Eight

2.4K 131 10
                                    

INULIT NI Wangga ang tanong. "Sino si Ashton?"

"Eh, pasensya na, doktora. Hindi ko rin siya gaanong kilala. Anim na buwan pa lang ang nakalilipas mula nang tumira siya rito sa baryo San Joaquin. Hindi ko alam kung tagasaan siya talaga. Pero may mga nagsasabing galing siyang Maynila. Nagtataka nga kami kung bakit pinili niyang dito tumira. Mukha naman siyang anak mayaman. At ang itsura niya, hindi mo iisiping lumaki sa hirap," mahabang paliwanag ni Laarni.

"Hindi n'yo ba siya tinatanong?"

"Parang wala naman yata kaming karapatang magtanong. Hindi ba sa ibang lugar naman, puwede kang tumira kahit saan mo gusto at hindi ka naman iinterbyuhin ng mga barangay officials kung bakit doon ka titira?" katwiran ng kausap ni Wangga.

"Sabagay... Pero hindi ba siya nagkukusang magkuwento?"

"Ikaw na nga ang nagsabi, doktora. Mukha siyang suplado. Hindi ko nga alam kung may mga kaibigan na 'yon dito. Lagi lang kasing nasa bahay iyon. Hindi siya palalabas."

"Eh, paano pala siya nabubuhay? Hindi siya nagtatrabaho?"

"Puwede namang mabuhay dito kahit walang trabaho. Kay kapitan 'yong bahay na tinitirhan niya. Nirerentahan niya. Tapos pinakiusapan niya si kapitan na tataniman niya ng mga gulay ang likod-bahay. Kung makikita mo ang mga pananim niya, hahanga ka. Andaming bunga ng mga gulay niya. Ang mga talbos marami rin. May green thumb yata ang taong 'yan. Pero hindi naman maramot. Kapag inaani niya ang mga bunga ng mga gulay, pinamimigay niya sa mga kapitbahay. Minsan nga nagdala siya ng mga talbos at kalabasa sa barangay hall. Tuwang-tuwa sa kanya si kapitan," tuluy-tuloy na kuwento ni Laarni. "Siyanga pala, pumupunta siya sa Maynila every other month. Aalis siya rito ng Sabado, bumabalik ng Lunes. Dumadalaw siguro sa pamilya niya sa Maynila."

"Ahhh..." Napatango na lang si Wangga.

"Bakit n'yo pala naitanong kung kilala ko si Ashton, doktora?"

"Nagkasagutan kasi kami kahapon?" kaswal niyang sagot.

"Ha? Kelang kahapon?"

"Pagkatapos nating maghiwalay sa talipapa," kuwento niya. "Bigla na lang kasi siyang nagsalita sa likuran ko. Alam niya na nakaengkuwentro namin ni Mang Gimo ang arannik kaya deretsahan ko siyang tinanong kung siya ba ang arannik. Ayun, nagalit."

Natawa si Laarni. "Ikaw naman pala kasi, doktora. Kahit sino siguro magagalit kapag pinagbintangang siya ang gumagalang halimaw dito sa baryo."

"Nabigla lang kasi ako. Kapareho kasi ng built ni Ashton ang arannik na sumalakay sa amin ni Mang Gimo," seryosong pahayag ni Wangga. "Tapos nagkataon pang alam niya ang nangyari kaya inisip ko na posibleng siya nga ang halimaw sa baryong ito."

"Hindi naman siguro, doktora."

"Pero mabuti na ang nag-iingat."

"Kung sabagay..."

"Ano nga pala ang buong pangalan ni Ashton?" tanong ni Wangga.

"Ashton De Asis, doktora."

ANG BAHAY na tinitirhan ni Ashton ay saradong-sarado. Nasa loob ang binata pero nagkukulong na naman ito sa silid. Hawak nito ang isang picture frame na may larawan ng isang magandang babae. Matiim na tinitigan niya ang babae sa larawan kasunod ang pagpatak ng luha sa kanyang mga mata.

"Hindi ako aalis rito nang hindi kita kasama. Ipinangako ko kay mama na hahanapin kita. Iuuwi kita sa Maynila. Gagawin ko ang lahat para matupad ang pangako ko kay mama." Dahan-dahang inalis ni Ashton ang litrato sa frame. Sa likuran ng larawan ay may nakasulat na pangalan: Dr. Yvette Tresvalles.

"Nagsimula nang lumabas muli ang arannik. Nag-uumpisa nang mambiktima ang halimaw. Sabi ng mga tagarito, bigla ka na lang nawala. Hindi nila nakita ang bangkay mo. Kaya malakas ang kutob ko na buhay ka. Buhay ka pa. Kailangan ko lang malaman kung sino ang arannik at kung saan ito umuuwi. Alam ko, doon ko mahahanap ang mga kasagutan sa mga tanong ko. Pero paano? Ilang beses ko nang inaabangang lumabas ang halimaw pero hindi ako nito sinasalakay. Kusa ko nang ipinapain ang sarili ko, pero hindi lumalapit sa akin ang halimaw. Paano kita makikita? Saan naglulungga ang halimaw na 'yon?"

Tumayo si Ashton at kinuha sa kabinet ang isang mahalagang bagay na kakailanganin niya sa kanyang misyon.

Baril!

Ikinasa niya iyon. Puno ng bala ang baril. Sadyang inihanda niya ito para sa pakikipagtuos niya sa arannik. Gaano man kakapal ang balat ng halimaw na iyon ay siguradong maglalagos sa balat nito ang bala ng baril.

 Gaano man kakapal ang balat ng halimaw na iyon ay siguradong maglalagos sa balat nito ang bala ng baril

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

NANG SUMAPIT ang gabi ay tila isang tahimik na sementeryo ang Baryo San Joaquin. Wala ng ilaw ang paligid. Halos lahat ng residente ay nasa loob na ng kanilang bahay at maagang natulog.

Maging sa burol ng biktima ng arannik na si Lumen ay iilan lang ang tao. Tanging ang pamilya niya ang naglalamay at ilang malapit na kapitbahay.

Napahinto ang lahat nang marinig nila ang nakakikilabot na tunog ng arannik. Senyales iyon na nasa paligid na naman ang halimaw.

Pumasok sa loob ng bahay ang lahat ng naglalamay. Mahirap nang maabutan sila ng arannik sa labas. Baka sila pa ang sunod na maging biktima. Huli na nang makita nilang nasa labas pa rin ang lasing na si Dyunyor.

Kasunod ng tunog ng arannik ay narinig naman ang malakas na pagaspas ng pakpak nito. Ang malakas na tunog ay unti-unting humina, tanda na papalapit na ang arannik.

"Dyunyor, pumasok ka rito!" tili ng isang babae. "Puntahan n'yo siya! Ipasok n'yo siya rito sa loob."

Ngunit walang sino mang naglakas ng loob na puntahan si Dyunyor na sa sobrang kalasingan ay nakasubsob na ang mukha sa mesa.

Nag-panic na ang mga tao sa loob ng bahay. Lahat ay nakatingin lang kay Dyunyor na tila naghihintay sa mangyayari rito. Isang may edad na lalaki ang kumilos para puntahan ang lasing. "Padaanin n'yo ako, ipapasok ko rito si Dyunyor!"

"Mang Zosimo, 'wag na! Malapit na ang arannik!" tili ng isa pa. Ngunit hindi nagpapigil si Mang Zosimo.

Halos hindi na marinig ang pagaspas ng pakpak ng arannik. Malapit na siya.

Malapit na malapit na!

Mabilis na tumakbo ang matandang lalaki papunta kay Dyunyor. Pero bago pa siya tuluyang makalapit ay may tila ipu-ipong biglang dumagit sa kanya at tuluyan siyang tinangay!

Halos hindi nakita ng mga tao kung ano ang tumangay kay Mang Zosimo. Sobrang bilis ng pangyayari. Sobrang bilis ng naging pagkilos ng arannik.

Ilang sandali lang ay nakarinig sila ng nakakikilabot na sigaw. Alam nila, napatay na ng arannik ang sunod nitong biktima!

SI ASHTON ay nasa labas ng kanyang tinitirhan. Kanina pa siya rito mula nang marinig niya ang huni ng arannik. Sadya siyang lumalabas ng bahay kapag naririnig niya ang huni ng halimaw para siya ang dagitin nito. Pero nang marinig niya ang tila kinakatay na sigaw ng isang lalaki, alam ni Ashton na may bago na namang biktima ang arannik. Nanlumo si Ashton. Bigo na naman siyang mapakagat sa pain niya ang halimaw. Isang inosente na naman ang nagbuwis ng buhay. Dumarami ang nagiging biktima ng arannik at hindi pa rin niya nalalaman kung ano ba talaga ang nangyari kay Dr. Yvette Tresvalles!

ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Published By Viva Books) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon