsalubong ang mga kilay ni Kazuki. Hindi niya siguro alam kung paano sasabihin ang pangalan ko na walang titulo ng paggalang. Gayon pa man ay sinubukan niyang gawin ang sinabi ko.
"Y-Yuu..."
Ngumiti ako sa kaniya. "Ganyan nga, Kazuki-kun!"
Iyon lang at nagpaalam na si Kazuki. Inanyayahan pa siya ni lolo na uminom muna ng tsaa subalit tumanggi na siya. Sa halip ay may isa siyang pabor na hiningi: nais niya raw bumalik upang madalaw akong muli. Sina lolo't lola ay nagkaisa sa sagot nila'ng "oo."
~~~
PASADO ALAS SINGKO ng hapon nang may dumating akong mga panauhin: sina Mariko at Rie, ang mga mahadera ko'ng ka-eskwela. Na-miss daw nila ako sa klase kanina kaya dinalaw nila ako. Sikat ang ramen shop namin kaya madali nilang natunton ang lugar namin. Ang mga hitad nito, may pagka-sweet din naman pala. Sige na nga, hindi na ko imbyerna sa inyo.

BINABASA MO ANG
Macho Hearts Book 3: Sakura Hearts
General FictionSI HISAGI YUUTO ay nagsumikap na mamuhay ng normal sa piling ng kaniyang bagong pamilya at mga kaibigan sa Japan. Simula nang lisanin nila ang Pilipinas ay nangako siya sa sarili na hindi na mauulit pa ang kaniyang katangahan sa larangan ng pag-ibig...