Thirteen

2.4K 129 13
                                    

"PANGANIB? BAKIT?"

"Ewan ko," sagot ni Ashton. "Basta, kinutuban ako ng hindi maganda kaya hindi na ako pumunta doon sa bahay. Pero babalikan ko 'yon dahil iba ang kutob ko sa bahay na iyon."

"Sabihan mo ako kung may maitutulong ako. Pero ano nga kaya ang ginawa ni kagawad sa lugar na iyon?" nagtataka pa rin si Wangga.

"Hindi ko alam. Pero kakaiba ang kilos niya. Para bang may itinatago. At 'yon ang aalamin ko sa lalong madaling panahon," buo ang loob na sabi ni Ashton.

"Mukhang seryoso ang pinag-uusapan n'yong dalawa, ah. Puwede ba akong makisali?" Pinanlakihan ng mata si Wangga nang makita sa may pinto si Kagawad Dominador. Nakapasok ito nang hindi nila namamalayan.

"Bukas ang pinto kaya pumasok na ako. Eh, bukas din ang pinto rito kaya dumiretso na ako," kaswal na sabi ng kagawad. "O, Ashton nandito ka pala."

"Sumakit kasi ang tiyan ko, kagawad kaya nagpa-check up ako kay doktora," pagsisinungaling pa niya.

"Ahh," tumatangong sabi ni kagawad. "Mabuti at pumunta ka agad dito." Bumaling ito kay Wangga. "Doktora, maari ba kitang makausap?"

Napatingin si Wangga kay Ashton.

"Mukhang personal po ang pag-uusapan n'yo. Sige, doktora magpapaalam na ako." Tumingin ito kay kagawad. "Sige po, kagawad. Mauuna na ako."

"Hindi," saway ni kagawad. "Mas okay nga na nandito ka para may witness ako sa gagawin ko. Gusto ko lang namang humingi ng paumanhin kay doktora dahil sa inasal ko sa kanya kahapon. Hindi tamang pinagbintangan ko siya. "I'm sorry, doktora. Ikaw na ang bahalang magpasensya sa akin." Halata naman sa mukha ni kagawad ang sinseridad.

"Ah, eh... wala po iyon, kagawad. Normal lang naman na nagkakaroon ng paminsan-minsang hindi pagkakaunawaan. Ang importante ay nare-realize natin ang pagkakamali at natututo tayong humingi ng paumanhin." Nginitian niya ang kausap.

Nag-abot ng palad si kagawad. Walang pag-aalinlangan itong inabot ni Wangga.

"Salamat, doktora. Napakabuti mo."

Nakamasid lang sa dalawa si Ashton.

"O, paano, doktora? Uuwi na ako," paalam ni kagawad.

"Sige po..."

"Dapat pa rin tayong mag-ingat sa kanya," sabi ni Ashton nang wala na si kagawad. "Hindi natin alam kung ano ang itinatago niya."

"Nag-iingat naman ako palagi."

"Uuwi na rin ako. Siguruhin mong naka-lock lahat ang mga pinto at bintana. Huwag mong bigyan ng pagkakataon ang halimaw na makapasok dito," paalala ni Ashton.

"Oo..."

NAKAHIGA NA si Wangga ay hindi pa rin maalis sa isip niya ang kinuwento ni Ashton. Bigla ay naging interesado siyang makita ang sinasabi nitong malaking bahay na nasa gubat. Alam kaya ni Laarni ang tungkol sa bahay na iyon? Para namang imposibleng hindi. Kailangan niyang alamin bukas.

Nakatulugan na niya ang pag-iisip.

Nang mga sandaling iyon ay gising pa rin si Ashton. Hinihintay niyang magparamdam ang arannik. Lalabas siya ng bahay sa sandaling marinig niya ang nakakikilabot na tunog nito. Handa na ang mga panlaban niya sa halimaw. Isang flashlight, isang baril na may balang sadyang ipinagawa niya para sa makapal na balat ng halimaw, at isang matalim na balaraw na iniisip niyang isaksak sa tingin niya ay pinakamalambot na bahagi ng katawan nito, ang mata.

Hanggang sa sumapit ang hatinggabi ay matiyagang naghihintay si Ashton. Inaantok na siya dahil napagod siya sa pagsunod kay kagawad kaninang tanghali, pero kailangan niyang labanan ang pagod at antok. Hindi na niya dapat patagalin pa ang pambibiktima ng halimaw. Kailangang matapos na ang pagpatay sa Baryo San Joaquin. At kailangan na ring malaman niya kung ano ba talaga ang nangyari sa kapatid niyang doktora.

Ngunit may mga bagay tayong kung kelan hinihintay ay saka naman hindi dumarating. Hanggang sa makatulog si Ashton sa paghihintay ay hindi nagparamdam ang pumapatay na halimaw.

Nagising si Ashton sa ingay na nagmumula sa labas ng kanyang tinitirhan. Kahit inaantok pa ay bumangon siya para tingnan kung bakit tila nagkakagulo ang mga residente sa baryo. Dumungaw siya sa bintana at nakita niyang nagtatakbuhan ang mga ito patungo sa gubat.

"Anong nangyari?!" sigaw niya sa mga tao.

"May natagpuan na namang patay sa gubat!" sagot sa kanya ng isang lalaki.

Tila nawala ang antok ni Ashton. May nabiktima na naman ng arannik? Paano? Hindi naman ito nagparamdam kagabi. O baka naman hindi lang niya namalayan dahil sa himbing ng tulog niya.

Imposible!

Sigurado siyang hindi sumalakay ang halimaw kagabi.

Nagpasya siyang lumabas para makiusyoso. Eksaktong paglabas niya ay nakita niya sina Wangga at Laarni na papunta rin sa lugar kung saan natagpuan ang bangkay.

"Doktora!" tawag niya rito.

Napalingon si Wangga. "Ashton! Pupunta ka rin?"

"Oo, nagtataka kasi ako. Hindi naman nagparamdam kagabi ang halimaw pero bakit may biktima?"

"Hindi pa naman nakukumpirma kung ang arannik nga ang pumatay," sabi naman ni Laarni.

"Sino ba ang biktima?"

"Hindi pa namin alam, Ashton. Malalaman natin mamaya pagdating natin sa gubat," sagot ni Wangga. "Bilisan na natin."

Maraming nakikiusyoso sa bangkay. Naroon na rin si Kagawad Dominador.

Nakisilip sina Wangga, Ashton at Laarni.

"Sino 'yan?" tanong ni Wangga sa kasama. Tiningnan niya si Laarni at nakita niya ang kakaibang pagkagulat sa itsura nito.

"Bakit siya?" nagtatakang tanong nito.

"Anong bakit siya? Kilala mo ba siya?" Hindi napigilan ni Ashton na magtanong.

"Magsiuwi na kayo! Kami na ang bahala rito!" Malakas ang boses ni Kagawad Dominador. Napansin nito sina Laarni at Wangga. "Laarni... Doktora, bumalik na rin kayo sa health center. Baka may mga pasyente nang naghihintay sa inyo roon."

Hinila na ni Laarni si Wangga. "Halika na, doktora.

"Teka muna... Sino ba 'yung biktima?"

"Bakit parang wala akong nakitang kamag-anak na umiiyak o nag-aabalang kunin ang bangkay?" nagtataka na rin si Ashton.

"Halina kayo! Ashton, umuwi ka na. Doktora, balik na tayo sa center." Mas hinigpitan niya ang hawak sa kamay ni Wangga at binilisan na niya ang paglalakad para makaalis kaagad sila sa lugar na iyon.

Nasa mukha nina Ashton at Wangga ang malaking pagtataka pero hindi nila mapilit si Laarni na magsalita.

Bago tuluyang umalis ay lumingon pa si Ashton sa kinaroroonan ni kagawad at nakita niyang sinusundan sila nito ng tingin. Kung ano man ang nasa isip nito ay hindi nila alam. Pero muli ay nakaramdam siya ng kakaiba sa ikinikilos ng kagawad.

ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Published By Viva Books) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon