Napapikit na lang si Jewel habang sabik na hinihintay ang paglapat ng mga labi ni Azrael sa kaniya. Nang biglang isang tinig ang gumulat sa kanilang dalawa.
"Paumanhin, mahal na prinsipe," sabi ng isang lalaking Piritay na nakatayo sa pinto. Sa tikas at tindig ay mukhang mandirigma ito. "Ipinapaalam ni heneral Zadkiel na may dumating na isang hukbo ng mga Dalaketnon sa labas ng Ellora."
"Ano?" Naudlot ang sana ay paghalik ni Azrael sa kaniya. Binitawan siya nito at mabilis na tumayo. Paglapit ni Azrael sa mandirigmang Piritay ay agad nitong iniabot ang espada at kalasag sa prinsipe.
Bantulot siyang lumapit sa binata. "Huwag mong sabihing totoong may magaganap na labanan sa pagitan ng mga Piritay at Dalaketnon dahil sa akin?"
"Desperado na sila. Gagawin nila ang lahat makuha ka lamang. Subalit wala kang dapat ipag-alala. Nakahanda kaming lahat na protektahan ang aming lupain at mamamayan, kasama ka na." Dahan-dahang humakbang palabas ng bahay si Azrael.
"Isa kang prinsipe, Azrael. Huwag mong sabihing sumasali sa labanan ang isang tulad mo?"
Bahagyang tumigil sa paghakbang si Azrael. "Ang lahat ng Piritay ay likas na mga mandirigma, lalaki, babae, matanda o bata. Sinanay kaming lahat sa pakikipaglaban upang ipagtanggol ang aming lahi at nasasakupan."
"Mag-iingat ka, Azrael." Wala sa loob na nahawakan niya ang isang bisig ng prinsipe. Bahagyang ngumiti ito at inabot ang kaniyang kamay sabay pisil dito.
May maliliit na boltahe ng kuryente na dumaloy sa kaniyang ugat sa pagdidikit ng kanilang balat ni Azrael ngunit pinilit niyang huwag pansinin iyon.
Sa labas ng bahay ay naroon si Pashnar. Mabilis na sumakay sa likod nito si Azrael at ang Piritay na sumundo rito. Ilang segundo pa at nasa himpapawid na ang lumilipad na usa.
Isasara na sana niya ang pinto nang matanaw niya ang isang babaeng Piritay sa di kalayuan. Kahit unti-unti na siyang nasasanay na makakita ng engkantong pula ay nagugulat pa rin siya sa pabigla-biglang pagsulpot ng mga ito.
Nagmamadaling lumapit ito sa kaniya. Mabalasik ang mukha nito. Tila galit. Nakaramdam siya ng panganib. Agad niyang inilagay ang telang puti sa tapat ng kaniyang bibig alinsunod sa utos ng hari.
"Ma Nishma?" sarkastikong bati nito. "Ikaw pala ang taga-lupa na pinag-uusapan ngayon sa buong Terra Incognita."
"Ipagpaumanhin," magalang niyang wika. "Puwede bang malaman kung sino ka?"
"Hindi na kailangan. Pumunta lang ako rito upang tingnan kung gaano ka kaganda upang mabighani sa iyo si Azrael. At masasabi kong pangkaraniwan ka lang. Inakit mo siguro si Azrael upang isama ka niya rito."
Nakaramdam siya ng inis sa tinuran ng bagong dating. "Hindi ko naiintindihan ang sinasabi mo. Una ay hindi ko inakit si Azrael. Pangalawa, ay hindi ko ginustong mapunta sa lugar na ito."
"Sinungaling!" sigaw nito.
"Elyana," wika ng bagong dating na si Elisha. Mabilis itong lumapit sa kanilang dalawa. "Ano ang ginagawa mo rito? Ako lang ang puwedeng lumapit sa ating panauhin alinsunod sa utos ng hari."
Galit na hinarap ni Elyana si Elisha. "Nakita kong galing dito si Azrael. Samakatuwid ay hindi nasusunod ang utos ng hari na huwag lapitan ang mortal na iyan."
"Hindi mo na problema kung pumupunta rito ang prinsipe. Umalis ka na rito kung ayaw mong isumbong kita sa mga kawal," galit ding tugon ni Elisha.
Sukat sa narinig ay unti-unting humakbang palayo si Elyana. Ngunit patuloy pa rin ito sa pagsigaw. "Siguraduhin n'yo lang na ibabalik n'yo sa ibabaw ng lupa ang mortal na iyan sa lalong madaling panahon. Kamalasan ang dala niya para sa ating kaharian. Hindi mapipigilan sa paglulunsad ng digmaan ang mga Dalaketnon. At kamatayan ang naghihintay sa ating lahat kapag hindi sila nasupil." May pagbabanta sa tinig nito.
Kalmadong pinapasok siyang muli ni Elisha sa loob ng bahay.
BINABASA MO ANG
Terra Incognita(Ang Hiwaga Ng Mga Engkantong Pula) Published
FantasyIn a land of superstitions and mysticism, and in the midst of a clash between good and evil, can love be possible between two hearts from different worlds?