Six

2.4K 140 24
                                    

"MUNTIK KA nang mamatay kagabi. Sa susunod, baka hindi ka na makaligtas!"

Saglit na hindi nakakilos si Wangga. Nasa likuran lang niya ang nagmamay-ari ng tinig na 'yun.

Kumuha siya ng sapat na lakas ng loob at buong tapang na pumihit para makita kung sino ang nagsalitang iyon.

"Ikaw?!" Hindi inaasahan ni Wangga na muli niyang makakaharap ang lalaking ito. Ito 'yong lalaking tumulong sa kanya na magbuhat ng mga gamit niya at naghatid sa kanya sa bahay ni Kapitan Celso. "Bakit alam mo ang tungkol doon?" Pinandilatan niya ang lalaki. "Ikaw ang arannik?"

Kumunot ang noo ng lalaki at naningkit ang mga mata nito. Tila hindi nito nagustuhan ang paratang ng doktora.

Bigla nitong hinablot ang braso ni Wangga. "Halika rito!" Hinila siya nito patungo sa isang bahay sa 'di kalayuan. Walang masyadong tao sa paligid kaya wala ring nakapansin sa kaunting komosyong nangyayari sa kanilang dalawa.

"Aray! Bitiwan mo nga ako!" Nagpumiglas siya pero mahigpit ang pagkakahawak ng lalaki sa kanyang kanang braso.

Naipasok siya ng lalaki sa loob ng bahay. At saka lang siya nito binitawan. "Hindi ako ang arannik! Wala kang alam..." Bakas sa mukha ng lalaki ang poot at matinding galit. Nahintakutan si Wangga. Hindi niya inasahan na ganoon ang magiging reaksyon nito sa sinabi niya.

"Kung hindi ikaw ang arannik, bakit alam mo ang nangyari kagabi?" Napansin niyang magkasingtindig ang lalaki at ang nilalang na sumugod sa kanila kagabi.

"Hindi ibig sabihin na alam ko ang nangyari kagabi ay dahil ako ang halimaw na nakaengkuwentro n'yo. You are an educated person. You know what I mean."

Napatanga si Wangga. Hindi niya inaasahang kakausapin siya sa Ingles ng lalaking kaharap. And the way he speaks in English showed that he is not the typical guy from this barrio.

"I'm sorry." Iyon lang ang nasabi ni Wangga. "I did not mean to offend you. Nagulat lang ako sa bigla mong pagsasalita kanina ng tungkol sa nangyari kagabi. Alam kong posibleng narinig ng buong baryo ang tunog at pagaspas ng pakpak ng arannik. Pero hindi ko naisip na posibleng may nagtangkang sumilip at nakita kung sino ang muntik nang maging biktima."

"Wala kang alam..." Nagngangalit ang mga bagang na sabi ng lalaki.

"Talagang wala akong alam. Kaya nga nag-sorry na ako, 'di ba? Pasensya ka na sa akin, kasi wala akong alam! Sa susunod, huwag kang basta-basta sumusulpot at magsasalita ng kung anu-ano, para hindi ka napagbibintangan." Iyon lang at nagmartsa na si Wangga papalabas ng bahay.

Nagmadali na siya para makabalik sa health center. Nabuwisit lang siya sa lalaking iyon.

Naiwan sa bahay ang lalaki. Wala na sa mukha nito ang galit pero pinalitan naman ng inis at pagkabagot. Halos kalahating taon na siyang naririto sa baryong ito. Hanggang ngayon, wala pa rin siyang nakukuhang ano mang impormasyon na ipinangako niya sa kanyang ina bago ito malagutan ng hininga. Kabilin-bilinan nito sa kanya na huwag siyang titigil hanggang hindi nagkakaroon ng linaw ang mga nangyari. Kaya naman kahit pa iwanan niya ang kanyang trabaho sa Maynila ay hindi siya nagdalawang-isip, mabigyan lang ng katuparan ang huling hiling ng namayapa niyang ina. At ipinangako na rin niya sa kanyang sarili na gagawin ang lahat ng kanyang makakaya para masagot ang mga tanong na hanggang ngayon ay nananatiling palaisipan sa kanya.

PAGDATING SA health center ay inayos ni Wangga ang kanyang mga pinamili. Inumpisahan na rin niyang maghanda ng hapunan. Balak niyang mag-ulam ng pork adobo ngayong gabi. Iyon na lang ang lulutuin niya para siguradong hindi masisira ang ulam kahit pa hindi ilagay sa ref. Sabi nga pala ni kapitan, tuwing gabi lang may kuryente sa health center. Mabuti na lang at ang pinamili niyang gulay ay 'yung tipong tatagal kahit wala sa ref.

Hindi naman nagtagal at naluto na ang hapunan niya. Bago siya kumain ay sinuguro niyang naka-lock na ang lahat ng pinto. Naisara na rin niya ang mga bintana. Kampante siyang magiging ligtas siya sa pansamantala niyang tirahan.

Bago matulog ay naligo pa si Wangga. Nakagawian na niya ang paliligo bago matulog. Bilang doktor, gusto niyang mapanatili ang pagiging malinis sa katawan. Ang pangit namang tingnan ng isang doktor na dugyot. Hindi pa siya nakakita ng doktor na mukhang marumi. Lahat ng nakita at nakilala niyang doktor ay para bang kaylinis at laging mabango.

Pinatuyo lang niya ang kanyang buhok at saka siya nagpasyang matulog. Babawiin niya ngayong gabi ang puyat niya kagabi. Kukumpletuhin niya ang walong oras na tulog ngayong magdamag.

Paglapat ng likod niya sa higaan ay agad siyang nakatulog. Marahil ay dala ng puyat noong nagdaang gabi at ng maghapong pagod. Mahimbing na mahimbing ang tulog ni Wangga.

SA labas ng health center ay may isang maliit na paniki na paikot-ikot sa paligid. Wari babay naghahanap ito ng kahit maliit na butas lang na maari nitong daanan para makapasok sa loob ng health center. Kung sisipatin, parang apoy sa pula ang mga mata nito. Ang bibig nito ay naglalaway at kumikislap sa dilim ng gabi ang mga pangil.

Nakailang lipad din paikot sa center ang paniki bago nito natumbok ang sirang jalousie sa bintanang malapit sa kusina. Agad na nakapasok dito ang maliit na paniki. Ngunit nang dumapo ito sa sahig ay biglang nagbago ang anyo nito. Ang dating maliit na hayop ay lumaki at nagkaroon ng katawan ng isang hubad na lalaki, bagamat nanatiling sa paniki ang ulo nito. Ang kanina ay namumulang mga mata ay nagmistulang bolang apoy. Ang matatalas na pangil ay mas lalong naging mahaba at matulis.

Sinubukang igalaw ng paniki ang malaki nitong pakpak ngunit natabig nito ang stainless jar na lalagyan ng bulak kaya nahulog ito sa sahig at lumikha ng ingay.

Sapat ang ingay na iyon para magising si Wangga. Nagmulat siya ng mga mata at bumangon upang tingnan kung ano ang pinagmulan ng ingay na iyon.

Pagbukas niya ng pinto ng silid ay bumulaga sa kanya ang hubo't hubad na arannik! Napatili si Wangga sa sobrang takot. Sinubukan niyang isara ang pinto subalit mas mabilis ang arannik. Tinadyakan nito ang pinto pagkatapos ay buong lakas siyang itinulak nito sa kama.

Dumagundong sa buong silid ang nakakakilabot na tunog na nililikha ng arannik na lalo pang nagpaigting sa takot na lumukob sa buong katauhan ng doktora.

Halos panawan ng ulirat si Wangga nang dumagan sa kanya ang arannik at humanda upang siya ay angkinin!

Pinilit na manlaban ni Wangga. Inubos niya ang buong lakas upang itulak ang halimaw ngunit hindi sapat ang lakas niya para iligtas ang kanyang sarili.

ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Published By Viva Books) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon