Malamig na gabi sa ating lahat. Katulad ng panlalamig ng puso niya sa akin kasi meron nang siya. Meron nang siya na wala ako. Itong tulang ito ay para sa mga taong hindi naging prayoridad. Hindi naging prayoridad kasi meron nang siya. At para sa mga taong nakakubli sa salitang sana. Para sa mga taong nakakubli sa anino ng siya. Para sa inyo ito.
Sana ako nalang siya. Iniisip ko na sana ako nalang siya na lagi mong kinakamusta. Iniisip ko na sana ako nalang ang lagi mong kasama. Iniisip ko na sana ako nalang siya na mahal mo ng sobra. Pero ako lang tong si malaking sana at wala ang siya. Pero minabuti kong umalis sa sana. Minabuti kong umalis sa anino. Minabuti kong umalis sa sana. Inisip ko na baka kako sa ganitong paraan makita mo ang ako. Makita mo ang halaga ko.
Oo alam ko kahit hindi niyo sabihin, katangahan ang ginagawa ko. Katangahan ang lumusong sa dagat na pagibig mo ang may gawa. Na kahit alam kong may iba ka nang bangka, namamaos ang puso kong kasisigaw ng pangalan mo. Kasisigaw ng pagibig mo. Kasisigaw ng pangalan mo mula umaga hanggang gabi. Walang sawang iniisip ka. Napapagod din ang puso ko. Nanlilimos ng kahit onting barya ng pagibig mo. Na kahit alam kong siya ang imahe ng isip mo. Kapag wala siya, sakin ang takbo mo. Ako naman tong si tanga na handang damayan ka. Wala eh minahal ka ng sobra.
Pumikit ako pipikit ako. Pipiliin ko. Minabuti kong umalis sa sana pero sa pag alis ko hinabol mo ako. Nakita ko ang kamay mo na hinahabol ang palad ko. Akala ko senyas na nakita mo na ang halaga ko. Pero nagkamali ako, nagkamali ang puso kong namamaos sa kasisigaw ng pagibig mo. Nagkamali ako. Nasasaktan ako, oo nasasaktan ako kasi wala namang anesthesia na tinurok sa buong katawan ko. Napaisip ako napangiti, sana kako meron na lamang anesthesia. Para di ko nalang nararamdaman yung sakit na dulot ng pagibig mo. Pero bakit ko nga ba hinahayaang paglaruan mo ang puso ko? Hinahayaang paglaruan mo na ang hangad lamang ay ang pagibig mo? Busilak na pagibig mo. Alam ko kung paano pero hindi ko alam kung kaya ko. Alam ko kung paano bumitaw sa palad mo pero hindi ko alam kung kaya kong makita ang palad mo na taban ng siya. Taban ng iba. Hindi ko alam kung kaya ko. Hindi ko alam kung kakayanin ko.
Kaya mamunting pakiusap ko sayo wag mo nang laruin at pakiligin pa ang puso ko kasi alam ko na hanggang dun lang ang tayo. Hanggang dun lang ang istorya ng tayo.
Pinatay mo nalang sana ako ng biglaan pero hindi, pinatay mo ako ng paulit ulit. Paulit ulit. Sobrang sakit, mahal. Sobrang sakit. Eto na siguro ang pinakamasakit na nangyari sakin. Teka mali. Mali. Ikaw na siguro ang pinakamaskait na nangyari sa akin. Kaya mahal, paalam na.
(c) Rexel B. Villa
