Lumapag si Pashnar sa tabi ng ilog. Naroroon sina haring Samael, reyna Elfira, Elisha at Kael kasama ang ilan pang mandirigmang Piritay. Bakas sa mukha ng mga ito ang kalungkutan marahil ay dahil sa hindi niya kasama sa pagbabalik ang prinsipe ng mga ito. Nasa isang tabi naman ang bangkay ni Elyana.
Pormal na lumapit sa kaniya ang hari at reyna. Isang kuwintas na gawa sa ginto at mga mamahaling bato ang isinuot sa kaniya ni reyna Elfira."Tanggapin mo ang tanda ng aming pasasalamat, Jewel."
Agad na pumatak ang luha niya. "Wala po kayong dapat ipagpasalamat sa akin. Kung tutuusin ay ako ang dahilan ng naganap na digmaan sa daigdig ng mga engkanto, pagkawasak ng Terra Incognita, pagkamatay ng marami sa inyong mga mamamayan maging ng inyong prinsipe." Napasigok siya sa huling tinuran.
"Bahagi ng buhay ang pagkawasak at kamatayan sapagkat lahat ay may katapusan. Mananatili ang digmaan hangga't umiiral ang kasamaan sa mundong ito. Ngunit sa bawat panahon ay may isang nilalang na gagamitin si Bathala upang ipagtanggol ang kabutihan laban sa kasamaan. At si Azrael iyon. Kung natapos man ang kaniyang buhay bilang isang Piritay kasama ng ilan pang mandirigma naming nagbuwis din ng buhay, iyon ay labis naming ikinararangal sapagkat iyon ang tungkuling iniatang sa amin," malumanay na wika ni haring Samael.
Hinaplos ng reyna ang kaniyang pisngi. "Huwag mong sisihin ang iyong sarili sa nangyari, Jewel. Ginamit ka lamang ni Bathala upang tapusin na ang kasamaan ng mga Dalaketnon. Makakabalik ka na ngayon sa iyong daigdig. At maraming salamat."
Lumapit sa kaniya ang mag-inang Elisha at Kael. Lumuluhang yumakap sa kaniya ang mga ito. "Sana'y huwag mo kaming kalilimutan, Jewel," wika ni Elisha.
"Makakaasa ka, Elisha."
"Chavera," nakangiting wika ni Kael habang nakatingala sa kaniya. Alam niyang tinatawag siyang kaibigan ni Kael.
Mapait siyang ngumiti. "Chaver."
"Naglaho na ang bughaw na buwan, haring Samael," wika ni reyna Elfira habang nakatingala sa langit.
"Oo nga," tugon ng hari. "Ibig sabihin nito ay ubos na ang lahat ng Dalaketnon. Maaari ka nang bumalik sa inyong daigdig, Jewel, tulad ng nais ni Azrael."
Maya-maya ay dumating na si Zadkiel. Dala nito ang duguang katawan ni Azrael. Agad niya itong nilapitan upang damhin ang pulso. Napasigaw siya nang maramdamang tumitibok pa ito. "B-buhay pa siya."
Malungkot na nagsalita si Zadkiel. "Buhay pa siya dahil iyon ang nais ng puso niya ngunit nahihirapan ang kaniyang katawan. Kalaunan ay mamamatay din siya."
"Ano ang dapat nating gawin?" tanong niya.
"Halikan mo siya sa labi, Jewel. Makatutulong ang lason sa iyong laway upang matapos na ang paghihirap niya," malungkot na tugon ni Zadkiel.
"Ano? Hindi ko iyon magagawa."
"Kailangan mong gawin, Jewel. Kailangan na niyang makipagkita kay Mayari, ang diyosa ng kamatayan," susog pa rin ng heneral.
Sumingit sa usapan nila si Elisha. "Tama ang heneral, Jewel. At naniniwala akong nais din niyang makipagkita kay Hannan, ang diyosa ng muling pagkabuhay." Makahulugang kumindat ito sa kaniya.
Nagtatanong ang mga mata na tumingin siya sa hari at reyna. Magkasabay pa na tumango ang mga ito tanda ng pagbibigay sa kaniya ng pahintulot na halikan si Azrael.
Lumuluhang inilapit niya ang mukha sa prinsipe at walang pagkukunwaring hinalikan niya ito nang buong puso. Bahagyang nagmulat ito ng mga mata nang maramdaman siya. Kahit hirap ay pinilit nitong tumugon sa halik niya. Iyon ang unang halik niya at ramdam niya ang tamis noon.
"Ani... Ohev... Otach..." hirap na wika ni Azrael.
Napahikbi siya. "Ani Ohevet Otcha." Muli niyang hinalikan ang prinsipe.
Hinabol ni Azrael ang hininga, tanda ng paghhirap nito. Halos madurog naman ang kaniyang puso dahil sa nakikitang paghihirap ng binata. "Toda... Ve... Le Hitra 'ot, ahava sheli..."
Napahikbi siya. "Maraming salamat at paalam din, mahal ko."
Kasunod noon ay ipinikit na ni Azrael ang mga mata. Bahagyang nakangiti ito tanda ng kaligayahan sa pagkakaalam na mahal din niya ito. Hinayaan ng mga Piritay ang sandaling iyon ng kaniyang kalungkutan. Maya-maya ay lumapit sa tapat ng tenga niya sina Dana at Lira.
"Kailangan na nating umalis, Jewel."
Nanghihinang tumayo siya at yumukod sa mga Piritay na kaharap. "Let Hitra 'ot ve Toda..." hilam na sa luha ang kaniyang mga mata ngunit nakita pa rin niyang ngumiti ang mga ito at kumaway sa kaniya.
Isa-isa nang nagpasukan sa Ellora ang mga Piritay dala ang mga bangkay ni Azrael at Elyana. Gustuhin man niyang sumama sa mga ito pabalik sa Terra Incognita ay alam niyang hindi puwede dahil hindi ito ang kaniyang daigdig. At para ano pa? Wala na si Azrael? Wala na ang kauna-unahang lalaking inibig niya.
Humalo sa tubig ng ilog ang mga luha niya. Agad siyang pumunta sa malalim na bahagi upang lunurin ang sakit na nararamdaman.
At tulad nang nauna, nakahinga at nakalangoy siya sa ilalim ng ilog sa tulong nina Dana at Lira. Alam niyang sa loob lamang ng ilang minuto ay makababalik na siya sa sariling daigdig ngunit maiiwan ang puso niya sa mundong akala niya ay sa mga kathang-isip lang matatagpuan, ang Terra Incognita.
BINABASA MO ANG
Terra Incognita(Ang Hiwaga Ng Mga Engkantong Pula) Published
FantasiaIn a land of superstitions and mysticism, and in the midst of a clash between good and evil, can love be possible between two hearts from different worlds?