HUMAHAGOK NA tila nagwawalang baboy-ramo ang nependiso nang maubos nito ang lamang-loob ni Caloy. Binalikan nito ang katawan ni Renante at muling nilantakan ang natitirang lamang-loob ng lalaki. Nang magsawa ay mabilis itong tumakbo sa loob ng gubat at ilang saglit lang ay wala na ito.
Mabilis na narating ng halimaw ang luma at malaking bahay na minsang nang nakita ni Ashton na pinuntahan ni Kagawad Dominador. Umikot sa bandang likuran ng bahay ang halimaw at pumasok ito sa isang parang madilim na pasilyo. Agad na nilamon ng kadiliman ang nependiso.
"LAARNI..." Pinuntahan ni Wangga sa reception area ang kanyang assistant.
"Bakit po, doktora?"
"May balita na ba kay Kapitan Celso?" Nakabalik na ba 'yong taong pinapunta sa kabisera para tawagan ang organizer ng seminar na pinuntahan ni kapitan?"
"Wala pa, doktora. Hindi pa dumadating si Roger. Mamayang hapon pa siguro makakabalik 'yon dito," may katiyakan ang sagot ni Laarni. Sa layo ba naman ng baryo nila sa kabisera, imposibleng makabalik agad ang taong inutusang magpunta roon.
"Sige, sabihan mo na lang ako kaagad kapag may balita na."
Tumango ang babae kay Wangga. "Opo, doktora."
Babalik na sana si Wangga sa kuwarto niya nang makita niya si Ka Nelia na nasa labas ng bahay nito. Bahagya siyang nagtago para hindi siya makita ng matanda pero siniguro naman niyang natatanaw pa rin niya ito. Maya-maya ay nakita naman niya si Kagawad Dominador na paparating at lumapit sa ina ni Kapitan Celso. Nang makalapit ang lalaki ay nag-usap sila ni Ka Nelia pero kung titingnan ay parang hindi kaswal na pag-uusap lang ang nangyayari. Tila ba nagtatalo si kagawad at ang matandang babae.
Hindi naman nagtagal ang pagtatalo ng dalawa. Agad ding iniwan ni Kagawad Dominador ang kausap at tuloy-tuloy na naglakad papuntang barangay hall.
Pero nakita ni Wangga ang isang umiiyak na babae na tumatakbo at hinahabol nito si Kagawad Dominador.
"Kagawad, si Renante at ang asawa kong si Caloy, natagpuang patay sa gubat!" Dinig na dinig ni Wangga ang paghihisterya ng babae. Napatayo pa nga si Laarni mula sa kinauupuan nito dahil malinaw rin nitong narinig ang hindi kagandahang balita. May bagong biktima na naman ang halimaw. At sa pagkakarinig nila, hindi lang isa kundi dalawa ang naging biktima nito.
Nagsidungawan sa bintana ang iba pang nakarinig sa masamang balita. Ang ilan ay lumabas pa nga ng kanilang bahay.
Nakita nilang bumalik sa barangay hall si kagawad at nang lumabas muli ay kasama na nito ang ilang tanod ng baryo. Sumama ang mga ito sa lugar na sinasabi ng babae kung saan nakita ang mga bagong biktima ng halimaw.
"Sino siya Laarni?"
"Doktora, si Anita 'yan. Asawa ni Caloy na karpintero dito sa baryo."
"Hindi na mapigilan ang halimaw. Dumadami na ang napapatay nito. Paano natin mapipigilan ang halimaw na 'yan eh, hindi nga natin malaman kung saan tayo mag-uumpisa? Pati oras ng pagsalakay niya, paiba-iba. Mahihirapan talaga tayong hulihin o patayin ang halimaw na nependiso. Idagdag pa natin ang arannik. Hindi natin alam kung kelan muling mambibiktima ang arannik."
"Sabado na bukas, doktora. Bukas natin pupuntahan 'yong bahay na sinasabi ni Ashton, 'di ba? Ano kaya ang meron doon?"
"Malalaman natin... bukas!"
NAUNA NANG makarating sa gubat ang ilang residente na nagnanais makiusyoso sa bagong biktima ng halimaw. Naroon din si Ashton at sobrang ikinagulat niya ang paraan ng pagkamatay ni Renante na napugot pa ang ulo. Habang tumatagal, mas nagiging brutal ang paraan ng pagpatay ng nependiso. Ganito rin ba sana ang mangyayari sa kanya kung hindi niya naligtasan ang pagsalakay sa kanya ng halimaw?
Pagdating nina Kagawad Dominador ay pinauwi na niya ang mga residenteng naroon. Pagkatapos ay inutusan niya ang mga tanod na ibalot ang mga bangkay at dalhin sa bahay ng pamilya ng mga ito.
Iyak nang iyak si Anita. Hindi niya akalain na ang pagsama ni Caloy sa pinsang si Renante para mangahoy sa gubat ay magiging dahilan para maging isa ito sa mga biktima ng halimaw na pumapatay sa mga taga-baryo. Sana ay hindi na lang niya pinayagang sumama sa gubat ang asawa niya.
"Nandito ka rin pala, Ashton." Nagulat pa siya nang marinig ang boses ni kagawad sa likuran niya. Hindi niya inasahan na maaabutan siya nito sa paglalakad pabalik sa baryo.
"Kagawad, ikaw pala! Nakita ko kasi ang ibang residente na papunta rito. May bagong biktima raw kasi ang halimaw kaya napasugod na rin ako," kaswal niyang tugon.
"Nakita mo naman siguro na inumpisahan na ng mga tanod ko ang pagroronda. Pero sa tingin ko, hindi iyon magiging epektibo dahil wala nang pinipiling oras ang halimaw. Dati, sa gabi lang ito sumasalakay. Ngayon, kahit tanghaling tapat umaatake na rin at naghahanap ng mabibiktima."
"Sinabi ko na sa'yo, kagawad. Hindi arannik ang may gawa nito. Sa istilo pa lang ng pagpatay, ibang-iba na. Hindi kumakain ng lamang-loob ang arannik. Dugo lang ang kinukuha ng arannik sa mga biktima nito. Ibang klaseng halimaw ang pumapatay ngayon. Iyong halimaw na sumalakay sa akin, iyon ang pumatay kay Mang Gimo at sa dalawang lalaking iyon. At naipakita ko na sa'yo ang litrato ng halimaw, kagawad. Kaya dapat na tayong gumawa ng iba pang aksyon kung sa tingin mo ay hindi epektibo ang pagroronda."
Hindi sumagot ang kagawad ng baryo. Napako ang tingin nito sa matandang babaeng mabilis na naglalakad patungo sa kanila. Si Ka Nelia.
"Gusto kitang makausap, kagawad!" agad na sabi ng matandang babae nang makalapit sa kanila.
"Ka Nelia, dapat hinintay mo na lang ako sa barangay hall. Babalik pa naman ako roon." Tumingin si kagawad kay Ashton. "Mauna ka na, Ashton. Kakausapin daw ako ni Ka Nelia."
"Sige, kagawad... Ka Nelia, mauuna na po ako." Hindi sumagot ang matandang babae. Lumakad na siya at iniwan ang dalawa. Pero nasa isip niya ang tanong kung ano ang importanteng bagay na pag-uusapan ng mga ito at hindi na makapaghintay si Ka Nelia na makabalik sa barangay hall si kagawad.
"Ano ang kailangan mo sa akin, Ka Nelia? Nag-usap na tayo kanina, hindi ba?" Sa tono ng boses ni kagawad ay mababakas ang hindi maitagong inis.
"Bumalik na si Roger galing sa kabisera. Nakumpirma na niyang umuwi na kahapon ang anak ko. Bakit hindi siya nakarating sa bahay namin? Sagutin mo ang tanong ko!" Nanlilisik ang mga mata ng ina ni Kapitan Celso.
"Ano naman ang kinalaman ko sa hindi pag-uwi ni Kapitan Celso? Malay mo kung may dinaanan pa siya sa Maynila. O baka may inasikasong ibang bagay," sagot ni kagawad habang nakatitig sa mata ng kausap.
"Alam mo kung ano ang pinupunto ko, Dominador. Huwag kang magmaang-maangan! Kilala kita!"
"Hindi ko alam ang sinasabi mo, Ka Nelia."
"Alam mo, Dominador!" Dumagundong ang boses ng matandang babae. "Sumusunod ako sa usapan. Matagal na panahon na akong nananahimik. Pero oras na madamay ang anak ko, ibang usapan na 'yan."
BINABASA MO ANG
ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Published By Viva Books)
Misterio / SuspensoIn one remote and sleepy locality, Dr. Marasigan was assigned to practice her profession. Never did she know that terror strikes during the night caused by unknown wild creatures preying on human blood and flesh. Rank 14 in Katatakutan - A...