MAAGA RING umalis sa kuweba si Ka Nelia. Kailangang makabalik siya kaagad sa baryo at patuloy na manmanan ang bawat kilos ni Kagawad Dominador. Napakalakas talaga ng pakiramdam niya na may kinalaman ang kagawad sa hindi pag-uwi ng anak niya. Kapag nakumpirma niya ang kanyang mga hinala, sisiguruhin niyang ilalabas nito ang kanyang anak. Kung kinakailangang gumamit siya ng dahas at ilabas ang lahat ng kanyang nalalaman ay gagawin niya, ibalik lang nito si kapitan sa baryo.
Nahirapan siya sa pag-akyat ng bundok. Ngunit desidido siyang makarating agad sa baryo. Isang maling hakbang ang nagawa ni Ka Nelia. Nadulas siya at tuluy-tuloy na gumulong pababa ng bundok. Sumabit ang katawan niya sa isang nakatumbang puno pero nabagok naman ang ulo niya sa isang malaking sanga nito na naging dahilan para mawalan siya ng malay.
***
"PAKAWALAN N'YO ako rito!" sigaw ni Kapitan Celso. Ilang araw na rin siyang narito sa madilim na lugar na ito. Para itong basement ng isang bahay na hindi niya alam kung kanino. Bago siya napunta rito, ang huling alaala sa isip niya ay noong pauwi na siya sa kanilang bahay pagkatapos niyang tumawid sa ilog. Nagulat pa siya nang makita sa kabilang pampang si Kagawad Dominador."Kagawad, bakit ka naririto?" salubong niyang tanong sa konsehal ng baryo.
"Sinadya kong salubungin ka, Kapitan Celso. Baka 'kako may dala kang mabigat na bagahe, mabuti na 'yong may makakatulong ka sa pagbubuhat." Kinuha nito kay Kapitan Celso ang isang bag na dala nito. Larawan ng kainosentihan ang mukha ni kagawad. Sino ang mag-iisip na may iba pala siyang binabalak?
"Maraming salamat, kagawad. Kumusta naman sa baryo?"
"Napakaraming nangyari habang nasa Maynila ka, kapitan. Pero huwag kang mag-alala dahil hindi mo na poproblemahin ang mga iyon." Ngumisi pa si kagawad.
"Alam ko namang maasahan ka. Panatag akong maayos ang lagay ng baryo basta ikaw ang naroon upang mamuno." Naglakad na sila papunta ng baryo. Pero nauna siya. Si kagawad ay nakasunod lang sa kanya at dala nito ang isang bag niya.
Tiwala lang sa paglalakad si Kapitan Celso. Wala siyang kamalay-malay sa pinaplano ng kagawad.
BINABASA MO ANG
ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Published By Viva Books)
Tajemnica / ThrillerIn one remote and sleepy locality, Dr. Marasigan was assigned to practice her profession. Never did she know that terror strikes during the night caused by unknown wild creatures preying on human blood and flesh. Rank 14 in Katatakutan - A...