Two

3.8K 193 19
                                    

"ITO ANG bahay ng kapitan. Tumawag ka na lang, nasa loob lang siya ng bahay. Aalis na ako," sabi ng lalaki habang ibinababa ang mga bagahe ni Wangga at pagkatapos ay agad itong naglakad papalayo.

"T-teka muna! Anong pangalan mo?"

Huminto ang lalaki at nilingon si Wangga pero hindi nito sinagot ang tanong ng doktora. Nagpatuloy na ito sa paglalakad hanggang sa tuluyan nang mawala sa paningin niya.

Pinagmasdan niya ang bahay ng kapitan. Isang palapag lang ito na gawa sa semento. Wala pa itong palitada kaya litaw ang hollow blocks na nagsisilbing pader.

"Tao po! Tao po!" Siniguro ni Wangga na eksakto ang lakas ng boses niya para marinig ito ng kung sino man ang nasa loob ng bahay.

Isang may edad na babae ang lumabas. Siguro ay nasa sisenta na ang edad nito. "Ano ang kailangan mo?" tanong nito nang hindi inaalis ang tingin kay Wangga.

"Magandang hapon po. Ako po si Dr. Wangga Marasigan ng Doctors to the Barrio Program ng gobyerno. Ako po ang naka-assign na doktor dito sa Baryo San Joaquin. Nandiyan po ba ang kapitan del barrio?" Pakiramdam niya ay iniinspeksyon siya ng kausap base sa mapanuring tingin nito sa kanya.

"Nandito siya sa loob. Pumasok ka," sabi nito sa napakaseryosong tono.

Binuhat niya ang dalawang malaking bagahe habang papasok sa bahay.

"Maupo ka muna. Tatawagin ko lang ang anak ko." Hindi pa rin nagbabago ang timbre ng boses ng matandang babae.

Pagbalik ng matandang babae ay kasama na nito ang isang lalaking nasa trenta y singko anyos na. Malawak ang pagkakangiti nito. "Magandang hapon, doktora. Ako si Celso Pelaez, ang kapitan del barrio. Nasabi na sa akin ng nanay na ikaw ang pinadala ng gobyerno rito sa aming baryo. Naku, malaki ang maitutulong mo sa amin dito. Medyo matagal na rin kaming walang doktor kaya napakahirap kapag may nagkakasakit lalo na kung mga bata," mahabang sabi ng kapitan. "Masaya ako na nandito ka na, doktora."

"Maraming salamat po. Saan po ang barangay health center? Para mailagay ko na po itong mga bagahe ko."

"Halika, sasamahan kita."

"Sige po..." Dinampot niya ang kanyang dalawang bagahe.

"Akin na 'yang isa," sabi ng kapitan.

Iniabot ni Wangga ang isang bagahe sa kapitan at magkasunod silang lumabas ng bahay para pumunta sa barangay health center.

Nadatnan nilang sarado ang health center. Kung sabagay, alas singko na ng hapon, at kung ganitong wala namang doktor sa baryo ay asahan nang lagi ring sarado ang health center maliban na lamang kung binubuksan ito tuwing umaga para panatihing malinis sa loob. Mukha namang maayos ang health center na gawa rin sa semento bagamat may kalumaan na ang pintura ng pader nito.

"Ito ang health center namin. Halika sa loob." Dinukot ng kapitan ang susi sa kanyang bulsa at pagkatapos ay binuksan ang pinto.

Nang makapasok sila ay napansin ni Wangga ang kaayusan ng loob. Konting walis at punas lang ng sahig ang kailangan. Ang jalousie window glass ay maayos din maliban sa bintanang malapit sa kusina kung saan ang jalousie na nasa pinakamataas na bahagi ay sira na at hindi basta-basta naisasara.

"May isang kuwarto doon. Puwedeng doon ka matulog. Ayun naman ang toilet. Huwag kang mag-alala, sakop naman ng generator itong health center kaya may kuryente ka. Kaso 'pag gabi lang. Tiis-tiis tayo sa init kapag umaga."

"Maraming salamat, Kapitan Celso."

"Kailangan mo ba ng makakatulong para mag-ayos ng mga dala mo?" tanong ng kapitan. "Papupuntahin ko rito ang sekretarya ng barangay."

"Hindi na po," tanggi ni Wangga. "Kaya ko na 'to. Ako na lang po ang bahala rito."

"O, sige... Aalis na ako. Padadalhan na lang muna kita mamaya ng hapunan."

Saka lang naalala ni Wangga na hindi pa nga pala siya kumakain mula kanina pagkababa niya ng eroplano. Nakalimutan na niya. Buti hindi siya nakaramdam ng gutom. Pero may dala naman siyang instant ramen, de lata at tinapay. Puwede na iyon na hapunan niya. Bukas na lang siya bibili ng bigas at iba pang kakailanganin niya sa lugar na iyon.

"Huwag na po. May tinapay po ako rito. Hindi po ako naghe-heavy meal 'pag dinner."

"Ah, ganoon ba? Okay, basta kapag may kailangan ka, pumunta ka lang sa bahay. Aalis na ako."

"Opo," sabi niya kasabay ang pagtango. "Salamat po ulit."

Pagkaalis ng kapitan ay inilabas niya ang laman ng isang bagahe niya. Iba't-ibang klase ng mga gamot iyon at iba pang mga kakailanganin niya sa panggagamot gaya ng syringe, gauze, bulak, medical tape or surgical tape at iba pang mga medical paraphernalia. Inayos niya sa isang kabinet at mga iyon para madali niyang hanapin kapag kinailangan na. Sa isang bagahe naman niya ay naroon ang kanyang mga damit at ilang personal niyang pangangailangan. May dala rin siyang isang kumot pero wala siyang dalang unan. Naroon din ang mga baon niyang pagkain na aabot din siguro ng ilang linggo.

Nang matapos ay nakahinga na siya nang maluwag. At saka niya naramdaman ang pagod. Pumunta siya sa pinto at ni-lock iyon pagkatapos ay nagtungo sa kuwartong nakalaan sa kanya. Papag lang ang naabutan niyang puwedeng higaan doon kaya kumuha muna siya ng walis at pinagpag niya ang mga alikabok sa papag. Nagwalis na rin siya sa loob ng silid para maayos niya itong magamit ngayong gabi. Nang matapos maglinis ay mabilis siyang naligo upang linisin naman ang sarili lalo na at nabasa ang suot niya nang tawirin niya ang nadaanang ilog.

Presko na ang pakiramdam niya nang matapos maligo. Nagsuot na lang siya ng manipis na puting t-shirt at dilaw na casual shorts. At dahil sa pagod sa naranasan sa biyahe, agad siyang inatake ng matinding antok. Inilatag niya sa papag ang dalang kumot at saka kunuha ng isang extra bath towel niya at tinupi para gawing pansamantala niyang unan. Hindi na lang siya magkukumot ngayong gabi. Humiga sa papag si Wangga at kasunod noon ay wala na siyang nalaman pa dahil sa mahimbing niyang pagkakatulog.

Nagising lang si Wangga nang makaramdam siya ng pananakit ng kanyang sikmura. Gutom na siya. Nag-aalburoto na ang kanyang bituka. Bumangon siya at kinapa kung nasaan ang switch ng ilaw. Nang lumiwanag na ang silid ay saka niya kinuha ang tinapay at palaman at agad na nilamnan ang kanyang tiyan. Nakaubos siya ng dalawang sandwich. Hinanap niya ang baon niyang mineral water at uminom. Tiningnan niya ang suot na wrist watch. Alas dose y medya na pala. Mahaba na rin ang naitulog niya. Kinuha niya ang kanyang cellphone at laking dismaya niya nang makitang wala siyang signal. Saglit na nag-isip si Wangga. Paano na lang siya makakakontak sa pamilya niya sa Maynila kung walang signal ang cellphone dito? Ibinalik niya sa bag ang telepono. Nawala na ang antok niya. Siguradong mamaya pa siya makakatulog muli. Minabuti niyang magbasa na lang muna. May dala siyang isang makapal na libro. Kinuha niya ito sa bag at pumuwesto sa papag para maumpisahan ang pagbabasa.

Noon siya nakarinig ng tila pagaspas ng isang lumilipad na malaking ibon. Alam niya, malaki ang ibon na iyon para makalikha ng ganoong tunog. At nasa malapit lang iyon!

Malapit?!

Napatingala si Wangga sa kisame at pinakiramdaman ang paligid. Ano't tila nabuhay ang kilabot sa kanyang katawan.

Bigla ay narinig niya ulit ang pamilyar na tunog na narinig niya rin kanina habang naglakakad sila nung lalaking naghatid sa kanya sa bahay ng kapitan.

Ano ba ang tunog na iyon? Bakit nakakikilabot?

ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Published By Viva Books) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon