Chapter 9 [第9章]

2.9K 52 6
                                    

Chapter 9 [第9章]

"AKO ANG SUGO ng Ishida clan, at narito ako upang ibalik kayo sa mga huling sandali sa buhay nina Hisagi Honosuke at Kaneshiro Kyoraku. Nangyari ang aking kuwento walong taon na ang nakalilipas, dito rin sa mismong siyudad ng Tokyo.

Si Hisagi Honosuke ay isa sa mga maaasahan na assets ni Kaneshiro Kyoraku -- ang kasalukuyang tumatayong pinuno ng angkan ng mga Kaneshiro. Bagama't pinili niyang huwag maging miyembro ng grupo ni Kaneshiro-sama ay hindi matatawaran ang kaniyang katapatan dito. Dahil sa madalas na magkasama sina Hisagi-san at Kaneshiro-sama ay marami na silang pinagdaanan na hindi na kayang tumbasan; sapat upang mapatawad ang isang taksil na tulad ko alang-alang kay Hisagi Honosuke.

Naging kasapi ako ng grupo ni Kaneshiro-sama sa edad na dalawamput-pito. Nagsimula ako bilang alalay ng mga kolektor ng tong sa mga tindahang pinuproteksiyonan namin, at sa edad na dalawamput-siyam ay naitalaga na rin ako bilang isa mismo sa mga kolektor. Isang araw ay natukso akong isugal ang ilang bahagi ng aking nakolekta sa kagustuhan kong madagdagan ang aking kita, at sa kabutihang palad naman ay nananalo ako kaya bukod sa naisasauli ko na ng buo ang koleksiyon ay may sobra pa para sa akin; lamang ay hindi nagtagal ang kasiyahang ito dahil kung anon'ng bilis ng pagkapanalo ko noon ay siya ring bilis ng pagkaubos ng mga nakulekta ko nang sunud-sunod akong matalo.

Hindi ko alam kung paano ako magpapakita kay Kaneshiro-sama kaya't inilikas ko ang aking pamilya sa kabilang bayan, subalit nang may ilang araw na akong hindi nagpapakita sa kanila ay ipinahanap na niya ako. Ang pagkakamali ko lang ay hindi ko nalaman na ang lugar na pinagtaguan ko ay teritoryo rin pala nila. Madali nila akong nahanap at isinama sa kuta ng mga Kaneshiro. Bagama't alam ko na katapusan ko na noon ay nagpasalamat pa rin ako sapagkat hindi nila idinamay ang aking asawa at ang siyam na tao'ng gulang naming anak.

Pagdating sa kuta ay tuluy-tuloy kami sa opisina ng pinuno kung saan ay naka-abang na si Kaneshiro-sama, ang kaniyang kanang-kamay at nakababatang kapatid na si Kaneshiro Ukyo, at ang asset na si Hisagi Honosuke. Nang mailuhod na ako sa harapan ni Kaneshiro-sama ay lumabas na ang mga tauhan niya at naiwan ako kasama ang tatlo.

Magsisimula pa lamang akong magsalita upang humingi ng tawad ay pinigilan na ako ni Kaneshiro-sama. Bagkus ay inabutan niya ako ng punyal at pisi upang putulin ang aking daliri. Pinagpawisan ako ng malamig dahil sa gustong ipagawa ng aking pinuno, subalit wala akong magawa kung hindi ang sumunod. Kung tutuusin ay magaan pang kaparusahan ito sa kasalanang ginawa ko. Lamang ay bago ko pa magawa ang kaparusahan sa akin ay pinigilan naman ako ni Kaneshiro Ukyo. Masiyado raw magaan ang kaparusahan ko, at mas nararapat daw sa akin ang ritwal ng seppuku upang huwag pamarisan ng iba ang kasalanan ko. Sang-ayon kasi kay Ukyo-sama, ang pagnanakaw sa yaman ng angkan ay isang mortal na kasalanan kaya't kamatayan ang kabayaran dito. Bukod pa dito ay kinuha nila ang lahat ng aking ari-arian at itinapon ang aking pamilya sa isang maliit na lupa na maaari nilang sakahin upang may kabuhayan sila.

Sa buong kasaysayan ng angkan ay ako ang ika-apat na magsasagawa ng seppuku o ang ritwal ng pagpapakamatay. Sa ibang bansa, ang tawag dito ay Harakiri. Nasaksihan ko ang huling gumawa nito noong isang taon pa lamang ako sa grupo. Bilang parusa sa isang miyembro na gumawa ng matinding kasalanan, kinailangan niyang magpakamatay sa harapan ng lahat upang huwag tularan ng iba. Nakapalibot kami sa kaniya noon, samantalang siya ay nakaluhod. Hinubad niya ang suot niyang damit at maingat na dinampot ang wakisashi (maiksing espada). Hinawakan niya ang talim nito at may nakapatong lamang na panyo upang hindi magsugat ang kamay niya -- hindi ito maaaring masugatan upang hindi niya mabitiwan ang patalim. Itinutok niya ang talim ng espada sa kaniyang kaliwang tiyan, itinusok ito at marahang  hiniwa ang kaniyang sikmura pakanan. Lumuha siya ng dugo dahil sa tindi ng sakit na nadarama niya nang mga sandaling iyon, subalit wala kang maririnig sa kaniya na anumang senyales ng paghihirap. Nang makumpleto niya ang paghiwa sa kaniyang sikmura at bumulwak mula rito ang kaniyang mga bituka ay pumuwesto naman ang isa sa mga kaibigan niya upang pugutan siya ng ulo gamit ang isang samurai -- sa wakas ay natapos na ang ritwal.

Macho Hearts Book 3: Sakura HeartsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon