Chapter 5.1

1.3K 52 2
                                    

"Ipagpaumanhin mo kung hindi naging maayos ang pagtanggap sa iyo ng aking mga kalahi, Jewel," malungkot na bungad ni Azrael. Panauhin ni Jewel ang prinsipe ngayong gabi sa bahay na pinagdalhan sa kaniya ni Elisha. Maayos at kumpleto sa kagamitan ang bahay. Malaya siyang makakakilos sa loob nito pero hindi siya puwedeng lumabas, sang-ayon sa utos ni haring Samael.

Bahagya siyang ngumiti. Nabasa niya ang katapatan sa mga mata ng binata. "Wala sa akin iyon, Azrael. Naiintindihan ko na tungkulin ng hari't reyna at ng buong konseho na pangalagaan ang kapakanan ng mamamayan ng buong Terra Incognita." Tinikman niya ang mainit na tsaa na inihanda ni Elisha. Magkatabing nakaupo sila ni Azrael sa isang bangko sa salas ng bahay. "Siyangapala, hindi mo sinabi sa akin na isang mortal na katulad ko pala ang iyong ina?" Nakatakip pa rin ng puting tela ang kaniyang bibig sang-ayon sa utos ng hari.

"Sasabihin ko sana sa iyo, ngunit nangamba ako na baka maging dahilan iyon upang iwasan mo ako."

"Hindi ba't dapat ikaw ang umiwas sa akin kung totoong nagtataglay ng lason ang aking laway na maaaring ikamatay mo?"

"Na siyang dapat kong gawin tulad ng ipinag-uutos sa lahat ng Piritay. Ngunit sa kung ano'ng dahilan ay hindi ko magawa. Nang masilayan ko ang maganda mong mukha mula sa malinaw na tubig ng ilog ng Terra Incognita ay may kung ano'ng kapangyarihan ang agad na nag-utos sa akin upang makipagkilala sa iyo."

"Sinuway mo ang mahigpit na ipinagbabawal sa inyong mga Piritay."

"At hindi ko iyon pinagsisisihan. Paulit-ulit ko iyong gagawin para sa iyo."

Napakurap si Jewel. "Bakit?"

"Hindi ko alam. Hindi ko kayang ipaliwanag ang kaligayahang nararamdaman ko kapag ganitong malapit ako sa iyo at nakakausap kita. Siguro ay ito rin ang naramdaman ng aking ama at ng iba ko pang kalahi nang umibig sila sa mga mortal."

Napamaang siya. "May iba pa sa mga kalahi mo ang nakipagrelasyon sa mga tao?"

"Oo. Hindi lamang ang aking ama. Kung kaya mangilan-ngilan kami ritong kalahating Piritay at kalahating tao. Isa na roon si heneral Zadkiel."

"Talaga? Kung ganoon ay karaniwan na sa inyong mga Piritay ang pagsuway sa mga utos?"

"Hindi naman. Likas kaming masunurin at disiplanado. Maliban lamang sa isang bagay...at iyon ay may kinalaman sa aming nararamdaman?"

"At ano ang iyong nararamdaman?" Wala sa loob na tanong ni Jewel. Huli na para maisip niya ang kapangahasan sa pagtatanong na iyon.

Makahulugang tumitig sa kaniya ang prinsipe. Mas maningning ang mga mata nito ngayon. Ang pulang balat nito ay tila lalong tumingkad. Marahan nitong inabot ang sugpungan ng puting tela sa likod ng ulo niya at maingat na kinalas ang pagkakabuhol noon. Nang malantad ang mga labi niya ay lumipat ang mga tingin ni Azrael dito. Sinapo ng hinlalaki nito at ng isa pang daliri ang kaniyang baba at masuyong itinaas ang kaniyang mukha. Unti-unting lumapit ang mukha ng prinsipe sa kaniya. Bahagyang nakaawang ang mga labi nito.

Twenty-one years old na siya. At kahit ni minsan ay hindi pa siya nagkaka-boyfriend ay alam naman niya ang gustong gawin ni Azrael. Tumututol ang utak niya pero sa kaibuturan ng puso niya ay may pagsang-ayon. Gusto rin niyang maramdaman ang halik ng prinsipe at malasahan ang mga labi nito.

Terra Incognita(Ang Hiwaga Ng Mga Engkantong Pula) PublishedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon