Seven

2.4K 142 15
                                    

"HUWAAAG!!!" Puno ng takot ang tinig ni Wangga nang walang anumang punitin ng arannik ang suot niyang pantulog. Patuloy lang siyang nagsisigaw upang humingi ng tulong ngunit walang sino mang nakarinig sa kanyang panaghoy. Ang mukha ng halimaw ay halos dumikit na sa kanyang mukha. Ang laway nito ay tumutulo at pumatak sa kanyang pisngi at leeg. Diring-diri si Wangga sa nangyayari.

"Huwaaaaaggg!!!"

Napabalikwas ng bangon ang doktora. Butil-butil ang pawis niya sa noo at leeg. Pawisang-pawisan siya at hinahabol ang kanyang hininga. Napakasamang panaginip. Hinding-hindi niya gugustuhing magkatotoo ang panaginip niya.

Bumangon siya at uminom ng isang basong tubig. Pabalik na siya sa silid nang marinig niya ang pamilyar na nakakikilabot na tunog na likha ng arannik. Gumagala na naman ang halimaw. Siguradong kasunod ng tunog na 'yon ang malalakas na pagaspas ng malaking pakpak ng halimaw.

Mabilis na pumasok sa kuwarto si Wangga. Siniguro niyang naka-lock ang pinto. Hinintay niyang marinig ang pagaspas ng pakpak at hindi siya nabigo. Ilang segundo rin niyang napakinggan ang pagaspas ng pakpak ng halimaw na dahil sa lakas ay iisipin mong nasa labas lang ito ng health center. Pero sabi nga ni Gimo, kapag malakas ang pagaspas ibig sabihin ay nasa malayo ito.

Sinubukan ni Wangga na matulog muli pero hindi mawala sa isip niya ang masamang panaginip. Paano kung muli niyang mapanaginipan ang arannik? Diyos! Hindi niya pinangarap mamatay sa bangungot.

Tuluyan nang hindi natulog si Wangga. Inubos na lang niya ang oras sa pagbabasa. Nang maliwanag na ang paligid ay lumabas siya ng health center. Nagulat pa siya sa mga taong nagtatakbuhan patungo sa iisang direksyon.

"Anong nangyari?" tanong niya sa isang tumatakbong lalaki.

"Doktora, may pinatay ang arannik! Andoon sa gubat!" Tuloy-tuloy na tumakbo ito pagkatapos sagutin si Wangga.

Hindi malaman ni Wangga kung pupunta rin ba siya sa gubat para makiusyoso. Sa huli ay pinili niyang huwag na lang pumunta. Makikibalita na lang siya kay Laarni mamaya.

Nang magbukas ang barangay hall ay pinatawag ng isang kagawad ang mga residente. Kahit wala si kapitan, kailangan nilang gawan ng aksyon ang nangyaring pagpatay sa kanilang lugar.

Nakilala ni Wangga ang kagawad sa pangalang Dominador Almanzor. Bata pa ito. Siguro'y wala pang trenta ang edad nito.

"Mga kabarangay, alam naman ninyo siguro na pinatay kagabi si Lumen. Nakita ngayong umaga sa gubat ang walang buhay niyang katawan. May malalim na sugat siya sa leeg na tila kagat ng isang hayop na may pangil. Kung naaalala n'yo, nangyari na rin ang ganito noong nakaraang taon. Hindi natin nahuli ang halimaw na pumapatay pero huminto ito at ngayon lang naulit. Kailangang magrondang muli ang mga kalalakihan para maproteksyunan ang mga residente sa lugar na ito. Sang-ayon ba kayo?"

"Oo! Sang-ayon kami!" sabay-sabay ma sigaw ng mga residente.

Nagtaas ng kamay si Wangga. "Kagawad!"

"Doktora..."

"Paano po tayo nakasisiguro na ang pumatay kay Lumen ay siya ring halimaw na pumatay noong nakaraang taon?"

"Ang pinagbasehan lang namin ay ang sugat na tinamo ni Lumen. Katulad iyon ng sugat ng mga naging biktima noong nakaraang taon."

"Pero hindi natin dapat alisin ang posibilidad na puwedeng isang normal na tao lang ang gumawa noon at ginaya lang niya ang istilo ng pagpatay ng halimaw para hindi siya mapagbintangan," argumento ng doktora.

Nagbulungan ang mga residente ng barangay. Tila sang-ayon sila sa ipinupunto ni Wangga.

"Sino naman ang maaaring gumawa ng ganoon kay Lumen at sa anong dahilan?" tanong ni Kagawad Dominador.

"Hindi natin alam. Pero hindi rin natin dapat alisin ang ganoong posibilidad, dahil puwede namang ganoon ang nangyari. May mga pulis na bang dumating para mag-imbestiga?" tanong ni Wangga.

"Wala pa. Pero iniuwi na ng pamilya niya si Lumen. Tanggap na nila ang nangyari at tila hindi na sila interesado pang magpa-imbestiga."

Napatanga si Wangga. "Ganoon na lang?"

"Ire-report pa rin naman namin sa pulisya ang nangyari. Pero hindi naman puwedeng hayaan nating nakakalat sa gubat ang bangkay ni Lumen hanggang hindi pa dumarating ang mga pulis."

Hindi makapaniwala si Wangga sa sinabi ng kagawad. Paano makakapag-imbestiga nang tama kung inalis na ang bangkay sa scene of the crime? Mawawala ang mga ebidensya. Mabubura ang fingerprints ng kriminal. Ganito ba kalayo sa sibilisasyon ang lugar na ito para hindi kaagad makarating ang mga pulis? Paano mapapangalagaan ang kaligtasan ng mga tagarito kung ganito mag-isip ang mga opisyal?

Minabuti ni Wangga na makinig na lang at huwag nang makisali sa diskusyon. Nakakaramdam na siya ng inis. Oo nga at maging siya ay sang-ayon na arannik nga ang pumatay kay Lumen dahil mismong siya ay muntik na ring maging biktima. Pero dapat pa ring magkaroon ng sapat na imbestigasyon. Hindi puwede ang mga opinyon at haka-haka lang. Kung halimaw man ang pumatay kay Lumen, kailangan pa ring mapatunayan iyon para magawan ng tamang aksyon at hindi na maulit.

SIRA ANG buong araw ni Wangga. Ngayon ay parang nagsisisi siya kung bakit dito pa siya na-assign sa baryong ito. Wala pa siyang isang linggo rito pero andami nang nangyari at lahat iyon ay gustong magpabago sa desisyon niyang ituloy ang pagseserbisyo sa lugar na ito. Kung sana pwede siyang mag-backout.

"Doktora..." Hindi namalayan ni Wangga ang paglapit ni Laarni. Hanggang ngayon ay apektado siya sa mga nangyayari sa baryo San Joaquin. "Okay ka lang ba, doktora?"

"Okay lang ako." Pinilit niyang ngumiti. At saka niya naisip na magtanong. "Laarni, naniniwala ka bang arannik ang pumatay kay Lumen?"

Tumango si Laarni. "Oo, doktora. Narinig ko kagabi ang tunog at pagaspas ng pakpak ng arannik. At nakita ko rin ang sugat sa bangkay ni Lumen. Kaparehong-kapareho ng mga sugat ng mga nabiktima ng arannik noong nakaraang taon."

"Pero bakit nasa gubat si Lumen sa oras na iyon? Anong ginagawa niya sa gubat?"

"Ang sabi ng asawa niya, sabay silang natulog kagabi. Kaya maging siya ay nagtataka kung paanong napunta sa gubat si Lumen. Nagising lang siya nang katukin ng mga taong nakakita sa bangkay ni Lumen."

"Naalala ko ang sinabi mo kahapon na nagsimula lang bumalik ang arannik nang dumating ako dito sa baryo n'yo. May kaugnayan nga kaya ang pagdating ko sa muling pagpatay ng arannik?"

"Hindi ko alam, doktora."

"Pero ano ang arannik? Tao ba siya na nagpapalit lang ng anyo? O ipinanganak ba siyang ganoon na ang itsura?"

Sunod-sunod na napailing si Laarni. "Ewan ko po, doktora."

"Paano nalaman ng mga tagarito ang tungkol sa arannik? May nakakita na ba sa itsura ng arannik?"

"Meron, doktora. Si Dra. Yvette. Nakita niya ang arannik at sa kanya rin nanggaling ang tawag na arannik, kaya mula noon ay arannik na ang tawag namin sa halimaw na 'yun."

Biglang naalala ni Wangga ang lalaking naka-engkuwentro niya kahapon. "Kilala mo ba ang lahat ng nakatira dito sa baryo?"

Tumango si Laarni. "Oo, doktora. Bakit?"

"Kilala mo ba 'yong lalaking nakatira sa may crossing bago dumating sa talipapa? Doon sa may kanto na daanan papuntang gubat."

"Anong itsura niya, doktora?"

"Matangkad, moreno, malamlam ang mata, maganda ang katawan, guwapo pero sobrang tahimik at parang suplado." Nagulat pa si Wangga na tila nakabisado niya kaagad ang itsura ng lalaki.

"Si Ashton? Si Ashton lang ang kilala kong lalaking tagarito na ganyan ang itsura."

"Sino si Ashton?"

ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Published By Viva Books) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon