Chapter 1.1

2.3K 69 5
                                    


Ala- una ng hapon, araw ng Sabado. Sulit ang pagod ng magkakaibigan nang marating nila ang pakay na lugar.

Talagang napakaganda ng enchanted river sa Mt. Binintian sa Taal, Batangas. Napakalinis at napakalinaw ng tubig na tila ba nag-aanyaya sa kanilang lahat na lumusong dito at magtampisaw. Ngunit pinayuhan sila ng kanilang guide na huwag pupunta sa medyo malalim na bahagi ng ilog dahil meron daw diumano ditong kuweba na hindi pa nararating ng tao.

Bigla  tuloy naalala ni Jewel ang mga sabi-sabi tungkol sa hiwagang diumano ay bumabalot sa isa sa pitong bundok sa isla na ito na nasa gitna ng Taal lake.

Ayon sa urban legend ng Cavite at Batangas, sa Mt. Binintian daw nakatira ang isang uri ng mga maligno na kung tawagin ay Piritay. Katulad ng tao ang itsura ng mga ito maliban lang sa kulay ng balat na matingkad na pula. Mababait daw at palakaibigan ang mga Piritay at nakisalamuha ang mga ito sa mga tao noong unang panahon. Ngunit sa hindi malamang dahilan ay bigla silang naging mailap at nagtago sa mga tao.

Ayon sa iilang personalidad na pinalad na makarating sa mundo ng mga Piritay, ang mga ito daw ay may kamangha-manghang sibilisasyon. Malulusog, masisipag, disiplinado at mabubuti ang bawat mamamayan. May maayos na gobyerno, mabubuting mga pinuno, makatuwirang mga batas, malinis na kapaligiran at saganang pagkain. Wala raw tao na hindi nanaising tumira rito. An ideal place to live. Iyon ang paglalarawan sa lupain na ito ng mga Piritay.

Ngunit hindi ganoon kadali ang makapasok sa dimensyon ng mga Piritay. Kinakailangan daw ang imbitasyon mula sa isang Piritay upang makapasok sa lagusan patungo sa mahiwagang daigdig ng mga ito. Kung kaya sa loob ng mahabang panahon ay nanatiling sikreto ang lugar ng mga ito. Nanatili lamang ito sa kuwento at sabi-sabi na nagpasalin-salin sa bibig ng mga tao. Kung kaya tinawag itong Terra Incognita, o The Lost World or Unknown World.

Masayang naligo ang magkakaibigan habang nagkasya na lamang si Jewel na panoorin ang mga ito sa dahilang hindi siya marunong lumangoy. Kuntento siyang nakaupo lang sa pampang habang pinapapak ang cheese sticks na baon nila. Nang isusubo na niya ang isang piraso ay isang sitsit ang narinig niya. Tila nagmumula iyon sa likuran niya kung kaya agad siyang lumingon.

Ganoon na lang ang gulat niya nang isang guwapo, matangkad at medyo maputing lalaki ang nakita niya ilang dipa ang layo sa kinaroroonan niya. Elegante at makulay ang suot nito na tila ba sa isang prinsipe mula sa Middle Ages. Agad niyang tiningnan ang mga kaibigan at ang kasama nilang guide kung nakikita ng mga ito ang nakikita niya. Ngunit sa malas ay tila siya lamang ang nakakapansin sa mahiwagang nilalang na ito.

Bagamat naguguluhan kung paano nagkaroon ng isang tila prinsipe sa gitna ng kagubatan ay hindi niya napigilan ang paghanga sa kakisigan nitong taglay kung kaya agad siyang tumayo upang lapitan ito nang kinawayan siya. Habang papalapit ay lumalapad ang pagkakangiti nito kung kaya mas nabistahan niya ang mapuputi at pantay-pantay nitong mga ngipin. Mapusyaw na kulay bughaw ang mga mata nito. Kulay ginto ang buhok at makinis ang maputing balat.

Tila wala sa sariling nagpatuloy siya sa paglapit dito kahit may kaunting takot siyang nararamdaman. Mas malakas ang panghalina ng lalaking ito kaysa sa pag-aalinlangan sa utak niya. Ilang hakbang na lang ang layo niya rito nang di sinasadyang sumabit ang kanyang braso sa nakausling sanga ng isang punongkahoy. Agad na dumaloy ang masaganang dugo mula sa napunit niyang balat. Saglit niyang tiningnan ang munting sugat. Nang masigurong mababaw lang iyon ay muli niyang ibinalik ang mga paningin sa naghihintay na lalaki. Napansin niya ang pagbabago ng kulay ng mata nito mula sa mapusyaw hanggang sa matingkad na bughaw. Sa tingin niya ay lalong naging mas guwapo ito sa malapitan.

"Ako si Yurik, isang Dalaketnon mula sa kaharian ng Dalaket," pagpapakilala nito nang makalapit siya. Matamis ang mga ngiti nito. Nangungusap ang mapupungay na mga mata. Ilang ulit niyang ikinurap ang mga paningin sa pag-aakalang nananaginip lamang siya.

"Dalaket?" maang na tanong niya.

"Ang Dalaket ay isang daigdig sa kabilang dimensyon. Maganda, masaya at tahimik dito. Gusto kitang anyayahan sa aking kaharian, magandang binibini," masuyo nitong wika.

"Ngunit hindi ko alam ang lugar na sinasabi mo. Isa pa, hindi rin kita kilala. Paano ako makakasiguro na magiging ligtas ako sa pagsama sa iyo?"

"Isa akong prinsipe, binibini. Hindi ako gagawa ng anumang bagay na ikahihiya ng maharlika kong angkan. Isa pa ay maituturing mong mapalad ka, sapagkat hindi lahat ng babae ay nagkakaroon ng pribilehiyo na maanyayahan sa lihim naming pamayanan."

"Kung ganoon, maaari bang sabihin mo sa akin kung ano ang dahilan at inaanyayahan mo ako sa iyong daigdig?"

"Sasabihin ko kung sasabihin mo muna ang iyong pangalan?"

"Ako si Jewel. Jewel Sta. Maria."

"Napakaganda mo, Jewel. Kanina pa kita pinagmamasdan mula sa malayo at nahalina ako sa taglay mong kagandahan hanggang hindi ko napigilan ang aking sarili na magpakita sa iyo."

"Ngayon, ano ang dahilan at inaanyayahan mo akong sumama sa iyong lugar?"

"Nabanggit ko na, Jewel. Nahalina ako sa ganda mong taglay, sapat upang lumabas ako mula sa aking pinagkukublihan at magpakita sa iyo na hindi dapat gawin ng isang maharlikang tulad ko. At para sa akin ay hindi sapat ang pagpapakita lamang. Nais kitang isama sa aking daigdig upang lubos mo akong makilala."

"Sigurado kang iyon lang ang dahilan?" may pag-aalinlangang tanong niya.

"Oo at wala nang iba," pagkasabi noon ay inabot ng lalaki ang sariling kamay sa kanya.

Ilang saglit lang siyang nag-isip. Nilingon niya ang mga kaibigan sa di kalayuan. Masayang-masaya ang mga ito habang nagtatampisaw sa tubig. Walang kamalay-malay ang mga ito na nang mga sandaling iyon ay tila napapailaliman siya ng isang gayuma. 

Terra Incognita(Ang Hiwaga Ng Mga Engkantong Pula) PublishedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon