Chapter 10.2

1.2K 40 1
                                    

Sa bahay-pagamutan ay dagling napawi ang takot ng mga Piritay nang unti-unting manumbalik ang lakas ng mga may sakit matapos inumin ang pinakuluang Euphorbia hirta. Maya-maya pa ay parang nagdahilan lamang ang mga ito.

Tuwang-tuwang niyakap ni Elisha si Kael. Pagkuwa'y hinarap nito ang mga Piritay na naroroon. "Utang nating lahat ito kay Jewel. Ngunit sa kasamaang palad ay nanganganib din ang buhay niya. Ibinigay siya ng taksil na si Elyana sa mga Dalaketnon at anumang sandali ay iaalay na siya paglitaw ng bughaw na buwan."

"Na hindi ko mapapayagan," wika ng isang bagong dating. Ganoon na lang ang gulat ni Elisha at ng mga Piritay na naroon nang makilala ang nagsalita.

Si haring Samael, suot ang damit pandigma habang sakay sa kaniyang higanteng agila. Iyon lang at sabay-sabay na nagtayuan ang mga mandirigmang ngayon ay nanauli na ang mga lakas. Hudyat iyon upang mabilis na kunin ng mga babae at mga bata ang mga sandata ng mga ito.

Unti-unti nang nawawalan ng pag-asa si Azrael habang nasasaksihan niya kung paano inuubos ng mga kalaban ang mga mandirigmang Piritay. Dahil sa iba't-ibang uri ng pag-atake ng mga kalaban ay lubhang nahirapan sila na makipagsabayan sa mga ito. Idagdag pa ang papaunti nilang bilang.

Ngunit ganoon na lamang ang gulat niya nang matanaw ang paparating na hari sakay ng malaking agila. Sa ibaba naman ay paparating ang mga mandirigmang ngayon ay malalakas na at nakahandang lumaban.

Hindi niya napigilan ang pagtulo ng luha nang maalala si Jewel. Batid niyang si Jewel ang dahilan ng panunumbalik ng kalusugan at lakas ng mga ito.

Si Jewel...

Alam niyang nasa panganib ang buhay ng dalagang iniibig. At kung mahuhuli siya ay maaaring hindi na niya ito makita magpakailanman. Ngunit kailangan din siya ng mga Piritay. Hindi niya kayang talikuran ang kaniyang mga kalahi lalo na sa panahong ito ng digmaan.

Wala siyang magawa kundi umusal na lamang isang dasal. "Bathala, ikaw na ang bahala kay Jewel." Nagsisikip ang dibdib na muli niyang hinarap ang mga kalaban. Ilang manananggal at wakwak ang nakatikim ng bagsik ng kaniyang espada. Kahit minsan ay hindi pa siya sumasablay sa kaniyang mga atake. Minasdan din niya kung paano makipaglaban si haring Samael. Wala pa rin itong kupas. Taglay pa rin nito ang bilis at galing na lumupig sa mga palalong anghel noong unang panahon. Lihim naman siyang napangiti nang makita si heneral Zadkiel na ngayon ay buong giting na nakikipaghamok sa heneral ng mga Dalaketnon. Minana nito ang galing sa pakikidigma sa kasamaan mula sa ninuno nitong si Miguel Arkanghel.

Sigurado siyang ilang saglit lang at mauubos na nila ang kanilang mga kalaban. Kanina pa niya hinahanap si Yurik ngunit masyado itong mailap. Tila talagang iniiwasan na magkaharap sila.

Sa wakas ay namataan niya ito sa di kalayuan. Susugurin na sana niya ito nang bigla na naman itong nagpakawala ng isang matinis na paswit. Mas mahaba ito at mas nakapangingilabot.

"Ang Yukha at Zhelga," sigaw ni Zadkiel. Nang sinulyapan ni Azrael ang heneral ay nakita niyang nanaig ito laban sa heneral ng mga Dalaketnon. "Desperado na siya kung kaya tinatawag niya ang dalawang halimaw sa ilog Dalaket."

"Bathala," sigaw ni haring Samael. "Ano ang laban natin sa mga halimaw na iyon?"

"Isara ninyo ang Ellora," utos ni haring Samael. Tatalima sana siya ngunit huli na. Mula sa himpapawid ay kitang-kita niya ang pagpasok sa Ellora ng dalawang nakapanghihilakbot na halimaw mula sa ilog Dalaket. Mala-higante ito sa laki, maitim ang mahahabang balahibo, mabalasik ang mga mukha at nagtataglay nang matutulis na kuko sa mga kamay at paa. Umaatungal pa ang mga ito habang lumulusob sa kanilang mga mandirigma. Sa loob ng ilang saglit ay ilang Piritay ang agad na napatay ng mga ito. Dumiretso ang mga ito sa pamayanan at sinira ang mga istruktura rito. Wala silang nagawa upang pigilan ang mga ito. Nagtakbuhan palayo ang mga bata at babae na nagtatago sa mga gusali. Napuno nang nakapangingilabot na hiyawan at iyakan ang buong Terra Incognita.

Mabilis na pinabulusok ni Azrael si Pashnar upang harapin ang mga ito. Kasunod niya si Zadkiel at haring Samael.

Ngunit agad na nakatunog ang mga halimaw sa kanilang paglapit. Walang habas na iwinasiwas ng mga ito ang mga kamay at buntot upang mahuli sila. Sa isang galaw nito ay aksidenteng nahagip ang armadillong sinasakyan ni Zadkiel kung kaya nahulog ito. Agad niyang pinababa si Pashnar sa lupa upang daluhan ang kaibigan.

Ngayon ay kapwa sila nasa ilalim ng dalawang halimaw na nakahandang tumiris sa kanila. Itinaas ng isa ang paa upang ibagsak sa kanila. Halos sabay nilang nabigkas ni Zadkiel ang pangalan ng kanilang bathala dahil sa paparating na kamatayan.

Nang biglang nagkaroon ng sigawan mula sa mga Piritay na siyang dahilan ng pag-udlot ng pagtapak sana sa kanila ng isang halimaw. Sinamantala nila ni Zadkiel ang pagkagulat nito at mabilis silang tumakbo palayo sa ilalim ng talampakan nito. Nang tingnan nila kung ano ang dahilan ng sigawan ay nakita nila ang pagdating ng laksa-laksang lambana sa pangunguna nina Dana at Lira. May dala-dalang maliliit na sulo ang mga ito kung kaya nagmukhang mga alitaptap ang mga ito sa papadilim na kalangitan.

Dahil sa sobrang liit ay hindi halos makita ng mga halimaw ang mga lambana kung kaya nahirapan ang mga ito na hulihin ang mga maliliit na nilalang. Ilang lambana ang dumapo sa mga halimaw upang idikit ang mumunting apoy sa balahibo ng mga halimaw. Nag-apoy ang ilang bahagi ng katawan ng mga halimaw. Sinamantala naman ng mga Piritay ang pagkataranta ng mga halimaw upang pakawalan ang daan-daan nilang palaso sa mga ito.

Nagbunyi ang mga Piritay nang unti-unting bumagsak sa lupa ang dalawang halimaw. Noon naman niya namataan ang papatakas na si Yurik.

Napasigaw si haring Samael nang makita rin ang papatakas na prinsipe ng Dalaketnon. "Sundan mo siya, Azrael. At iligtas mo si Jewel. Bawiin mo sa kanila ang mutya ng mga Piritay."

Napangiti siya sa tinuran ni haring Samael. Ngayon ay itinuturing na ng hari si Jewel bilang mutya ng Piritay at hindi ng mga Dalaketnon.

Balot ang puso nang nagliliyab na hangarin na mailigtas ang dalaga ay agad siyang sumakay sa likod ni Pashnar.

Dalawang lambana ang lumapit sa kaniya. Agad niyang nakilala ang mga ito.

"Maraming salamat, mga kaibigan," usal niya.

"Walang anuman, prinsipe Azrael. Nawa'y kasihan ka ni Bathala," magkasabay na wika nina Dana at Lira.

Iyon lang at pinalipad na niya si Pashnar. Ilang saglit pa at namataan na niya si Yurik na patungo sa Ellora. Sinadya niyang huwag isara ang lagusan upang makalabas ng Terra Incognita si Yurik. Ito ang magdadala sa kaniya sa kinaroroonan ni Jewel.

Naging napakalakas ng tibok ng kaniyang puso nang ganap nang lumatag ang kadiliman sa buong kalangitan. Palatandaan ito na maya-maya lang ay lilitaw na ang bughaw na buwan na siyang magiging hudyat ng kamatayan ng babaeng kaniyang minamahal.


Terra Incognita(Ang Hiwaga Ng Mga Engkantong Pula) PublishedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon