Three

3.4K 168 29
                                    

MAAGANG NAGISING si Wangga kahit hindi naman siya gaanong nakatulog noong nagdaang gabi. Hindi niya maintindihan ang sarili. Parang hindi maganda ang pakiramdam niya sa lugar na ito. Naalala niya tuloy nag sinabi sa kanya ng tricycle driver na naghatid sa kanya sa lugar na iyon. Pinag-iingat siya nito. At bakit? Anong meron sa lugar na ito na dapat niyang pag-ingatan?

Naligo siya at inayos ang sarili. Pagkatapos ay nilinis niya ang loob ng health center. Siniguro niyang nailagay na niya sa mga kabinet ang dala niyang mga gamot. Nang sa tingin niya ay ayos na ang lahat, binuksan niya ang health center. Laking gulat pa niya nang makitang marami nang mga residente ng barangay ang nag-aabang sa muling pagbibigay serbisyo ng health center na iyon sa kanilang lugar.

"Doktora, mabuti at gising ka na pala." Sa karamihan ng tao ay nagsalita si Kapitan Celso. "Pinulong ko na sila kanina at ibinalitang magbubukas nang muli ang health center simula ngayong araw. Kaya heto na sila at mga nagsipila na." Bumaling si kapitan sa mga tao. "Mga kabarangay, ipinakikilala ko sa inyo si Dr. Wangga Marasigan. Siya na ang doktor natin dito sa barangay simula ngayon."

"Magandang umaga, kapitan." Ngumiti siya rito. "Magandang araw po sa inyong lahat," bati niya sa mga residente ng barangay. "Akala ko po maaga na ang gising ko, mas maaga pa pala kayong nagising kaysa sa akin."

"Huwag kang mag-alala, doktora. Maaga pa naman talaga. Alas-siete pa lang. Sanay lang talagang gumising nang maaga ang mga tagarito," paliwanang ni kapitan. "Siyanga pala, ito si Laarni. Siya ang barangay secretary namin dito at inatasan kong tumulong sa'yo rito sa health center. Kung mangangailangan ka pa ng ibang tauhan, sabihin mo lang sa kanya para siya na ang direktang kumausap sa akin."

Napatango si Wangga. "Salamat, kapitan." Napagawi ang tingin ni Wangga sa bahay ni kapitan na halos nasa tapat lang ng health center. Nakita niya ang nanay ni Kapitan Celso. Ito iyong matandang babaeng napagtanungan niya kagabi na medyo masungit sa kanya. Ewan pero bakit parang matatalim ang titig nito sa kanya nang magtama ang kanilag tingin? Galit ba sa kanya ang matandang babae? Pero bakit? Kagabi lang naman niya ito nakilala. Well, hindi pa nga sila nagkakakilala nang pormal. Alam lang niyang ito ang ina ni Kapitan Celso.

"O, paano mga kabarangay? Iyong mga maysakit na gustong magpakonsulta kay doktora, pumila na kayo diyan. Iyong mga walang sakit, makakauwi na kayo sa inyong mga bahay." Nagpasalamat kay Kapitan Celso ang mga residente ng barangay at saka nagsiuwi na ang karamihan. Naiwan sa labas ng health center ang may sampung katao na magpapa-check up kay Wangga.

"Pumasok po tayo sa loob," anyaya ni Wangga sa mga pasyente. "Laarni, halika na rin dito."

Pagkapasok ay pinaupo muna niya ang mga pasyente. "Dito po muna kayo umupo. Tatawagin ko po kayo isa-isa. Kapag tinawag ko na po kayo, pupunta po kayo doon sa silid na iyon." Itinuro pa niya ang gawi kung nasaan ang silid na sinasabi niya.

Bumaling si Wangga kay Laarni. "Ito ang magiging mesa mo. Pakikuha naman ang mga pangalan nila at edad. Gawan mo na rin sila ng file para sa tuwing pupunta sila rito ay makikita natin kung kelan sila huling na-check up at kung ano ang mga ginawa nating pagsusuri sa kanila."

"Opo, doktora." Si Laarni ay nakangiti nang sumagot. Sa tingin ni Wangga ay nasa dalawampu't tatlong taong gulang pa lang ito.

"May index card diyan sa cabinet. Doon mo na lang isulat ang record nila."

Tumango si Laarni habang nakangiti pa rin.

Nagsimula nang suriin ni Wangga ang mga pasyente. Isa-isa na itong pumasok sa silid niya at doon ay inalam niya kung ano ang mga sakit na idinaraing ng mga ito.

Bago mag-tanghali ay natapos nang suriin ni Wangga ang sampung pasyente. Hindi naman malalang sakit ang ikinonsulta ng mga ito. Karamihan ay ubo at sipon lang, samantalang iyong iba ay lagnat at pananakit ng katawan.

Pagkatapos ng huling pasyente ay lumabas na sa silid niya si Wangga at pinuntahan si Laarni. "Kumusta ka diyan?" tanong nito sa barangay secretary na naging assistant niya sa health center.

"Okay naman ako rito, doktora. Nag-e-enjoy ako sa ginagawa ko. Mas mabuti ito kaysa sa trabaho ko bilang barangay secretary na madalas eh nag-i-issue lang naman ako ng mga barangay clearance. At least dito, nakakausap ko ang pasyente, inaalam ko iyong mga ilang detalye nang pinagmulan ng mga nararamdaman nilang sakit at kung anu-ano pa. Tingin ko tuloy, doktora na rin ako," natatawa niyang sabi. "Parang ang sarap maging doktor."

"Ilang taon ka na, Laarni?"

"Twenty-four po." Hindi nawawala ang ngiti sa mga labi nito.

Natawa si Wangga. "Muntik na akong tumama. Akala ko twenty-three ka lang."

"Kaka-twenty-four ko lang po noong nakaraang linggo, doktora."

"Ganoon ba? Naku, sayang. Sana pala napaaga ang pagpunta ko rito para nakatikim ako ng handa mo."

"Nagluto lang naman ako ng pansit. Hayaan mo, doktora ipagluluto na lang kita ng pansit kapag nakapunta ako sa talipapa." Napatingin si Laarni sa wall clock. "Naku, doktora alas dose na pala. Oras na para mananghalian. Puwede po bang umuwi muna ako para makakain? Sumama ka na rin po sa akin, sa bahay ka na lang mananghalian."

"Hindi na. May noodles naman at de lata diyan. Iyon na lang muna ang kakainin ko."

"Sigurado po kayo?" paniniguro ni Laarni.

"Oo," tumatangong sagot ni Wangga. "Umuwi ka na para makabalik ka kaagad."

"Sige po, doktora. Kumain na rin po kayo, ha?"

Nginitian niya ang kausap.

Pagkaalis ni Laarni ay pumasok siya sa lugar na nagsisilbing kusina sa bahaging iyon ng health center. May gas stove roon at mga kagamitang panluto. Nagsalang siya ng tubig at habang hinihintay itong kumulo ay kumuha siya ng isang instant ramen sa cabinet.

Pabalik na siya sa kusina nang muli niyang marinig ang isang pamilyar na tunog na narinig niya kahapon at kagabi. Iyong tunog na nagbibigay sa kanya ng kakaibang kilabot. Napabilis ang paghakbang niya papunta sa kusina. Maya-maya ay nawala rin ang kakaibang tunog na iyon.

Binuksan niya ang instant ramen at nilagyan ng bagong kulong tubig. At saka niya naalalang wala siyang kutsara. Naroon sa bag niya ang ilang pirasong kutsara at tinidor na dala niya.

Pumihit si Wangga para kunin sa silid niya ang kutsara sa silid. Muntik na siyang mapasigaw nang sa pagpihit niya ay halos mabunggo siya sa katawang nasa harapan niya. Nakilala niya ang nanay ni Kapitan. Bakit pumunta sa kanya ang matandang babae?

"Magandang tanghali po. May kailangan po ba kayo?" Hindi maintindihan ni Wangga ang kanyang nararamdaman. Bakit kakaiba ang pakiramdam niya kapag nakikita niya ang ina ni Kapitan Celso.

Nanlaki ang mga mata ni Wangga nang magsalita ang babae. "Huwag kang makikialam sa mga bagay na hindi mo dapat panghimasukan!" Halos pasigaw ang pagsasalita nito at ang boses ay malaki at malalim. Ibang-iba sa boses nito kahapon.

"Ho?" Bahagya siyang napaurong. Muntik pa niyang matabig ang instant ramen.

"Kung ako sa'yo, aalis na ako sa baryong ito. Hindi ka na dapat pang magtagal sa lugar na ito!"

Pagkasabi noon ay parang walang anuman na umalis ang matandang babae. Naiwang nagtataka si Wangga. Pagtatakang may kasamang pangamba.

Ano ang ibig sabihin ng matandang babae na hindi siya dapat pang magtagal sa lugar na ito?

ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Published By Viva Books) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon