"Boker Tov," masiglang bati ni Elisha kay Jewel kinaumagahan nang dumating ito sa bahay na kaniyang tinutuluyan. May dala itong pagkain. Agad niyang nakilala ang batang lalaking Piritay na kasama nito.
"Kael?" masigla niyang bati sa bata na agad namang ngumiti sa kaniya.
"Kilala mo na pala ang aking anak?" gulat na tanong ni Elisha.
"Ipinakilala siya sa akin ni Azrael kahapon. Anak mo pala siya. Pero teka, bakit mo siya isinama rito? Magagalit ang hari kapag nalaman niya na pinahihintulutan mong pumunta rito ang anak mo."
"Nagpilit siya. Gusto ka raw niyang makita. Huwag kang mag-alala. Malilipat lamang ang lason sa laway mo sa pamamagitan ng halik taliwas sa sinasabi ng hari at reyna at ng buong konseho. Sinasabi nila ang kasinungalingang iyon upang maiwasan na makihalubilo kaming mga Piritay sa mga taga-lupa."
Napamaang siya sa tinuran ni Elisha. "Ano? Kung ganoon ay ligtas kayo ni Azrael sa pakikipag-usap sa akin? Maliban na lamang kung hahalikan ko kayo o hahalikan ninyo ako?"
"Oo. Pero hindi ito alam ng mga karaniwang Piritay. Ang hari at reyna, ang bumubuo ng konseho, mga manggagamot at mga siyentipiko lamang ang nakakaalam ng katotohanan. "
"Pero paano mo nalaman?"
"Sapagkat dati akong nakihalubilo sa mga tao noong dalagita pa lang ako. Tulad ng mga Dalaketnon ay may kakayahan kaming baguhin ang aming anyo at palitan ang kulay ng aming balat na katulad ng sa inyo. Lubha kaming naaakit sa inyong mga tao at sa uri ng inyong pamumuhay kung kaya palihim kaming tumatakas patungo sa inyong daigdig."
"Ganoon ba? Ibig mong sabihin ay posibleng noon pa man ay may nakausap na akong isang Piritay? O kaya naman ay may nakasabay habang naglalakad ako? O kaya naman ay nakatabi sa isang pampublikong sasakyan? O naging kaibigan kaya?"
Tumango si Elisha. "Posible. Noong una ay gusto lang ng mga kauri ko na makihalubilo sa inyo at makita kung paano kayo namumuhay. Ngunit nagkaroon ng pag-iibigan sa pagitan ng isang Piritay at ng isang tao ng maraming beses na naging dahilan ng pagkamatay ng iba naming mga kalahi kung kaya ipinagbawal na ng hari ang pagpunta sa inyong daigdig. Ngunit hindi pa rin napapigil ang ilan kung kaya napilitan siyang lagyan ng hindi nakikitang baluti ang buong Terra Incognita at makakalabas lamang o makakapasok dito ang lahat ng nilalang sa pamamagitan ng mahiwagang lagusan, ang Ellora. Nagsilbi ring proteksiyon ang baluti laban sa mga Dalaketnon na noon ay mahigpit naming kaaway."
Hindi pa rin makapaniwala si Jewel sa narinig. "Paano ko malalaman na isang Piritay pala ang aking kaharap at hindi isang tao?"
Inilahad ni Elisha ang kanang palad. Sa pinakagitna noon ay may maliit na marka na singlaki ng piso. Kulay pula rin ngunit tatlong beses na matingkad sa kulay ng balat nito.
"Bawat Piritay ay may ganitong marka. Ang tatak ng aming lipi. Ang larawan ng buong Terra Incognita."
Mabilis niyang hinawakan ang kamay ng noon ay nakikinig na si Kael at ibinuka ang kanang kamay nito. Namangha siya nang may makita rin siyang balat na kamukhang-kamukha ng nasa palad ni Elisha.
Muling ngumiti si Kael. Ginantihan niya nang marahang paghaplos sa buhok nito ang ipinapakitang giliw nito sa kaniya. Siya man ay magaan din ang kalooban sa batang Piritay.
"Ang ganda ng marka sa iyong palad, Kael."
"Talaga? Parang ikaw din, maganda..." nakangiting tugon nito.
BINABASA MO ANG
Terra Incognita(Ang Hiwaga Ng Mga Engkantong Pula) Published
FantasyIn a land of superstitions and mysticism, and in the midst of a clash between good and evil, can love be possible between two hearts from different worlds?