Isipin niyo lang si Irma Adlawan as Nanay Celia. Haha.
----------
(Errol)
"Nay, alam niyo ba ang tungkol kay lolo?" Nasa tapat kami ng nililinis na lote namin sa Sampaloc.
"Ano'ng tungkol sa lolo mo?" sagot niya habang tinitingnan ang mga naglilinis.
"Yung tungkol sa pagkahukluban niya."
"Pa'no mo naman nalaman yan?"
"Nay, may mga hindi ako nasabi sa inyo ni tatay."
"Gaya ng ano?" Nakatitig siya sa akin.
"May mga di pangkaraniwan akong kakayahan."
Isang minuto yatang tumahimik si nanay. Hindi ko alam kung nabigla ba siya o pinagkibit-balikat niya ang narinig. "Matagal na akong may hinala."
Natigilan ako sa sinabi niya. "Pa'no?"
"Marami akong alam tungkol sa lolo mo, mga bagay na tungkol sa angkan natin." Tumahimik si nanay ng ilang minuto. Tinanaw niya lang ang mga naglilinis. Pero nagsalita din siya. "Bago siya mawala ay dinalaw niya ako sa bahay ng nanay ko, ang lola mo. May mga sinabi siya na kailangan ko mag-ingat. Nagtalo kami noon." Luminga-linga si nanay sa paligid. Siguro siniguro niyang walang nakikinig sa amin. "Alam ko na may kakaibang mga katangian ang lolo mo. Pero kinalimutan ko na ang mga iyon."
"Nay, wala na si lolo. Tatlong taon na siyang patay."
Hindi siya kumibo. Nakatingin siya sa kawalan. Parang may inaalala siya. "Matagal ko na siya pinagpasadiyos, anak. Ang kinatatakutan ko lamang noon ay ang sinabi niyang maaaring manahin mo ang mga kakaibang kakayahan." Tumigil siya sa pagsasalita. Nakatitig lang siya sa mga taong naglilinis sa lote namin, pero batid kong hindi ang tanawing yun ang nasa isipan niya.
"Nay..." Hindi ko nasundan ang dapat sana'y sasabihin nang lingunin niya ako at ngitian.
"Pero alam ko na naman na ganoon nga ang nangyari."
Kumunot ang noo ko.
"Noong umuwi ka isang gabi na basa at putikan, masama na ang kutob ko. Noong pasko tatlong taon na ang nakaraan na umuwi ka na masama ang itsura mo, naghinala na ako na may kakaibang nangyari sa iyo. Anak kita, Errol, wala kang maaaring itago sa akin."
"Sorry kung hindi ko sinabi sa inyo. Ayoko na rin kasi na madamay pa kayo."
"Noong nawala ka, isa sa mga naalala ko ay ang pagkawala rin noon ng lolo mo. Maraming mga tumakbo sa isipan ko."
"Si tatay ba may alam rin?"
"May kaunti siyang alam tungkol sa lolo mo, pero hindi ko na rin kinuwento sa kanya ang lahat. Errol, sabihin mo nga. Iyong nangyari nitong huli, alam kong alam mo ang dahilan."
"Alam ko, nay, pero wala na sila."
"Sinong sila?" Nakakunot ang noo niya nang lingunin niya ako.
"Mga diyos ng apat na elemento."
Ang titig niya ay parang tinatantiya ako.
"Parang kabaliwan, nay, di ba? Kaya hindi ko rin masabi sa inyo."
"Magsabi ka nga. Ano ba yang mga kakayahan na yan?"
"Kaya kong manipulahin ang liwanag." Sandali kong pinaliwanag ang isang kamay ko, pero mabilis niya itong hinawakan, marahil upang takpan. Sa paggala niya sa tingin niya, nakita ko ang bakas ng pag-aalala sa kanyang mukha. "Nakakakita rin ako ng mga pangitain," mahina kong dugtong.
"Alam mo, hindi ko nasaksihan ang mga kakayahan ng lolo mo. Tinago niya rin sa amin ng nanay ko. Namatay ang lola mo na hindi niya nalalaman ang tungkol sa lihim ng Lolo Melchor mo."
"Hindi naman kayo galit, nay, na nilihim ko?"
Umiling siya. "Naiintindihan kita. Kahit ako naman siguro ililihim ko rin."
"Sa tingin mo dapat sabihin ko rin kay tatay?"
"H'wag na siguro. Hindi na rin naman mahalaga. Wala na naman sigurong mangyayaring kababalaghan, di ba?"
Malayo ang tingin ko sa pagkakataong ito. "Yan ang di ko masisiguro."
Ngumiti siya sa akin. Nailang ako sa ngiting yun, dahil bakas sa ngiti na yun ang pagkabahala. "Errol, anak, ipangako mo sa akin na magiging okay ka lang." Namuo ang mga luha sa kanyang mga mata. "Sa totoo lang gusto kitang komprontahin noon, pero nagdalawang-isip ako, kasi may problema kang personal noon, at ayaw ko na guluhin ang utak mo."
"Nay, sorry talaga."
Hinawakan niya ang mga bisig ko. "Basta, mangako ka na wala ng mangyayari sa'yo." Pinahiran niya ang mga pisngi niyang dinaluyan ng mga luha. "Ayoko mapahamak ka, anak." Hinigpitan niya ang hawak sa akin. "Maiba tayo. Kamusta kayo ni Ivan?"
"Okay na kami. Pero yan nga, ayaw na humiwalay sa akin. Gusto lagi akong nakikita." Nilingon ko siya. Nasa gilid ng kanyang sasakyan, kausap yata si Clark sa telepono. Tungkol na naman yata sa business ang pinag-uusapan nila.
"Anak, alam ba niya ang tungkol sa mga kakayahan mo?"
"Oo, nay. Silang dalawa ni Erik alam nila."
Muli niya akong tinitigan nang matagal bago sumagot. "Mabuti naman. Mas mainam sa pagsasama ang walang lihiman."
"Alam niya lahat, nay." Humugot ako ng malalim na hininga bago ko binulsa ang mga kamay ko. "Ilang beses na siya muntik madamay."
"Ano?" Nabigla siya. Nahalata ko sa pagsimangot niya at tono ng pananalita niya. "Talaga?"
Tumango ako. "Pero hindi ko na hahayaan na may mangyari pa sa kanya. Puprotektahan ko siya, nay. Kayo."
Hinawakan niya ang kamay ko nang mahigpit at tinitigan nang taimtim. "Magsabi ka nga ng totoo. Iyang trabaho mo sa Amerika, ano ba talaga iyan?"
"Nay..." Hindi na ako pwede magkaila sa kanya. "Kasapi ako ng isang secret agency gaya ng sabi ko dati. Pero ang mga kasama ko ay may mga kakaibang kakayahan rin gaya ko."
"Hindi ba delikado iyan?" Mas sumimangot siya.
"Hindi naman. Magagaling ang mga kasama ko."
Niyakap na lang niya ako. "Kung ako ang masusunod, ayaw na kita bumalik doon." Hinigpitan ni nanay ang pagyakap sa akin. "Anak, natatakot ako para sa iyo. Pero nagpasya ka na. Ayaw ko na guluhin ang pasya mo."
"Magiging okay lang naman ako, nay. Hindi naman lahat ng mission namin delikado."
"Basta, ipangako mo na uuwi-uwi ka dito."
"Opo, nay."
Hinaplos niya ang buhok ko. Naluluha si nanay habang minamasdan ang mukha ko. "Masyado siguro akong nakikipagtsismisan noon sa mga kapitbahay at hindi ko yata nasubaybayan nang maayos ang paglaki mo. Parang ngayon ko lang napagtanto na malaki na pala ang anak ko. Noon patpatin ka lang at lalambut-lambot. Ngayon ang dami na'ng nag-iba sa iyo, anak." Natawa si nanay habang sumisinghot. Pinahiran niya ang mga mata.
"Nagdadrama na naman kayo, nay."
"Ikaw'ng bata ka talaga." Binatukan niya ako.
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 4: This Is It!
RomanceAs you can see in the cover, m2m o boyxboy po ang story na ito. So kung hindi ka komportable na makabasa ng intimate scenes sa pagitan ng dalawang lalaki, huwag ka na magpatuloy. Hindi ako makapagdesisyon kung ilalagay ko siya sa Romance o Humo...