Bumukas ulit ang pinto ilang minuto pagkatapos ni Tatay Ramon.
"Aris!"
Laking gulat ko ng biglang iluwal ng pinto ang asawa ko. Totoo ba 'to? Hindi ako makapaniwala nandito nga siya. Maraming maraming salamat po Diyos ko. Dininig mo ang panalangin ko.
Agad akong tumayo para salubungin siya. Sabik na sabik akong yakapin siya. Matagal ko na siyang nais makita at ngayon ay nagkatotoo na. Nandito na ulit siya, ang mahal ko. Ngunit nang malapit na ko sa kanya napansin ko ang kakaibang aura niya. Talagang nanlilisik ang mga mata niya. Parang gusto niya akong lamunin. Nakakatakot.
"Yan na ba ang anak mo, Jeni? Yan na ba ang bunga ng kalandian mo?"
Nangingilid na ang mga luha ko. Nagbabadyang bumuhos mula sa mga mata ko. Kinagat ko ang labi ko para pigilan ang sarili kong umiyak.
"Tinatanong kita! Sumagot ka!" Bulyaw niya sa akin.
Mas kinakabahan ako ngayon dahil sa pagtapon niya ng bote ng alak sa sahig. Nagulat ang anak ko sa pagtilamsik ng bubog kaya umiyak siya. Bumalik ako sa kinaroroonan ng anak ko para aluhin siya.
"Ano bang pinagsasabi mo, Aris? Bakit naglasing at galit na galit ka? Anak mo siya! Anak natin siya."
"Talaga, Jeni? Sige, paano ako maniniwala sa kasinungalingan mo ha?!" Hinigit niya ang dalawang braso ko. Gigil na gigil. "At isa pa, bakit nasa labas ng bahay natin si Pareng Tonyo? Ha?! Siya ba ang ama ng bastardong iyan?!"
"Bitawan mo ko. Nasasaktan ako, Aris", pagmamakaawa ko
"Bakit ako, hindi nasasaktan? Sinaktan mo ko, Jeni! Sinaktan mo ko! Minahal kita tapos ito ang igaganti mo? Wala kang kwenta! Isa kang babaeng mababa ang lipad!"
Masakit. Napakasakit. Tagos hanggang buto ang sakit na nadarama ko. Hindi ko inasahan na sasabihin niya 'yon sa akin. Hindi ko na kaya.
"Aminin mo na kasi, Jeni! Aminin mo na!"
"Sinabi ko na sayo na ikaw ang ama niyan. At kahit ilang beses mo pa kong tanungin at pilitin iisa pa rin ang isasagot ko. Ikaw ang ama niyan. Ikaw ang ama ni Angelo."
"Sinungaling. Sinungaling ka, Jeni. Pero sige, sabi mo ako ang ama ng batang yan. Edi sige, ibigay mo siya sa akin ngayon."
"Naniniwala ka na?" Ibibigay ko na sana sa kanya si Angelo pero naaninag ko sa mga mata niya ang masamang balak niya. "Hindi. Ayaw ko. Baka anong gawin mo sa kanya."
"Hindi mo sa akin ibibigay? Ha?! Akin na sabi 'yan!", inagaw niya sa akin si Angelo. "Sinungaling ka, Jeni! Napakasinungaling mong babae ka! Hindi ko ito anak! At kahit kailanman hindi ko magiging anak 'to. Baog ako, Jeni! Naiintindihan mo? Baog ako! At ngayon, saka mo sabihin kung paano ko magiging anak 'to?!"
Walang ibang tumatakbo sa isip ko maliban sa walang humpay na pag-iyak ng anak ko. Nasasaktan at natatakot na siya. Lumuhod na ko at humawak sa binti ni Aris. Nagmamakaawa. At pilit binabawi ang anak ko kahit paulit-ulit niyang tinatabig ang mga kamay ko. Kailangan kong mabawi ang anak ko mula sa kanya. Kailangan kong protektahan si Angelo.
"At ikaw bata ka!", napailing ako. Hindi pwede 'to dinuduro niya ang anak ko. "Ang ingay ingay mo kaya dapat manahimik ka na dahil ikaw ang sumira sa pamilya ko! Ikaw ang nagwasak sa masayang pamilya ko!" At saka nawala ang anak ko sa kanyang mga bisig. Hinagis niya si Angelo sa sahig. Hinagis niya ang walang kamuwang-muwang na bata sa mundo.
"Huwag! Huwag!", dali-dali kong nilapitan ang anak ko. "Anak? Ayos ka lang ba? Nandito na si nanay. Pasensya na kung hindi kita naipaglaban. Anak, gising na. Aalis na tayo dito. Magpapakalayo na tayo. Uuwi na ulit tayong Maynila. Doon na lang tayo titira. Sige na anak, gising na. Ngiti ka na anak. Mahal na mahal ka ni nanay. Mahal na mahal kita. Tayo na lang ang magmamahalan.", kinakabahan ako. Ang daming pulang likido ang nagkalat sa sahig. "Anak? Naririnig mo pa ba ako? Bakit hindi ka na gumagalaw?", nagdilim ang paningin ko at halo halong emosyon ang dumaloy sa buong pagkatao ko. "Walang hiya ka! Walang hiya kang demonyo ka! Pinatay mo ang anak ko! Pinatay mo si Angelo! Wala kang puso!"
"Iyan ang kabayaran sa kalandian mo, Jeni! Namatay siya ng dahil sa iyo!"
Ilang beses na umalingawngaw sa utak ko ang panunumbat niya sa akin, dahilan kung bakt tumindi ang bugso ng damdamin ko. Kinuha ko ang ang basag na boteng itinapon niya sa sahig kanina. Pinili ko iyong bubog na may hawakan pa. At saka ibinaon sa katawan niya nang paalis na sana siya. Isa, dalawa, tatlo. Ibinaon ko iyon ng paulit-ulit. Dumanak ang dugo sa buong katawan niya at sa mga kamay ko.
"Oo, hindi mo nga anak si Angelo. Pero kasalan ko ba? Kasalan ko bang ginahasa ako ng tatay mo noong wala ka dahil lumuwas ka ng bayan? Dahil akala niya ako ang nanay mo. Akala niya ako si Nanay Isay sa tuwing lasing siya. At kasalan ko rin bang naulit muli ng marami pang beses ang panggagahasa niya saakin? Nagmakaawa ako noon sa iyo na isama mo ko papuntang Maynila ngunit hindi mo ko pinakinggan. Iniwan mo pa rin ako. Wala ka noong mga panahong kailangang-kailangan kita. Hindi lang ako kumikibo dahil hinihintay kitang dumating at ipagtanggol ako. Pero hindi e, sa dinamiraming tao ikaw pa ang nanakit sa akin. Hindi mo natupad ang pangako mong iingatan ako, dahil heto ako ngayon ibinabaon ang bubog na ito sa katawan mo! Mahal kita, Aris."
Binuhat ko muli si Angelo at saka hinele. "Tulog ka na anak ko. Mahal na mahal kita. Mula ngayon mas lalo na kitang iingatan at poprotektahan. Bukas, aalis na tayo."