"MANG GIMO, sabi mo maghahasik na naman ng lagim ang arannik. Ibig sabihin, hindi ito ang unang pagkakataon na naminsala sila rito?"
Marahang tumango si Gimo. "Sa pagkakatanda ko, unang beses sumalakay ang arannik noong bagong dating dito si Dra. Yvette Tresvalles. Siya 'yung doktor na pinalitan n'yo."
"Nasaan na si Dr. Tresvalles? Bakit siya umalis dito? Natakot ba siya sa arannik?" naguguluhang tanong ni Wangga.
"Hindi, Doktora. Nawala siya. Isang taon na ang nakakaraan nang bigla na lang siyang nawala rito at hanggang ngayon ay hindi pa rin siya natatagpuan. Kung ano man ang nangyari sa kanya ay hindi namin alam. Wala kaming nakitang anumang palatandaan ng kanyang pagkawala."
Napalunok si Wangga. Iyon ba ang dahilan kaya walang doktor na gustong magpa-assign sa baryong ito?
"Matagal din kaming walang doktor dito," pagpapatuloy ni Gimo. "Iniwasan ng mga doktor ang lugar na ito. Akala nga namin ay hindi na muli kami magkakaroon mg doktor dito sa baryo. Napakatapang mo, doktora."
"Hindi... Hindi ko alam ang tungkol sa nawalang doktora. Kung alam ko lang, baka nagdalawang isip rin ako sa pagpunta rito." Ngayon ay napagdugtong-dugtong na niya kung bakit siya binalaan ni Mateo, ang tricycle driver na naghatid sa kanya dito sa baryo. Sinabihan siya nito na mag-ingat at huwag lalabas ng bahay lalo na kung gabi. Nagmamadali pa ngang umalis si Mateo at parang takot na takot ito na hindi niya maintindihan. Ganoon din sa lalaking tumulong sa kanya sa pagbubuhat ng mga gamit niya mula sa ilog hanggang sa bahay ni kapitan. Nagmamadali itong iniwan siya pagkatapos maihatid sa bahay ng kapitan. Maging ang ina ni kapitan ay binalaan din siyang hindi na siya dapat magtagal pa sa lugar na ito.
"Doktora, ang hinala namin ay pinatay ng arannik si Dra. Tresvalles. Nakapagtataka lang na hindi namin nakita ang kanyang bangkay samantalang..." Hindi naituloy ni Gimo ang sasabihin. Tila nagdalawang-isip ito kung dapat bang malaman ni Dra. Marasigan ang iba pa niyang nalalaman.
"Samantalang ano, Mang Gimo? Ituloy mo ang sinasabi mo."
"Nagtataka kami kung bakit hindi namin nakita ang bangkay ni Dra. Tresvalles gayong nakita naman namin ang bangkay ng iba pang naging biktima ng arannik."
Napamulagat si Wangga. "Hindi lang isa ang pinatay ng arannik?"
"Lagpas lima kung hindi ako nagkakamali."
Natutop ni Wangga ang kanyang bibig. Ganoon kapanganib ang arannik?
"Kaya huwag kang lalabas lalo na kapag kumalat na ang dilim sa mga ulap. Senyales na nasa paligid lang ang arannik kapag narinig mo ang nakakakilabot na tunog na narinig natin kanina. Kasunod niyon ang pagaspas ng mga pakpak."
"Mang Gimo, lalaki ba ang arannik?" tanong ni Wangga. "Iyong sumugod sa atin kanina, lalaki siya base sa porma niya."
"Hindi ko masabi kung may babae rin bang arannik. Pero kung katulad lang din sila ng mga tao o hayop, malamang na ipinapanganak rin sila ng kanilang mga ina," matalinong pag-aanalisa ng matandang lalaki.
"Anong ginawa ni kapitan noong sumalakay ang arannik?"
"Nagronda kami gabi-gabi. Pero matalino ang arannik. Nagagawa niyang makapambiktima pa rin kahit nagroronda kami."
Tumayo si Wangga.
"Doktora, saan ka pupunta?" tanong ni Gimo.
"Ikukuha ko kayo ng kumot at unan, para makatulog kayo. Dito na kayo magpalipas ng magdamag. Mahirap nang lumabas, baka nasa paligid lang ang arannik."
Pumasok si Wangga sa silid niya at nang lumabas ay may dala itong isang unan at kumot. May dala rin itong malaking karton para gawing sapin sa hihigaan ni Gimo.
BINABASA MO ANG
ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Published By Viva Books)
Mystery / ThrillerIn one remote and sleepy locality, Dr. Marasigan was assigned to practice her profession. Never did she know that terror strikes during the night caused by unknown wild creatures preying on human blood and flesh. Rank 14 in Katatakutan - A...