Fifteen

2.3K 133 31
                                    

"IKAW PALA, Kagawad... Pasok ka," Si Wangga ang unang nakabawi sa pagkakagulat.

"Bakit parang nagulat kayo sa pagdating ko?" Hindi nawawala ang ngisi nito. "Ano ba ang seryosong pinag-uusapan ninyo?"

"Wala naman, kagawad. Binibilinan ko lang si Laarni ng mga gagawin namin bukas. Magpapatulong kami kay Ashton," palusot ni Wangga.

"Gagawin? Ano ba 'yon?"

Naghagilap ng isasagot si Wangga. "Ah, kasi kagawad kailangan ko sana ng isang kabinet pa para paglagyan ng iba kong gamit. Kaya naisipan kong gagawa kami bukas pagkatapos ng check up ng mga pasyente. Kinausap ko na si Ashton para magpatulong."

"Hmm..." Tumango-tango si kagawad. "Sige, pupunta na ako sa barangay hall. Kung may kailangan kayo, puntahan n'yo lang ako roon."

"Salamat, kagawad." Binigyan ito ni Wangga ng matipid na ngiti.

"Sige, Laarni... Ashton, aalis na ako." Tumalikod na si kagawad para umalis.

"Kagawad..."

Napahinto ito at nilingon si Wangga. "Bakit, doktora?"

"Nasaan na 'yong bangkay ng lalaking natagpuan sa gubat?"

Ngumisi ang kausap ng doktora. "Ipinalibing ko na," diretsahang sagot nito.

Nanlaki ang mga mata ni Wangga. Maging sina Ashton at Laarni ay nagulat rin sa sinabi ng kagawad.

"Bakit n'yo ipinalibing? Hindi ba dapat i-turn over iyon sa mga pulis for investigation tapos i-deposit sa funeral parlor para ma-preserve ang bangkay hanggang hindi pa kinukuha ng mga kaanak nito?"

"Hindi na kailangan." Halos magsalubong ang mga kilay ng kagawad. "Ipapa-report ko na lang sa pulisya ang nangyari. Ngayon, kung may mag-claim ng bangkay, eh 'di ipapahukay ko na lang. Problema ba 'yon?"

Gustong mapailing ni Wangga sa katwiran ni kagawad. Anong klaseng opisyal ng barangay ba itong kausap niya? Hindi niya talaga maintindihan ang inuugali nito sa pagdedesisyon tungkol sa mga naging biktima ng halimaw.

"Kung wala na kayong itatanong, aalis na ako."

Napabuga ng hangin si Wangga nang makaalis na ang kagawad. "Napakaimposible ng taong 'yan," napipikon na deklara niya. "Hindi niya dapat ginawa iyon."

"Oo, doktora, mali 'yong ginawa niya. Hindi niya dapat basta-basta ipinalibing si Dr. Roxas," sang-ayon ni Laarni.

"Pupunta ako sa bayan bukas. Ire-report ko sa pulisya ang pagkamatay ni Dr. Roxas," sabi ni Ashton. "Hindi ako naniniwalang ipapa-report iyon ni kagawad. Malakas talaga ang kutob ko na may itinatago ang kagawad na iyan. Ewan ko, pero parang may alam siya sa mga nangyayaring pagpatay ng halimaw. Hindi ko sinasabing siya ang halimaw pero posibleng siya nga. At tutuklasin natin 'yan para matahimik na ang baryong ito." Bumaling ang tingin niya kay Laarni. "Tatanungin ka namin ulit, Laarni... Handa ka bang tulungan kaming tuklasin amg misteryong dala ng arannik?"

Napatingin na rin si Wangga sa barangay secretary. "Laarni, kikilos tayo nang tahimik. Hindi natin ipapaalam sa iba na gumagawa tayo ng sarili nating imbestigasyon. Mag-iingat tayo..."

"Hinihintay namin ang sagot mo..." Hindi inaalis ni Ashton ang tingin sa kausap.

"P-pumapayag na ako, Ashton... doktora."

Hindi maipaliwanag ang sayang nadama ni Wangga. "Maraming salamat, Laarni. Huwag kang matakot. Walang masamang mangyayari sa atin."

"Sana nga, doktora. Huwag sana tayong mabiktima ng halimaw..."

Napatingin si Wangga sa labas at nahagip ng mata niya ang ina ni Kapitan Celso na nakatayo sa labas ng kanilang bahay. Nagtama ang kanilang mga tingin kaya nginitian niya ang matandang babae. Ngunit isang matalim na titig ang ipinukol nito sa kanya.

ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Published By Viva Books) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon