Chapter 12.2 (Final Chapter)

2.3K 106 34
                                    


Isinara ni Jewel ang mga pahina ng fiction book na binabasa. Narito siya ngayon sa tindahan ng mga aklat sa Ayala Mall Serin sa Tagaytay. Pagkatapos ng di malilimutang karanasan niya sa daigdig ng mga engkanto halos isang buwan na ang nakakaraan ay lalo siyang naging mahilig sa pagbabasa ng mga kuwento tungkol sa mga kababalaghan,mitolohiya at epiko. Umaasa siyang kahit sa imahinasyon man lang ay muli siyang makarating sa daigdig ng mga ito at makapiling muli ang nag-iisang lalaki na nagpatibok ng puso niya.

Si Azrael...

Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya ito nalilimutan. Sa pagdaan ng mga araw ay tila lalo niya itong kinasasabikan at lalo siyang nasasaktan. Siguro nga ay matagal na panahon ang kinakailangan upang matuto siyang magmahal muli. Pero sa ngayon? Kuntento na lang siya na balikan ang mga alaala ng kanilang kakaibang pag-ibig.

At tulad ng nasabi niya noon sa binata, balang araw ay isusulat niya ang kadakilaan at kagitingan ng mga nilalang na ito sa kabilang dimensyon na lingid sa kaalaman ng mga tao ay kung ilang beses ipinagtanggol ang kabutihan laban sa kasamaan.

Patungo na siya sa counter upang bayaran ang mga aklat na napili nang di sinasadyang napatingin siya sa pintong salamin ng tindahan. Sa labas noon ay nakatayo ang isang matangkad at guwapong lalaki, medyo kulot ang itim na buhok at may kayumangging balat. Unang tingin pa lang niya ay alam niyang pamilyar ang mukha nito sa kaniya. Hindi lang niya maalala kung saan sila nagkita o nagkakilala nito.

Dala ng kuryosidad ay ipinasya niyang kausapin ito. Inihabilin muna niya sa guard ang mga aklat pagkatapos ay lumabas ng tindahan. Naroon pa rin ang lalaki na tila naghihintay sa kaniya.

Tila namamalikmatang tinitigan niya ito nang makalapit siya rito. Kilalang-kilala niya ang mga mata at ang ngiti nito. Ngunit alam niyang imposible ang iniisip niya.

"Do I know you, mister? Puwede bang malaman ang pangalan mo?" namamangha pa ring tanong niya.

Lalong lumuwang ang pagkakangiti nito. "Ako si Rafael, magandang binibini." Inilahad nito ang kamay sa kaniya tanda ng pakikipagkilala.

Halos lumundag sa lalamunan niya ang kaniyang puso nang makilala ang tinig nito. Agad niyang tiningnan ang nakalahad na palad nito. Nang makita ang hinahanap na palatandaan ay agad niyang ginagap ang kamay nito at masayang tinitigan ang pulang markang naroroon.

"Ang kaharian ng Terra Incognita..." lumuluhang sambit niya.

Nakangiting lumapit sa kaniya ang lalaki at itinaas ng dalawang daliri ang baba niya. "Bago ako namatay ay nakiusap ako sa diyosa ng muling pagkabuhay at hindi niya ako binigo."

"Kay Hanan?"

"Bakit mo alam?"

"Ikinuwento sa akin ni Elisha."

"Maraming ikinuwento sa iyo si Elisha at si Kael. Siguradong marami kang maisusulat tungkol sa amin." Nakangiting wika ng lalaki.

"Azrael..." hilam na sa luha ang kaniyang mga mata. Wala siyang malamang sabihin kundi bigkasin ang pangalan ng binata.

"Ani Ohev Otach," masuyong wika nito. Tumatagos sa kaluluwa niya ang mga titig nito.

"Ani Ohevet Otcha," madamdamin naman niyang tugon.

Hudyat iyon upang siilin ni Azrael nang marubdob na halik ang mga labi niya. Tinugon niya ito nang walang pag-aalinlangan. Batid niyang hindi lason para sa binata ang hatid ng mga halik niya kundi walang hanggang kaligayahan na nakatakdang pagsaluhan nilang dalawa habang buhay.

"Jewel..." Bahagyang inilayo ni Azrael ang mukha sa kaniya. "Hindi ka na mutya ngayon ng mga Dalaketnon, maging ng mga Piritay, manapa'y mutya ka na ng aking puso..."

"Azrael..." Umaapaw ang kaligayahan sa puso niya. Muli siyang tumingkayad upang halikan sa mga labi ang kaniyang tagapagtanggol.

                                                                          ---WAKAS ---                 

*Thanks for reading, folks! 

Terra Incognita(Ang Hiwaga Ng Mga Engkantong Pula) PublishedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon