Chapter 3.2

1.6K 62 0
                                    

Maingat siyang ibinaba ni Azrael. Namamanghang iginala niya ang mga paningin sa paligid. Maaliwalas at luntian ang buong paligid na lalong pinaganda ng sari-saring makukulay na mga bulaklak. Hindi niya napigilan ang sarili na samyuhin ang taglay na bango ng mga ito.

"Maligayang pagdating, Jewel. Ito ang Terra Incognita, ang kaharian naming mga Piritay," masiglang wika ni Azrael.

Namangha siya sa narinig. Hindi siya makapaniwala na nakatuntong siya sa lupain ng isang sikat na kaharian ng mga engkanto base sa mitolohiyang Pilipino. "Terra Incognita?" tanong niya habang dahan-dahang humahakbang. Palinga-linga pa rin siya sa paligid. "May ganitong lugar pa pala. It's paradise. Pakiramdam ko ay nasa isang paraiso ako. Kahanga-hanga ang inyong daigdig, Azrael,"

Nasa mataas na bahagi sila ng lupa kung kaya agad niyang napansin ang isang malawak na sibilisasyon sa bandang ibaba.

"Wow!" bulalas niya. "Totoo ba ang nakikita ko? Isang maunlad at makabagong sibilisasyon sa ilalim ng lupa?"

Isang ginintuang usa ang lumapit sa kanila. Maamo at mas malaki ito kaysa sa karaniwang usa. Inakay siya ni Azrael palapit dito. "Ang totoo niyan ay wala tayo sa ilalim ng lupa taliwas sa paniniwala ng mga tao. Nasa kabilang dimensyon tayo. Ang liwanag na parang bola kanina ang nagsisilbing lagusan naming mga Piritay patungo sa inyong dimensyon. Ngunit nagbubukas lamang ito kung kinakailangan. Tinatawag namin itong Ellora. Para sa mga Dalaketnon, ang Dalaket tree naman ang nagsisilbi nilang lagusan palabas at papasok sa kanilang kaharian."

Inalalayan siya ni Azrael na sumakay sa likod ng usa. "Siya si Pashnar. Siya ang aking sinasakyan kapag naglilibot ako sa buong Terra Incognita. Kumapit kang mabuti sa mga sungay niya, Jewel."

Sinunod niya ang sinabi ni Azrael. Ganoon na lang ang gulat niya nang unti-unting umangat ang mga paa ni Pashnar sa lupa. "Whoa! Lumilipad siya? It's amazing!"

"Oo. Ililibot muna kita sa buong Terra Incognita bago tayo pumasok ng palasyo. Mas magandang pagmasdan ang aming kaharian kapag nasa itaas ka."

Banayad na lumipad si Pashnar patungo sa pamayanan ng mga Piritay. Napasigaw siya sa takot. Napahigpit ang hawak niya sa sungay nito. Mabuti na lang at inalalayan siya ni Azrael kung kaya nabawasan ang pangamba niya na mahulog.

Mula sa himpapawid ay kitang-kita niya kung gaano kasibilisado ang Terra Incognita. Yari sa bato, pilak at ginto ang nagtataasang mga gusali. Maaliwalas, malinis at tahimik ang buong pamayanan. Abala ang mga lalaki at babae sa pagtatrabaho samantalang masayang naglalaro naman ang mga bata. Sariwang hangin ang nalalanghap niya na hindi nakakapagtaka dahil sa maraming puno at halaman sa paligid.

"Nakapagtataka talaga. Hindi pa rin ako makapaniwala na may ganitong pamayanan sa kabilang dimensyon."

"Utang na loob namin ito sa aming mga ninuno na buong panahong ginugol ang kanilang kabataan at katalinuhan upang magkaroon ng perpektong mundo para sa aming lahi. Narito na ang lahat ng kailangan ng bawat nilalang. Sino mang makarating dito ay siguradong hindi na nanaising umalis pa dahil ito ang paraiso."

"Talaga? Huwag mong sabihing meron din kayong kotse, microwave oven, washing machine, cell phone, computer at...at internet?"

"Wala alinman sa nabanggit mo."

"Bakit?"

"Mahigpit na ipinagbabawal sa aming mga siyentipiko ang paglikha ng mga bagay na magiging dahilan upang maging sakitin, mainggitin, tamad at mahina ang aming mga mamamayan."

"Ang tinutukoy mo ba ay ang mga tao?"

"Ipagpaumanhin mo. Pero ang mga makabago ninyong teknolohiya ang isa sa mga dahilan ng inyong mga sakit, kawalan ng personal na komunikasyon sa mga pamilya at kaibigan at ang pinakamalubha, inggit at digmaan."

"Hindi kita maintindihan?"

"Dahil namulat ka sa makabagong panahon sa inyong daigdig. Kung kaya hindi mo alam ang buting idinudulot ng pagtatrabaho gamit ang sariling lakas, ang pakikipag-talastasan ng personal sa kapwa at ang pagiging salat sa mga bagay na puwedeng pagmulan ng inggit at pagnanasa."

"Tama ka sa puntong iyan, Azrael."

Tila lalong ginanahan sa pagkukuwento si Azrael. "Maunlad ang aming sibilisasyon ngunit salat kami sa mga bagay na pinagmumulan ng polusyon, pag-aaway at digmaan. Sa loob ng libo-libong taon ay napapanatili ng aming mga pinuno ang maayos na pamamahala, disiplina at katahimikan sa aming kaharian. Pantay-pantay ang pagtrato sa lahat. Bawat isa ay may tungkuling ginagampanan sa gobyerno, sa kapaligiran, sa pamilya at sa sarili. Lahat ay may kalayaan at karapatan sa mga biyaya sa aming nasasakupan. Maayos ang aming sistemang pang-edukasyon at ekonomiya. At dahil sa pangangalaga namin sa aming mga sarili at kapaligiran, madalang kaming magkasakit, mabagal ang aming pagtanda at mahaba ang aming buhay."

"Siyanga? Kung ganoon ay ilang taon ka na, Azrael?"

"Maniniwala ka ba kung sabihin ko sa iyo na mahigit limang daang taon na akong nabubuhay? Panahon pa ng mga kastila sa inyong daigdig nang isilang ako ng aking ina."

"Talaga? Kung ganoon ay buhay pa rin hanggang ngayon ang iyong mga magulang?"

Bumadha ang lungkot sa anyo ni Azrael. "Sa kasamaang palad ay patay na sila."

"Paano nangyari iyon? Akala ko ba ay mahaba ang inyong buhay, hindi kayo nagkakasakit at mabagal tumanda?"

"May nangyari sa aking mga magulang na siyang naging dahilan upang ipagbawal ng aming mga ninuno ang pagtawid sa inyong daigdig. Iyon din ang dahilan kung bakit nilagyan nila ng harang ang pagitan ng daigdig ng mga tao at ng mga Piritay."

"Ang ibig mo bang sabihin ay dati na kayong pumupunta sa aming daigdig?"

"Sa palagay mo ba ay maisusulat ang mga kuwento tungkol sa aming mga Piritay kung hindi kami nakisalamuha sa inyo noon? Hindi kami mga kathang-isip lang, Jewel. Totoong umiiral kami sa daigdig na ito kasama ng iba pang mga maligno. Sa totoo lang ay nauna pa ang aming lahi sa inyong mga tao na manirahan sa lupa. Nasaksihan namin ang labanan sa pagitan ng mga anghel at demonyo, gayon din ang napakaraming digmaan ng mga tao sa buong mundo."

Napakurap siya. "Talaga?"

"Namumuhay, nag-iisip at kumikilos kami na parang tao. Nagtatrabaho rin kami para sa aming mga pamilya. Meron kaming gobyerno, pagamutan, paaralan at templo para sa aming mga diyos. Ang pagkakaiba lang natin ay hindi namin sinisira ang nag-iisang tahanan nating lahat na may buhay. At magwawakas ang lahi ng mga tao pero hindi ang sa amin. Hangga't lumulutang ang planetang ito sa pusod ng kalawakan, patuloy na iiral ang mga nilalang na tulad namin."

"So interesting. Kapag nakabalik ako sa aming daigdig ay isusulat ko ang aking mga natuklasan tungkol sa inyong kabihasnan, Azrael."

"At sinisiguro ko sa iyo na marami kang maisusulat, Jewel." Ngumiti ang prinsipe. May kung ano'ng pumitik sa kaibuturan ng puso niya hatid nang mapang-akit nitong ngiti at guwapong mukha.

Terra Incognita(Ang Hiwaga Ng Mga Engkantong Pula) PublishedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon