Eighteen

2.2K 125 27
                                    

WALA SA hinagap ni Wangga na ang pasyenteng kausap niya kanina lang ay nilapa na ng halimaw na nependiso. Kausap pa rin niya si Laarni habang hinihintay nilang mag-alas singko.

"Laarni, 'di ba ngayon babalik si kapitan mula sa seminar na dinaluhan niya?"

"Opo, doktora. Mamaya siguro bago dumilim nandito na si kapitan."

Naalala ni Wangga, ganoong oras nga nang dumating siya sa baryo. Iyong oras na nag-aagaw ang dilim at liwanag. Oras ng paglubog ng araw.

"Bakit mo naitanong, doktora?"

"Naisip ko lang kasi, mukhang mas okay na kausap si Kapitan Celso kaysa kay Kagawad Dominador. Andami kasing ginagawa ni kagawad na dapat hindi ganoon ang ginawa niya. Lalo na 'yong mga desisyon niya sa mga biktima ng halimaw."

"Napansin ko nga rin 'yun, doktora. Hindi ko lang talaga kayang kontrahin si kagawad. Baka ako pa ang pagdiskitahan."

"MGA KABARANGAY! MAY BAGONG BIKTIMA NA NAMAN ANG HALIMAW!" Sigaw ng isang binata habang nagtatatakbo sa kalsada. Ang mga residente naman ay nagsidungawan sa bintana, ang iba pa ay lumabas sa kani-kanilang mga bahay.

"Ano raw 'yon?" Napatayo si Wangga at agad na lumabas sa health center.

"May biktima na naman raw ang halimaw? Iyon yata ang pagkakarinig ko." Nagmamadali ring lumabas ng health center si Laarni.

Naglabasan na rin ang mga tanod na nasa barangay hall.

Pagtapat ng lalaki sa health center ay tinawag ito ni Wangga. "Kuya, anong nangyari?"

"Doktora, may biktima na naman ang halimaw. Nandoon sa gubat. Wakwak ang dibdib at tiyan. Kinain ang lamang-loob!"

Muntik nang maduwal si Wangga. Ibang halimaw nga ito. Ito rin ba ang halimaw na sumalakay kay Ashton?

"Kilala mo ba kung sino ang biktima?" tanong ni Laarni.

"Iyong asawa ni Aling Dolores!"

"Si Mang Gimo..." nanlalaki ang mga matang usal ni Laarni.

"Ha?" Gulat na napalingon si Wangga sa katabi.

"Doktora, si Mang Gimo 'yon." Ang lakas ng kabog ng dibdib ng assistant ni Wangga. Kanina lang ay kausap nila ito. Sinong mag-iisip na ilang oras lang ay mamamatay ito sa kamay ng halimaw?

Naalala ni Wangga, Dolores nga ang pangalan ng asawa ni Mang Gimo. Pakiramdam niya ay bigla siyang pinagpawisan nang malamig. Hindi niya alam kung dahil ba sa kaba na bigla niyang naramdaman.

Binalingan ni Laarni ang mga tanod. "Nasaan si kagawad? Puntahan n'yo 'yong bangkay ni Gimo," utos niya sa mga ito.

"Umalis si kagawad, Laarni. Pero sige, pupuntahan namin ang bangkay," sagot ng hepe ng mga tanod, si Jorge.

"Saan kaya pumunta si kagawad? Kung kailan kailangan siya at saka naman siya nawawala," reklamo ni Wangga. "Nagkakagulo na ang mga residente rito, siya naman hindi mo mahagilap." Nahagip ng mata niya si Ka Nelia na nasa labas din ng kanilang bahay. Ewan kung naramdaman nito na nakatingin siya rito, bigla itong lumingon sa kinaroroonan niya at muli ay binigyan siya ng pailalim at nakakatakot na tingin.

"Pumasok na tayo sa loob, Laarni..." Hindi na niya ito hinintay na sumagot. Agad na siyang pumasok sa loob ng health center.

SI ASHTON ay nasa gitna na ng gubat. Nang marinig niyang may pinatay na naman ang halimaw ay agad siyang nagtungo sa gubat para makita ang pinakahuling biktima ng halimaw sa baryo. Sobra siyang nagulat nang makilala ang biktima. Kanina lang ay nasa health center ito at nagpakonsulta pa kay Wangga.

Napansin niya ang mga patak ng dugo mula sa bangkay ni Gimo papalayo sa katawan nito. Maaaring nagmula sa kamay o paa ng halimaw ang mga patak ng dugo. Sinundan niya ito pero nahirapan siyang tuntunin ang bawat bakas ng dugo dahil malalayo ang pagitan nito. Kung iisipin, posibleng ganoon kalaki ang bawat hakbang o pagtalon ng halimaw. Sa huli ay hindi na niya nakita pa ang ibang mga bakas ng dugo. Ang napansin lang niya ay napalayo na siya sa sentro ng baryo. At nasa paanan na siya ng kaparehong bundok na inakyat ni kagawad noong pumunta ito sa luma at malaking bahay.

Posible rin kaya na umakyat pa ng bundok ang halimaw? Doon ba ito naninirahan sa itaas ng bundok?

Nagpasya si Ashton na bumalik na lang sa baryo. Hindi na naman niya nalaman kung saan ang eksaktong pinagtataguan ng halimaw.

NANG GABING iyon ay nakita ni Ashton ang mga tanod na paikot-ikot sa buong baryo at nag-aabang sa posibleng muling pagsalakay ng nependiso. Gusto sana niyang sumama dahil gustong-gusto niyang makaharap ulit ang halimaw at patayin na ito nang tuluyan. Pero nang maisip niyang nasa ilalim ang mga ito ng pag-uutos ni Kagawad Dominador ay nagpasya siyang huwag na lang sumama sa ronda. Tutal naman ay may sarili silang plano nina Laarni at Wangga. Mas makakakilos silang tatlo sa sarili nilang diskarte.

Matutulog na si Wangga nang makarinig siya ng sunod-sunod na katok sa pinto. Nagmamadali siyang nagtungo sa pintuan pero hindi niya ito kaagad binuksan.

"Sino 'yan?" malakas ang boses na tanong niya.

Wala siyang narinig na sagot bagkus ay muling kumatok sa pinto ang kung sino mang nasa labas.

"Sabi ko, sino 'yan? Hindi ko bubuksan ang pinto hanggang hindi ka nagpapakilala," sabi niya sa matigas na tinig. "Gabi na. Hindi ako nagpapapasok ng kahit na sino kapag gabi na at hindi naman emergency. Oras na para matulog."

"Buksan mo ang pinto!" Narinig ni Wangga ang malalim na boses ng tao sa labas. Kung hindi siya nagkakamali, boses iyon ni Ka Nelia.

Lalo pang nagdalawang-isip si Wangga kung bubuksan ba niya ang pinto o hindi. Aaminin niya, kakaibang kilabot ang nararamdaman niya kapag kaharap ang matandang babae. Mas higit pa kapag nagsalita na ito.

"BUKSAN MO ANG PINTO!" Muling utos ng matandang babae. Mas malakas pa ang boses nito ngayon kaysa kanina.

Dahan-dahang binuksan ni Wangga ang pinto. Nang ganap na itong mabuksan ay nakita niya ang pamilyar na nakakatakot na tingin ni Ka Nelia.

"Bakit po---" Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil bigla siyang itinulak ng matanda.

"Pumasok ka sa loob!" Isinara ni Ka Nelia ang pinto at sinigurong naka-lock ito.

"Anong kailangan ninyo, Ka Nelia?" Pinilit niyang huwag ipahalata ang takot.

Tiningnan siya ng matandang babae mula ulo hanggang paa, pagkatapos ay tinitigan siya nito sa mata. "Matigas ang ulo mo! Ilang ulit na kitang sinabihan na umalis na sa baryong ito pero hindi mo ginawa. Anong hinihintay mo, ang maubos ang lahat ng residente sa baryong ito?" Bakit ba ganito ang boses ng matandang ito? Parang nanggagaling sa ilalim ng lupa.

"Ano po ba ang kasalanan ko? Hindi naman ako ang halimaw na pumapatay sa mga tagarito," pangangatwiran niya. "Ako ba ang dahilan kung bakit sumasalakay ang halimaw?"

"UMALIS KA NA RITO! HUWAG MO NANG HINTAYING PATI IKAW AY MAGING BIKTIMA NG HALIMAW!"

ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Published By Viva Books) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon