Chapter 8.2

1K 44 1
                                    


Ngunit bago naipukol ng mga ito ang mga bato ay agad na pumagitna si Azrael. "Tigilan ninyo ang kahangalang ito. Walang may kagustuhan sa mga nangyayaring ito. Bitiwan ninyo ang mga batong iyan at bumalik na kayo sa inyong mga tahanan. Kapag itinuloy ninyo ang balak ninyo ay ituturing ko itong isang kalapastanganan sa akin bilang prinsipe ng kahariang ito."

Sukat sa narinig ay agad na binitawan ng mga babae ang hawak na mga bato at isa-isang nagsilisan ang mga ito.

Ngunit ayaw pa ring magpa-awat ni Elyana. Sa wari ay tila lalong nagalit ito dahil sa pagtatanggol ni Azrael sa kaniya. "At paano naman ang mga anak nila na walang kalaban-laban at ngayon ay nanganganib na mamatay dahil sa salot na dala ng taga-lupang iyan? Hindi ba isang kalapastanganan ding maituturing ang pagdadala ng isang salot sa ating lupain?"

"Tumahimik ka, Elyana," sikmat ni Azrael. "Alam ko ang dahilan kung bakit ka nagkakaganyan. Huwag mong gamitin ang mga babaeng ito para sa sarili mong kapakanan. Umasal ka bilang isang mabuting babaeng Piritay."

Sa narinig ay tila lalong nadagdagan ang ngitngit ni Elyana. "Bakit bigla kang nagbago, Azrael? Hindi ganito ang trato mo sa akin noong wala pa rito ang mortal na iyan."

Marahas na napabuntong-hininga si Azrael. Bahagyang bumaba ang tono ng boses nito. "Dahil nagbago rin ang kilos at pananalita mo. Parang hindi na ikaw ang dating Elyana na nakilala ko."

"Dahil nasasaktan ako. Nasasaktan ako kapag lagi kayong magkasama. Nasasaktan ako dahil kailangan mong ipagtanggol ang isang nilalang na hindi natin kauri." Gumaralgal ang tinig nito.

Bahagyang naligalig Azrael. Tila naunawaan nito ang dahilan kung bakit nagkakaganoon si Elyana. "Elyana, wala akong... ang ibig kong sabihin ay wala akong alam na dahilan upang magkaganyan ka," tila hirap na wika nito.

"Wala?" gulat na tanong ng babae. "Magkababata tayo, Azrael. Maraming alaala ang sabay nating pinagsaluhan. Mabuti at masama. Masaya at malungkot. Dahil doon ay binigyan mo ako ng isang pag-asa gayon din ang buong Terra Incognita. Huwag mong sabihing hindi mo alam kung ano ang inaasahan sa ating dalawa ng ating mga mamamayan?"

"Ano'ng ibig mong sabihin, Elyana?"

"Na pakakasalan mo ako. Na magiging mag-asawa tayo pagdating ng tamang panahon." Napasigok si Elyana, tanda ng pinipigil na damdamin.

Napailing si Azrael. "Elyana, tanging kaibigan lang ang turing ko sa iyo. Ang buong akala ko ay alam mo iyan. Paumanhin kung nabigyan kita ng maling kahulugan sa mga ikinilos ko."

Nakagat ni Elyana ang pang-ibabang labi. Tuluyang pumatak ang luha nito. "Walang mali, Azrael. Alam kong gusto mo rin ako. Pero biglang nagbago ang lahat nang dumating dito ang taga-lupang iyan." Matalim siyang sinulyapan ni Elyana. Tahimik lamang siyang nakikinig habang nasa tabi niya si Elisha.

"Huwag mong ibunton ang sisi sa kaniya dahil wala siyang kasalanan. Kung meron mang dapat sisihin ay ako iyon dahil mas pinili kong tuparin ang aking obligasyon bilang tagapagligtas."

"Hindi, Azrael. Inagaw ka niya sa akin." Punong-puno ng hinanakit ang mga mata ni Elyana. "Paano na ang pangarap kong maikasal sa iyo? Mababalewala na ba ang lahat?"

"Tapusin na natin ang usapang ito, Elyana. Bumalik ka na sa iyong tungkulin bilang tagapangalaga ng mga maysakit sa bahay-pagamutang ito."

Unti-unting tumalim ang mga mata ni Elyana. Mas tumingkad ang kulay pula nitong balat. Lumitaw din ang mapuputi at matatalas nitong mga ngipin. "Pagsisisihan mo ito, Azrael. Pagsisisihan mong binigo mo ang pag-ibig ko."

"Elyana..." Muling napabuntong-hininga si Azrael.

Hindi nakatiis ang kanina pa nakikinig ding si Elisha. "Elyana, binabalaan kita. Huwag kang gagawa ng anumang bagay na salungat sa ugali nating mga Piritay. Huwag mong paiiralin ang pagiging engkanto mo. Dahil kapag gumawa ka nang masama, wala na tayong ipinagkaiba sa iba pang maligno."

"Hindi ninyo ako mapipigilan. Sa sobrang sakit na nararamdaman ko ngayon, ang gusto ko lang ay makapaghiganti. Mamili ka, Azrael. Ibibigay mo ang taga-lupang iyan sa mga Dalaketnon o aanihin mo ang poot ng isang babaeng nasasaktan?"

"Hindi ko kailangang mamili, Elyana. Ako ang prinsipe sa kahariang ito. Ako ang magpapasya. Makakaalis ka na."

Bago tumalikod ay muli siyang tinapunan nang matalim na sulyap ni Elyana. Nagbabanta ang mga mata nito.


Terra Incognita(Ang Hiwaga Ng Mga Engkantong Pula) PublishedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon