Papunta ulit ako ngayon sa sakahan namin upang dalhan si Aris ng panghalian niya. Mukha kasing nangangayayat na siya dahil sa kanyang pagtatrabaho. Lalo kasi siyang nagpupursigi sa kagustuhang matupad niya ang ipinangako sa akin. At isa pa, ayaw kong manatiling mag-isa sa bahay. Mas ligtas ako kung kasama ko ang asawa ko.
"Jeni, kumusta?", tanong ni Aling Pening ." Mukhang napapadalas yata ang pagbibisita mo dito sa sakahan a?
"Opo,Aling Pening. Gusto ko po kasing makasama si Aris palagi", matamlay na sagot ko.
"Ayos ka lang ba talaga, iha? Mukhang namumutla ka." Pag-aalalang tanong niya.
"Ay opo, opo. Ayos lang po ako. Medyo nahihilo lang po ako. Lipas-gutom lang po siguro. Sige po, mauna na po ako. Salamat po."
Kahit hindi na talaga mabuti ang pakiramdam ko ay sinadya ko pa ring bilisan ang paglakad ko papunta kina Aris. Mabuti na lang at natanaw ko na siya. Dali-dali akong lumapit sa kanya at nang ibibigay ko na sana ang pananghalian niya ay bigla akong natumba at nawalan ng malay.
"Nasaan ako?", iyan ang unang tanong ko habang hinahagilap ko sa isipan ko ang mga nangyari.
"Mabuti naman at gising ka na, Jeni."
Sa tono niya, hindi ko alam kung galit ba siya o ano.
"Bumangon ka na diyan dahil aalis na tayo."
"Pasensya na po sir, pero hindi pa po maaaring umalis ngayon ang asawa niyo, baka mapano po ang ba---", sambit ng isang nars na umaasikaso sa amin pero hindi ito pinatapos ni Aris.
"Ano, Jeni? Hindi ka pa diyan babangon! Dali!" Bulyaw ni Aris.
"Bakit, Aris? Anong nangyayari?", naiiyak kong tanong.
Hindi ko na alam kung anong nangyayari. Kanina lang maayos pa kami tapos ngayon galit na galit siya. Nalilito na ko. Sa aming pagsasama, ngayon niya pa lang ako unang nasigawan.
"Halika na sabi e!", at saka niya ko kinaladkad pauwi.