Chapter 8.1

1.2K 42 2
                                    

Kinabukasan ay nagpatawag ng isang pagpupulong ang hari. Kabilang sina Azrael at Zadkiel sa mga inimbitahan na dumalo sa nasabing pagpupulong.

Tahimik lamang silang dalawa ni Zadkiel Azrael habang minamasdan ang hindi nagkakaunawaang mga miyembro ng konseho. "Paumanhin, mahal na hari. Ngunit tama po ba ang aming narinig? Pansamantalang mananatili sa Terra Incognita ang taga-lupa hanggang hindi nililipol ni Magaul ang mga Dalaketnon?" nag-aalalang tanong ng isang matandang Piritay.

"Bakit tila napakabilis ng pagbabago ng iyong pasya, mahal na hari?" tanong naman ng isang babaeng Piritay.

Malalim na napabuntong-hininga si haring Samael. Tila inaasahan na nito ang mga katanungang iyon ng konseho. "Hindi kaila sa inyo na nagkaroon ng labanan sa pagitan ng mga Piritay at Dalaketnon sa bungad ng Ellora kahapon. Ang kawalan nila ng respeto sa usaping pangkapayapaan ang nagbunsod sa akin na tanggapin ang kanilang hamon para sa isang digmaan."

"Nauunawaan namin, mahal na hari," singit ng isa pang babae. "Pero tutol tayong lahat sa digmaan. Totoong singtanda na halos ng planetang ito ang alitan ng dalawang angkan at malamang ay hindi na magwawakas iyon. Ngunit ang higit na masasakripisyo ay ang ating mga mamamayan at ang sibilisasyong kaytagal nating pinaghirapan."

"Malupit ang mga Dalaketnon sa pamumuno ni haring Balik at ang anak nitong si prinsipe Yurik. Pagkatapos nang magaganap na digmaan ay ano ang maaaring mangyari? Magwagi man tayo laban sa kanila ay maaaring maging talunan din tayo dahil sa miyembrong malalagas sa atin. Alam nating lahat na walang nagwawagi sa anumang digmaan. Kadalasan ang nanalo ang mas higit na sugatan at talunan," susog naman ng isa.

Hindi nakatiis ang kanina pa nakikinig na si Azrael. "At ano ang gusto ninyong mangyari? Maging taga-sunod na lamang tayo ng mga Dalaketnon sa anumang naisin nila lalo na sa kasamaan? Kapag ibinigay natin si Jewel sa kanila, ano pa ang susunod nilang hihingin sa atin na hindi natin matatanggihan?"

Napatayo ang isang Piritay. Halatang galit ito. "At ano ang gusto mong mangyari, prinsipe Azrael? Isugal ang buhay ng ating mga mamamayan kapalit ng buhay ng isang taga-lupa?"

Galit ding hinarap niya ito. "Gael, tila nakalimutan mo na ang tungkulin nating mga Piritay. Tagapangalaga tayo ng lahat ng may buhay na nilikha ni Bathala. Mga puno, halaman, hayop at tao."

"Tama ka. Pero higit sa lahat ay dapat nating isaalang-alang muna ang buhay ng ating mga kalahi," giit ni Gael. Umayon dito ang karamihan sa mga nasa konseho.

Tumayo si haring Samael upang pahupain ang emosyon ng mga Piritay. "Mga kasama, hindi natin pinag-uusapan dito ang ating pagiging tagapagligtas o ano pa man. Ang pinag-uusapan dito ay ang karangalan at dignidad nating mga Piritay na niyurakan ng kapangahasan ng mga Dalaketnon."

Maang na tumingin si Gael sa hari. Agad nitong naunawaan kung ano ang tinutumbok ni haring Samael. "Tila nakapagpasya ka na, mahal na hari? Samakatuwid ay ano pa ang saysay ng pagpupulong na ito?"

Nanghihinang naupo sa trono si haring Samael. "Ikinalulungkot ko."

Umugong ang malakas na usapan. Ang iba ay nagpapahayag ng pagtutol. Ang iba naman ay pagsuporta.

Galit na humakbang upang lumabas ng silid si Gael. Nang dumaan ito sa harap ni Azrael ay bahagya itong huminto upang magsalita. "Sana'y hindi nagkamali sa pagpapasya ang hari. Dahil kung hindi...katapusan na nating lahat. Katapusan na ng buong Terra Incognita." Tuloy-tuloy na itong lumabas ng silid kasunod ang iba pang miyembro ng konseho.Naiwan sila ni heneral Zadkiel.

Terra Incognita(Ang Hiwaga Ng Mga Engkantong Pula) PublishedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon