Simula noong malaman ni Aris na buntis ako, nagbago siya. Hindi na siya yung Aris na nakilala ko. Lagi na siyang wala sa bahay o kaya sa sakahan tapos kadalasan umuuwi na siya ng hating gabi. Kung wala si tatay baka napabayaan na ngayon ang aming sakahan. Parati na rin siyang nasasadlak sa mga gulo sa bayan. Nagsusugal, naglalasing at pagkatapos ay nakikipagbugbugan sa mga kalaro niya. Ibang-iba na talaga si Aris ngayon kumpara noon. Hindi ko na kilala ang asawa ko. Nagtataka ako, ayaw niya ba sa bata? Ayaw niya ba sa anak namin? Akala ko pa naman matatanggap niya ito kasi siya ang ama nito. Hindi ko na alam kung anong gagawin ko.
"Hoy, Jeni! Buksan mo nga itong pinto!", napapitlag ako sa malakas na hampas ni Aris sa pinto. "Ano ba?! Dalian mo! Isa!"
Kahit nahihilo at masakit ang ulo ko ay agad akong bumangon sa pagkakahiga upang buksan ang pinto bago niya pa ito mawasak.
"Ikaw, babae ka, pinapainit mo talaga ang ulo ko no?! Tabi!", sabay tabig niya sa akin at saka pumunta sa loob ng aming kwarto.
Nasaktan ako pero hindi ko pinapahalata. Ayaw kong ipakita sa kanya na mahina ako. Baka sinusubukan niya lang kung hanggang saan ko siya kayang pagpasensyahan at kung gaano ko siya kamahal. Lumabas pala si tatay mula sa kanyang kwarto. Punung-puno ng pag-alala ang kanyang mukha.
"Ayos ka lang, anak?"
"Opo, sagot ko. Sige po, tay." Agad akong pumasok sa kwarto namin ni Aris. Hihiga na sana ako nang tinulak ako ng asawa ko palayo sa kanya.
"Arayyy!" Sambitla ko. Buti na lamang at nakakapit ako sa gilid ng aming higaan. Hindi ko na talaga napigilan ang sarili ko sa paghikbi.
"Ano ba, Aris? Bakit ka ba nagkakaganyan? Sabihin mo naman saakin. Hindi ganito. Nadadamay ang bata. Nadadamay ang anak natin." Pagsusumamo ko sa kanya.
"Diyan ka sa sahig matulog." Walang gana niyang sagot.
"Hindi mo na ba ako mahal? Sagutin mo ako. Hindi mo na ba ako mahal?"
Tumunog ang cellphone ko, pero sa halip na ako ang kumuha nun para sagutin ang tumatawag ay siya ang kumuha at saka lumabas ng kwarto.
Wala na kong nagawa kung 'di umiyak na lang ng umiyak at mag-isip kung bakit nagbago ang lahat. Hanggang sa hindi ko na namalayang nakatulog na pala ako.