Patatawarin Kita

12 1 0
                                        

Patatawarin ko ang mga mata mo. Mga mata mong hindi makita ang halaga ko. Mga matang hindi makita na nasasaktan ako. Mga matang ni minsan, hindi lumuha para sa isang katulad ko.
Patatawarin ko ang bibig mo. Bibig na puro kasinungalingan. “Mahal kita.” “Ayokong mawala ka.” “Ikaw lang, walang iba.” Mga salitang bumubuhay sa aking pag-asa, kahit alam ko na wala naman talagang dapat asahan.
Patatawarin  ko ang mga kamay mo. Mga kamay na hindi marunong sumalo. Mga kamay na hinayaan lamang mahulog ang puso ko. Mga kamay na hindi ako kayang ingatan. Mga kamay na ilang beses na akong binitawan.
Patatawarin kita. Kahit na balde baldeng luha na ang pumatak mula sa aking mga mata. Kahit pinapatay na ako ng sakit at pagka-dismaya. Kahit puro lungkot nalang at wala ng saya.
Minsan may nakapagsabi sakin na ang hindi daw marunong magpawatad ay hindi makapagsusulat pero mahal, sa pagkakataong ito, sa huling pagkakataon na magsusulat ako ng tula para sayo, gumawa tayo ng kasunduan. Patatawarin kita pero patatawarin mo rin ako.
Patawarin mo ako sa hindi ko pagtahan, at patatawarin kita sa hindi mo pagluha. Patawarin mo ako sa hindi ko pagtahimik at patatawarin kita sa hindi mo pagsasalita. Patawarin mo ako sa hindi ko pag-alis at patatawarin kita sa hindi mo pananatili. Patawarin mo ako sa hindi ko sayo paglimot at patatawarin kita sa hindi mo sa akin pagpili.
Mahal, gumawa tayo ng kasunduan. Patatawarin kita pero patatawarin mo rin ako.
Patawarin mo ako sa hindi ko pagbitiw, at patatawarin kita sa hindi mo pagkapit. Patawarin mo ako sa hindi ko paglayo at patatawarin kita sa hindi mo paglapit. Patawarin mo ako sa hindi ko pagsuko at patatawarin kita sa hindi mo pagsugal. At patawarin mo ako sa hindi ko pagkamuhi sayo, at patatawarin kita sa hindi mo sa akin pagmamahal.
Mahal, gumawa tayo ng kasunduan. Patatawarin kita, pero patatawarin mo rin ako. Para sa wakas ay matapos ko na itong tula na matagal nang nakatira dito sa puso ko at patawad kung magiging masyadong mahaba at masyadong maraming buladas. Pero pangako, huli na to. Huli na to.
Sana, mapatawad mo rin ako.
Patawarin mo ako dahil yung pangako kong “Hindi kita iwan”, mapapako na. Hindi ko na kaya. Mahal na mahal kita. Ngunit patawad, ako’y pagod na pagod na.

BrokenWhere stories live. Discover now