Agad na lumapit si heneral Zadkiel sa kaniya at pumuwesto sa likuran niya. Iyon ang pinakamabisang taktika upang hindi sila masugod mula sa likuran ng mga kaaway. Mahalaga sa bawat mandirigmang Piritay na maprotektahan ang kanilang likod dahil nasa gulugod nila ang kanilang kahinaan kung saan nasa leeg naman ang sa mga Dalaketnon.
"Gaano sila karami, heneral?" bulong niya sa heneral.
"Sa tantiya ko ay nasa limangdaan lamang sila," pabulong ding sagot nito.
"Sisiw. Kahit limang libo pa sila ay kayang-kaya natin sila," kumpiyansang sabi niya.
"Tama, mahal na prinsipe. Pero alam nating lahat na hindi sila dapat makalapit sa Ellora. Kilala ang mga Dalaketnon sa pandaraya sa labanan kung kaya pinapuwesto ko ang pinakamagagaling na mandirigma sa bunganga ng ating lagusan."
"Magaling," palatak ni Azrael. "Maaasahan ka talaga, heneral. Pero alam natin na hindi sila makakapasok sa Ellora kung hindi uusalin ang orasyon na tayong mga Piritay lamang ang nakakaalam."
"May punto ka, mahal na prinsipe. Pero maaaring tumalino na sila sa paglipas ng panahon. Huwag tayong pakasisiguro."
Muling nagsalita si Yurik. "Binibigyan kita ng isa pang pagkakataon. Ibibigay mo ba sa amin ang mutya o muling maghahalo ang dugo ng ating mga angkan sa lupain ng mga engkanto?"
"Dami mo pang satsat. Laban na!" sigaw ni Azrael sabay sugod sa mga Dalaketnon.
Iyon lang at umaatungal sa galit na sinugod ng dalawang hukbo ang isa't isa. Nang magpang-abot ang mga ito ay umangil ang mga sandata, tumilamsik ang mga dugo at umalingawngaw ang mga hiyawan at atungal ng mga mandirigma sa buong kagubatan.
Ilang Dalaketnon ang minalas na agad malaslas ang leeg dahil sa espada ni Azrael. Ngunit kahit gusto niyang harapin si Yurik ay hindi niya magawa sa dami ng Dalaketnon na humaharang sa kaniya. Ganoon din ang mga mandirigmang Piritay na pinipigilan din si Yurik na makalapit sa kaniya.
Sa sulok ng mga mata niya ay nasaksihan niya kung paano makipaglaban ang mga Piritay sa pamumuno ni heneral Zadkiel. Pinanday ng napakahabang panahon ng pagsasanay ang galing at liksi ng mga ito. Halos walang sinasayang na atake ang mga mandirigma ng Terra Incognita. Sinisiguro ng mga ito na tatamaan ang mga kalaban sa kahinaan ng mga ito. At iyon ay walang iba kundi ang lalamunan ng mga ito. Kahit na ano'ng pilit ng mga Dalaketnon na protektahan ang kanilang mga leeg mula sa espada ng mga Piritay ay inaabot pa rin ang mga ito. Samantalang nahihirapan naman ang mga ito na atakehin sila sa gulugod dahil magkatalikuran ang dalawang Piritay sa pakikipaglaban upang protektahan ang bawat isa.
Tumagal ng ilang minuto ang labanan. Sa malas ay dehado sa laban ang mga Dalaketnon dahil marami na sa mga ito ang napatumba ng mga Piritay samantalang kakaunti pa lang sa panig nila.
Malapit nang maubos ang mga Dalaketnon nang biglang bumukas muli ang Ellora. Mula roon ay lumabas ang panibagong hukbo ng mga Piritay mula sa Terra Incognita sa pamumuno ni haring Samael. Sakay ito ng isang malaking agila.
"Tigil!!!" sigaw ng hari nang makalapag sa lupa ang sinasakyang ibon. Napatigil sa paglalaban ang dalawang pangkat. "Isang kalapastangan ang paglulunsad mo ng digmaan laban sa aming lipi, Prinsipe Yurik. Hindi ba't may kasunduan ang ating mga angkan tungkol sa usaping pangkapayapaan?"
Naudlot din sa pakikipaglaban si Yurik. Hinarap nito ang hari ng Terra Incognita. "Alam mong hindi ako ang nagsimula ng lahat, haring Samael. Inagaw ni Azrael mula sa akin ang aming mutya. Kinukuha ko lang ang para sa amin."
"Pero hindi sapat na dahilan iyon upang digmain mo ang aming kaharian," matatag na tugon ng hari.
"Dahil nagmatigas si Azrael. Ang mutya lang ang kailangan namin at wala ng iba. Kung ibibigay mo siya sa akin ngayon ay kalilimutan ko ang lahat ng nangyaring ito."
"At kung hindi?"
Naningkit ang mga mata ni Yurik sa galit. "Aanihin mo sampu ng iyong nasasakupan ang galit ng aming diyos na si Magaul."
"Hindi ako natatakot kay Magaul. Malapit nang matapos ang kaniyang panahon kung paanong malapit na ring malipol ang lahi ninyo sa mundong ito. May katapusan ang lahat ng kasamaan, Yurik. Nakikita ni Bathala ang panlilinlang na ginagawa ninyo sa mga taga-lupa, ganoon din ang walang habas ninyong pagdukot sa mga babae mula sa angkan ni datu Makdum upang gawing alay sa palalo ninyong diyos. Alam kong si Jewel ang tangi ninyong pag-asa sa ngayon, sapagkat ang iba pang mutya ay lubhang bata pa at kinakailangan ninyong maghintay ng maraming taon upang sumapit sila sa ika-labingwalong kaarawan nila. Alam kong mamamatay kayong lahat kapag hindi ninyo nainom ang dugo ng tinatawag ninyong mutya."
"Samakatuwid ay pinlano ninyong agawin talaga ang aming mutya upang maubos ang aming lahi?"
"Nagkakamali ka. Wala akong alam sa ginawa ni Azrael. At bilang hari ay hindi ko kinukunsinti ang ginawa niya kung paanong hindi ko rin kinukunsinti ang ginawa mong pagsugod ngayon sa bungad ng Terra Incognita."
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Walang sinoman ang may gusto ng digmaan. Pero dahil sinimulan ninyo ay kaming mga Piritay ang tatapos nito. Hindi ko ibibigay ang mutya sa inyo bilang kabayaran sa kalapastangang ginawa ninyo ngayon."
Nanggigil sa galit si Yurik. "Makakarating ito sa aking amang hari. Le Hitra 'ot!" Pagkasabi noon ay lumundag nang ubod taas si Yurik. Nagsunuran dito ang iba pang natitirang Dalaketnon. Gamit ang sanga nang matataas na punongkahoy ay mabilis na nakaalis ang mga ito.
Nakahinga nang maluwag si Azrael. Kung totohanin ng hari ang banta kay Yurik ay mananatiling ligtas si Jewel sa loob ng Terra Incognita hanggang maubos ang mga Dalaketnon sa takdang panahon.
"Toda, mahal na hari," naluluhang wika niya sabay yuko sa harap ng kaniyang lolo.
Ngunit hindi nagpakita ng anumang emosyon ang hari. "Huwag kang magpasalamat, Azrael. Ginawa ko ito hindi dahil sa binibigyan ko ng katuwiran ang inasal mo kundi upang ipaalala sa kanila ang paglabag nila sa kasunduang pangkapayapaan. Sigurado akong hindi ito matatanggap ng palalong si haring Balik." Bumaling ang hari kay heneral Zadkiel. "Naglunsad na ng digmaan ang mga Dalaketnon. At wala tayong magagawa kundi paghandaan ang mga pag-atake nila. Bantayang mabuti ang Ellora."
"Masusunod, mahal na hari," sagot ni heneral Zadkiel sabay yuko.
BINABASA MO ANG
Terra Incognita(Ang Hiwaga Ng Mga Engkantong Pula) Published
FantasyIn a land of superstitions and mysticism, and in the midst of a clash between good and evil, can love be possible between two hearts from different worlds?