C-5

2.7K 83 0
                                    

©hapter singko

~KRISTINE

"Bakit hindi mo ako pinapansin, huy?"

Nilingon ni Kristine si Nicco na nasa kusina pa rin kahit tapos na silang maghapunan. Doon ito kumain at ito rin ang bumili ng lechon manok at kung anu-ano pang ulam. Malaking bagay rin ang naitutulong ng mga pasalubong nito.

Mula ng hagkan siya nito ay hindi na siya nakampante kapag nasa paligid ito. Oo nga at sinabihan na siya ng kanyang ama na kung sakali man ay walang problema rito ngunit naiilang pa rin siya.

Hindi siya komportable sa sitwasyon. Nabibilisan siya sa takbo ng mga pangyayari

"H-hindi naman, ah." aniya rito, saka muling hinarap ang hugasin. Nasa sala ang maglolo. Tinuturuan ng kanyang ama na maglaro ng chess si Joey.

"Hindi ako manhid. Alam ko, iniiwasan mo ako, Tin. 'Wag naman sana. Ang hirap na ngang gumawa ng paraan makausap kita na tayo lang, tapos hindi mo pa ako papansinin."

"Naiilang kasi ako, Nicco." pagtatapat na niya rito.

"Alam ko naman 'yon." bumuntong hininga ito. "Kaso, kung wala tayong magagawa para baguhin ang lahat, hahayaan na lang ba nating hanggang dito na lang tayo?"

Tila nangungusap ang mga mata nito. Ilang gabing lihim niyang pinapantasya na matingnan siya nito nang tulad niyon, mga lihim na sandaling hanggang maaari ay ayaw niyang pansinin ngunit minsan hindi niya mapigilan.

Ngayon nangyari na, hindi niya inaasahang ganoon ang magiging reaksiyon niya.

Bakit ba palaging mahirap ang sitwasyon niya? Bakit hindi niya matularan ang kapatid niya na hindi iniisip ang kapakanan ng iba at tanging sariling kaligayahan na lamang ang binibigyang-halaga?

"Sakali man, saan aabutin ito? Wala akong oras sa mga bagay na masyadong pansamantala. Sa tingin ko, masyadong marami na ang responsibilidad ko para sa mga bagay na gano'n. Isa pa, ano ba talaga ang nararamdaman mo? Ayokong maging iyong babaeng tutulong sa'yong makalimot."

Mukhang nagdamdam ito sa mga sinabi niya. Lumungkot ang mga mata nito. "Ganoon ba ang tingin mo sa'kin, Tin?"

Napahiya naman siya. "H-hindi naman sa ganoon." Binanlawan na niya ang mga plato. Inabot nito ang kanyang kamay.

"Kung talagang hindi pwede, pwede bang pansinin mo na lang ako?"

"O-oo naman. Ikaw talaga."

Ngumiti ito at bigla siyang hinagkan sa mga labi, mabilis lamang ngunit sapat na upang bumilis ang pintig ng puso niya.

Nais tuloy niyang matawa. Medyo agresibo talaga ito. Hindi naman kataka-taka para sa isang tulad nito. Ang totoo, nakaka-flatter para sa isang tulad niya.

Tinulungan pa siya nito sa hugasin at nagtimpla ito ng kape. Ito na ang nagdala niyon sa sala. Nananalo na si Joey sa chess.

"Tingnan ninyo'ng lokong ito. Ngayun-ngayon lang natuto mag-chess, mukhang matatalo pa ako." proud na proud na wika ng kanyang ama.

Pinanood lamang nila ni Nicco ang mga ito.

"Lolo, kapag ito ang tinira ko," iginalaw nito ang queen, "mate ka na po, di'ba? Tama po ba, 'Lo?"

"Ay, nalintikan na!" bulalas ng kanyang ama at nagpapitik pa.

Nagkatawanan sila. Mayamaya pa ay sina  Nicco at Joey naman ang naglaro. Natalo si Joey at humiling na muling makalaban ang lolo na natalo nito nang dalawang ulit. Tuwang-tuwa naman ang matanda kahit natatalo ng apo.

Inabot na ng alas-diyes ang mga ito hanggang sa yayain na ng kanyang ama si Joey na matulog na.

"Kayo'y dito muna. Ako na ang bahala sa batang ito. Malay mo, ha, Tin, sa batang ito ka yumaman, ano? Maisali sa tournament balang araw." tinapik nito ang balikat ni Nicco, saka tumalikod na rin. Naiwan na nga sila ni Nicco sa sala.

"We're finally alone." anito.

"G-Gusto mo ng suman?"

Ang lakas ng tawa nito. Tumaas ang kamay nito patungo sa kanyang baba upang itaas ang kanyang mukhang bahagyang nakayuko. Daig pa niya ang teenager na noon lamang napanhikan ng manliligaw, kahit pa nga hindi niya alam kung isang manliligaw si Nicco.

"Are you scared of me?" tila hindi makapaniwalang bulalas nito. "You can't even look at me." natawa uli ito.

"I-Ikaw talaga." Napa-iwas tuloy siya ng tingin.

Tumabi ito sa kanya, siniksik siya nang maigi hanggang sa magkadikit na magkadikit sila. Hinawakan nito ang kanyang palad at bahagyang pinisil iyon.

Aaminin niyang malapit nang mawala ang lahat ng pag-aalinlangan sa kanyang isipan. Mahirap palang mag-alinlangan kung kay Nicco.

Masyadong matagal na niyang hinangad ang mga ganoong tagpo sa pagitan nila na kadalasan, ibayong pagtitimpi ang kailangan niyang ipamalas upang makaiwas lamang dito.

Siguro nga, may karapatan siyang lumigaya uli. Masyadong matagal na panahon nang kinalimutan niya ang sarili. At nararamdaman niya, magsisisi rin naman siya kung hahayaan na lamang niyang mawala si Nicco.

Siguro naman, hindi huwad ang nadarama nito sa kanya. Matalino ito, alam nito ang ginagawa, kilala nito ang sarili. At hinding-hindi ito tulad ng naunang lalaki sa buhay niya na tinrato siyang parang isang ligaw na kuting na nang mailagay sa isang malinis na kahon ay hinayaan lamang kung saan.

Malayung-malayo roon si Nicco. Malayung-malayo.

"Kung yayayain kitang lumabas bukas ng gabi, papayag ka ba?" tanong nito, hindi pa rin pinapakakawalan ang kanyang kamay.

"Saan tayo pupunta?"

"Lumabas lang. Dinner?"

"Bukas?"

"Yup."

"Saan?"

"I don't know. Let's try out at this French place I know. We'll have dinner and champagne and then maybe we can go barhopping."

Napalunok siya, nasabik. Dinner daw. Noong disisiyete siya at inimbitahang lumabas ng ama ni Joey, sa sinehan siya nito palaging dinadala. Kapag bagong dating ang allowance nito, dinadala siya sa lugar na karaniwang pinupuntahan ng mga kabataang mapupusok.

Maraming ulit na rin silang nag dinner noon sa kahit anong fast food chain.

Wala pa ni isang lalaking nakapagdala sa kanya sa isang French restaurant, nag-alok ng champagne. Sa huli ay nakangiting tumango siya.

"Finally." sambit nitong tila nabunutan ng tinik.

Napapangiti at natawa na lang siya sa reaksiyon nito.

.
.
.
---
-MISAKII

#VOTE

Kristine "Ang Batang Ina"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon