I - His Mind
Eric Vicente,
Janitor, 25
Ang ingay.
Maganda sana, kaso ang daming sinasabi.
Simula nang magtrabaho ako dito, si Ms. Airra na talaga ang palagi kong napapansin. Sa lahat kasi ng babaeng kumakausap sa'kin, siya lang 'yung takot akong lapitan pero grabe kung mag-isip. Asawa na nga niya yata ako sa imagination niya.
"Good morning, Ms. Airra!" Bati ng guard; kitang-kita ang madilaw-dilaw nitong ngipin dahil sa lawak ng ngiti niya. Si manong guard talaga, palagi akong inuunahang dumamoves.
Sa totoo lang, ilang beses ko nang sinusubukang ibukas ang bibig ko sa tuwing dadaan siya, kaso natatameme talaga ako e. Ang ganda kasi niya, sobra. Pero ang ingay ingay ng utak.
"Nakatingin nanaman sa'kin 'yung gwapong janitor, sabi na nga ba inaabangan niya talaga ako sa may entrance araw-araw. Hay, bakit kasi ang ganda ko? At bakit ba hanggang ngayon hindi pa din niya hinihingi 'yung number ko? Ako na kaya magtanong? Mag-aya na kumain sa labas? Pero hindi ito 'yung iniisip kong simula ng love story namin e! Kailangan siya ang gumawa ng first move! Ano pa bang tinatayo-tayo mo diyan? Lapitan mo na kaya ako?!"
"Aray," Bigla kong nasambit sabay hawak sa kanang tainga ko. Nang mapatingin ulit ako kay Ms. Airra, nakabukas ang kanyang bibig at tila sasabihing, "Ok—" ngunit mas pinili niyang ituloy na lamang sa kanyang isip, "Okay ka lang ba? Huhu, gusto ko talagang itanong 'yung sa kanya."
Napayuko na lang ako at tinuloy ang pag-map sa sahig para kahit papaano'y matago ang ngiti ko. Ayun na e, kakausapin na 'ko e. Kaso hindi ko nanaman mapigilan ang sarili ko sa pag-ngiti. Baka matakot lang siya sa'kin lalo na kung hindi ko mapipigilan ang pag-react sa mga iniisip niya.
"Eric!"
"Sir, magandang umaga ho." Bati ko sa boss ko. Tinapik niya ko sa balikat; bukod sa masigla ang kanyang mga mata, pinaka-hihintay talaga niya ang araw na 'to dahil ngayon ang dating ng bagong CEO namin.
Lumakad na paalis si Ms. Airra. Isang pagkakataon nanaman ang nasayang sa'ming dalawa.
"Alam mo ba kung anong araw ngayon?" Pa-suspense na tanong ni boss Ronald.
"Huwebes po, sir." Matipid kong sagot. Kung dati inuunahan ko pa siya sa mga sasabihin niya, ngayon mas pinipili ko na lang magmaang-maangan at baka makahalata pa si boss.
"Ngayon natin sasalubungin si Ms Cruz! 'Yung bagong CEO! Akalain mo 'yun, dati kilala lang siya bilang magaling na team leader sa marketing team. Ngayon nasa tuktok na siya ng kumpanya. Iba talaga nagagawa ng ganda at talino. Kaya ikaw, magsimula ka nang mag-ayos sa buhay! Dalawang taon ka na dito, hindi ka pa napopromote. Matalino ka pa naman, at gwapo pa! Pwedeng-pwede ka nga maging model ng mga produkto natin o."
"Sus, wala naman po akong alam sa pagmo-model, sir. Ayos na po ako dito, eto lang din naman po ang alam kong gawin."
Mas gusto ko ang trabahong 'to. Naiiwasan ko kasing mapatingin sa mga mata ng tao, kaya naiiwasan ko ding marinig 'yung mga nasa isip nila.
"Napaka-humble mo talaga bata ka! Osya, maghanda ka na dahil aalis na tayo."
"Po?" Mula sa pag-yuko ay napaharap ulit ako kay boss Ronald. Du'n ko nalaman na kailangan pa pala ng taga-buhat dahil tiba-tiba nanaman sa bagahe etong si Ms. Cruz.
"Ni-request kasi ni Ms. Cruz na magpadala pa ng isang tutulong sa pagbubuhat ng mga bagahe niya. Alam mo naman, babae, madaming bitbit 'yon. At isa pa, tuwang-tuwa sa'kin 'yon kasi palagi ko siyang binabati, kaya malamang gusto akong makita."
"Ala una po ba tayo aalis?"
Napahalakhak nanaman siya. Alam ko na sasabihin nito. "Hindi ko pa nga nasasabi, alam mo na agad. Osya, pagka-kain ng tanghalian, alis na tayo agad."
"Sige boss, tapusin ko lang 'to."
***
Ang ingay sa airport.
Halo-halong emosyon kasi ang nasa isip ng mga tao. Kung mapapatingin ako sa gawing departure, karamihang tanong ay 'bakit kailangan pa niyang umalis?', lalo na ang mga bata. Sa arrival naman, minsan mas importante ang mga pasalubong kaysa sa taong dumating.
Ayoko talaga ng matataong lugar; ang hirap din kasing iwasang pakialaman ang nilalaman ng isip ng ibang tao.
"Sir Carlos, nakababa na daw po ba 'yung sinasakyang eroplano ni Ms. Cruz?" Tanong ni boss Ronald. Kapag tinabi talaga kaming dalawa sa mga tao sa tuktok, mukha kaming basahan.
Pero wala akong pakialam. At mas lalong hindi ko dapat pinapakialaman ang pagnanasa sa isip ni Sir Carlos. Siya na din pala ang bagong secretary ni Ms. Cruz. Ang sakit sa ulo ng mga nasa isip niya—una, iniisip niya kung paano popormahan ang babae; pangalawa, umiikot ang katanungang paano ito papalitan sa pwesto lalo na't kamag-anak din pala siya ng may-ari ng kompanya. Ang gulo naman ng organisasyong pinasukan ko.
"May problem ka ba, bro?" Bigla nitong tanong nang mapansing nakatitig ako sa kanya. Kung gaano kadami ang inisip niya, ganu'n katagal na rin siguro ako nakatingin sa mga mata niya.
"Wala po sir." Yumuko na lang ako agad. Kaya ako palaging nasasabihang suplado e, mas pinipili ko na lang kasing 'wag makipag-usap.
"Ayun na siya, let's go." Nakangiting sambit ni sir Carlos at dali-daling lumakad papalapit kay Ms. Cruz. Sumunod naman kami ni boss Ronald.
Kung ang dalawa e todo bati sa bagong dating na babae, ako, deretso lang ang tingin sa mga bagahe. Pagkahawak ko sa isa niyang maleta ay bigla na lamang siyang nagsalita.
"Be careful with that ha," Napatigil ito sa pagsasalita.
Hula ko, 'ang gwapo' ang nasa isip nito. Napa-angat na rin ako ng tingin sa kanya. Pero, wala akong nabasa. Posible ba 'yon? Posible bang tumigil ang isang tao sa pag-iisip? Ultimong isipin na nga lang na huwag mag-isip ay pag-iisip na din e.
Napalunok ako at ipagpapatuloy na sana ang pag-aayos ng kanyang gamit. Ngunit hindi ko talaga maalis ang tingin ko. At mas lalo akong naguluhan nang bigla na lamang tumulo ang kanyang luha.
Bakit? Bakit siya umiiyak?
At bakit pakiramdam ko, pa-iyak na din ako?
**********
AN: I miss posting here, but I'm so happy that I have a new novel and I'm pretty much determined to finish this. Haha! Please comment guys, I need motivation. <3

BINABASA MO ANG
The Four People Who Read Minds
FantasiKung ang pangingialam ng gamit o pag-alam ng sikreto ay invasion of privacy na, paano pa kaya basahin ang eksaktong nasa isip ng isang tao? Well, as if these four people have a choice. Since birth pa nagsimulang umingay ang kanilang mga paligid. At...