Kapag Sinabi Kong Mahal Kita

15 1 0
                                        

Kapag sinabi kong mahal kita, ang ibig kong sabihin salamat at nandiyan ka.
Kapag sinabi kong mahal kita, ang ibig kong sabihin hinahanap pa rin kita.
Kapag sinabi kong mahal kita, ang ibig kong sabihin napapagod din ako – nanginginig ang kalamnan, nanglalambot ang mga tuhod, nangangawit ang aking mga braso,
dahil kapag sinabi kong mahal kita, ang ibig kong sabihin pagpapaguran ko ito.
Susundan ka, susuyuin, hihintayin.
Dahil ang aking mahal kita ay hindi natatapos sa mahal lang kita.
Ang aking mahal kita ay may pagtanggap na ito…
Ito ang hirap na kalakip ng pag-ibig, yakapin mo.
Mahal, kapag sinabi kong mahal kita, ang ibig kong sabihin, malupit ang mundo at minamahal ko ang lahat ng kakampi mo.
Kaya hayaan nating dumating ang mga bagyo,
Hayaan nating malusaw ako ng araw.
Hayaan mo akong kumbinsihin kang kakampi rin ako.
Ikaw na ang hantungang inaasam,
Ikaw na kwentong hindi pagsasawaan,
Ikaw na sandaling parating inaalala,
Ikaw ang kailangan kong pahinga,
Ikaw ang paghinga.
Kapag sinabi kong mahal kita, ang ibig kong sabihin masaya ako.
Dahil mahal,  gaano man kahaba ang araw,
Uuwi ako sayo.

(c) Juan Miguel Severo

BrokenWhere stories live. Discover now