Kinabukasan paggising ko nakita ko si Aris na may dalang tampipi. Napabangon agad ako.
"Saan ka pupunta, Aris?"
"Wala kang pakialam! Tabi nga! Baka mahuli pa ko sa biyahe."
"Aris, mahal ko, huwag mo kong iwan. Parang awa mo na. Gusto ko sumama sa iyo. Natatakot ako. Ayaw ko dito. Isama mo ko. Kahit pagalitan, saktan, o kaya sigawan mo ko, ayos lang sa akin basta sasama ako saiyo. Aris, parang awa mo na. Sasama ako saiyo.", lumuhod pa ako sa kanya para payagan niya ako.
"Tabi! Hindi ka aso para isama ko!", bulyaw niya sa akin at tuluyan na nga siyang sumakay ng sasakyan at umalis.
Hinabol ko pa siya hanggang terminal. Nagbabakasakaling magbago pa ang isip niya, pero hindi pinagtutulukan niya lang ulit ako nang maabutan ko siya. Sa kadahilanang okupado ng pag-alis ni Aris ang isipan ko hindi ko namalayang sumunod din pala sa amin si Tatay Ramon.
"Tahan na, Jeni. Tama na. Huwag mo na siyang habulin pa. Maawa ka sa anak niyo."
Tama si Tatay Ramon, kailangan kong magpakatatag para sa batang nasa sinapupunan ko. Siya ang gagawin kong lakas at inspirasyon para mabuhay kami ng masaya. Bubuhayin at aalagaan ko siya nang mabuti.
"Tingnan mo sarili mo. Umuwi ka na sa bahay at mag-ayos ka ng sarili mo." Bilin ni tatay.
Tumayo na ko mula sa pagkakaupo. "Sige po, tay." Pagkatapos ay umuwi na ako sa bahay. Nag-ayos na rin ako para sa anak ko. Para kahit naman papano ay maramdaman niyang handa akong lumaban sa buhay kahit anong mangyari.
Nagluto na ko ng hapunan para sa amin ni tatay. Nauna na nga akong kumain dahil takam na takam na kong kumain. Yung adobong ulam namin ay nilagyan ko ng manggang hilaw at kung ano-ano pang prutas. Iba kasi ang panglasa at hinahanap-hanap ko. Ganito raw kasi ang buntis, naglilihi. Kain nga ako ng kain dala ng pagbubuntis ko. Mapapansin na din kasi ang unti-unting paglobo ng katawan ko. Pagkatapos kong kumain ay niligpit ko na ang pinagkainan ko at inihanda ang kakainin ni tatay. Nasa kwarto ako nung narinig kong may nagbukas ng pinto.
"Isay, mahal? Nandiyan ka ba sa kwarto mo?"
Nakapasok na siya sa loob ng bahay. At base sa tono ng boses niya ay lasing na naman siya. Malapit na siya. Teka, nakikita niya na naman ba si Nanay Isay? Anong gagawin ko? Natatakot ako.
"Nandiyan ka lang pala. Bakit hindi ka sumasagot? Hindi mo ba ako yayakapin, mahal?" Sunod-sunod niyang tanong.