ISANG BALA ang naglagos sa hita ng halimaw. Nabaling ang pansin nito kay Wangga. Pero imbes na sugurin ang doktorang bumaril sa kanya ay mabilis itong tumakbo papalayo. Naiwan si Ka Nelia na nanginginig sa takot.
Agad na nilapitan ni Wangga sina Ashton at Laarni.
"Laarni, puntahan mo si Ka Nelia. Gagamutin ko lang muna ang sugat ni Ashton. Kailangang huminto ang pagdurugo ng sugat niya sa ulo."
"Okay po, doktora."
"Ashton, umupo ka rito sa nakatumbang puno para magamot ko ang sugat mo." Kinuha niya sa loob ng bag ang bulak at betadine solution. Nilinisan niya ang sugat at nang matapos ay nilagyan niya ito ng gasa para maampat ang pagdurugo.
Si Laarni naman ay kasalukuyang pinapayapa ang takot na takot na si Ka Nelia. Hanggang ngayon ay halos hindi makapaniwala ang matandang babae na muntik na siyang lapain ng nependiso.
"Ka Nelia, huwag na kayong matakot. Umalis na ang halimaw. Hindi niya tayo mapapatay dahil may mga armas kaming dala para ipanglaban sa kanya." Pilit pinapakalma ni Laarni ang matanda. "Pero bakit po ba talaga kayo nandito?"
"Oo nga, Ka Nelia. Mas makabubuti kung sasabihin n'yo na sa amin kung anong ginagawa mo rito," sabi ni Wangga na lumapit na rin sa dalawa pagkatapos gamutin ang sugat ni Ashton.
"At sabihin n'yo na rin kung bakit pinigilan mo ako noong babarilin ko ang halimaw." Si Ashton man ay nagtanong na rin. "Kilala mo ang halimaw, hindi ba?"
Sukol na sukol na si Ka Nelia. Paano pa ba siya makatatanggi? Wala nang ibang puwedeng gawin kundi aminin kung ano ang kanyang nalalaman.
"Naghihintay po kami sa sasabihin mo, Ka Nelia." magalang sa sabi ni Wangga. "Makipagtulungan ka na sa amin para sa ikatatahimik ng baryo San Joaquin."
"Laarni, naaalala mo ba 'yong panahong nawala ako sa baryo?" tanong ni Ka Nelia.
"Opo. Hindi po ba namundok kayo at sumama sa mga rebelde?" sagot niya pero nabahiran na ng pagtataka ang kanyang mukha. Anong kaugnayan ng pagsali ni Ka Nelia sa mga taong-labas sa pagkakaroon ng halimaw sa Baryo San Joaquin?
"Hindi ako umanib sa mga rebelde o sa kahit na ano pa mang samahang kumokontra sa gobyerno."
"Eh, saan kayo pumunta noong panahong wala kayo sa baryo?" Kita sa mukha ni Laarni ang kuryosidad.
"Dinukot ako ni Dominador. Dinukot niya ako para gawing katulong sa bahay ng kapatid niya. At nandito ako dahil malakas ang kutob kong dinukot din niya si Celso kaya hindi na nakauwi ang anak ko."
Nanlaki ang mga mata ng tatlong kaharap ni Ka Nelia.
"Si Dominador din ang dumukot kay Dr. Roxas at Dr. Luarca," pagpapatuloy ni Ka Nelia. "Pero si Dra. Yvette, ang arannik ang kumuha sa kanya."
"Sinasabi ko na nga ba at may itinatago ang kagawad na 'yan. Kaya ayaw niyang i-report sa pulisya ang mga nangyayaring pagpatay sa baryo," deklara ni Wangga. "At ako pa talaga ang pinagbibintangan niyang halimaw ganoong siya pala ang nakakaalam ng misteryo ng mga nawawalang doktor sa baryo. Kunwari pa siyang humingi ng tawad sa akin, palabas lang pala niya iyon."
"Alam n'yo kung nasaan si Yvette?" agad na naitanong ni Ashton. "Nasaan siya? Anong nangyari sa kapatid ko?"
Sina Laarni at Ka Nelia naman ang nagulat. "Kapatid mo si Dra. Yvette?" tanong ng ina ni Kapitan Celso.
Tumango si Ashton. "At nagpunta ako sa Baryo San Joaquin para hanapin siya. Hinding-hindi ako babalik hanggang hindi ko nakikita ang kapatid ko. Ngayon Ka Nelia, sabihin mo sa akin kung nasaan si Yvette."
Parang muling napipi ang matandang babae.
"Ka Nelia, sabihin n'yo na. Hindi n'yo kailangang pagtakpan kung sino man ang may kagagawan ng mga kaguluhan sa baryo." Si Wangga ay hindi na rin mapakali. Ngayong lumilinaw na ang mga pangyayari, kailangang sabihin ni Ka Nelia ang lahat ng nalalaman nito.
"Nandoon siya sa bahay ni Regidor," maya-maya ay sabi nito.
"Regidor? Iyong kapatid ni kagawad? Hindi po ba matagal nang naninirahan sa Amerika 'yon?" gulat na tanong ni Laarni. Mula noong mamatay ang asawa niya, hindi na siya bumalik dito."
Umiling si Ka Nelia. "Nandito siya, matagal na. Bumalik siya para ipaghiganti ang pagkamatay ng asawa niya."
Tila lalong naguluhan si Laarni. "Paanong...? Bakit?"
"Anong ginawa ng Regidor na 'yon sa kapatid ko?"
"Ka Nelia, parang magulo eh. Ano ang kaugnayan ni Regidor sa mga halimaw na pumapatay. Iyong arannik. Tapos, 'yong nependiso. Saan sila galing?" Humihingi ng eksplanasyon si Wangga. "At bakit dinudukot ni kagawad ang mga doktor?
"Teka, mas naguguluhan ako sa inyo." Bumaling si Ka Nelia kay Ashton. "Buhay pa ang kapatid mo, Ashton. Pero nagustuhan siya ni Regidor. Noong umalis ako sa bahay ni Regidor, tulala si Dra. Yvette. Marahil ay hindi nakayanan ng isip niya ang mga nangyari."
Nanlumo si Ashton sa narinig. Pero napagdugtong-dugtong na ng isip niya na si Yvette ay dinukot ng arranik at nakatira na ngayon sa bahay ni Regidor. Kung ganoon, may kaugnayan sa halimaw si kagawad at ang kapatid nitong si Regidor.
"Doktora, wala na ang arannik? Patay na siya."
Nagulat si Wangga at Laarni. Kelan pa namatay ang arannik?
"Paanong nangyaring namatay ang arannik?" tanong ni Laarni.
"Natatandaan n'yo ba 'yong huling biktima ng arannik bago nagsimulang sumalakay ang nependiso? Hindi pinatay ng arannik ang isang iyon. Imposibleng arannik ang pumatay sa kanya dahil sigurado akong siya ang arannik," puno ng kumpiyansang sabi ng matandang babae.
"Si Dr. Ernesto Roxas? Siya ang arannik?" Hindi makapaniwala si Laarni. Napatingin pa nga siya kay Wangga.
"Bakit siya?" naguguluhang tanong ni Wangga. Maging si Ashton ay namamangha sa pinatutunguhan ng mga sinasabi ni Ka Nelia.
"Saka ko na ipaliliwanag sa inyo. Kailangan na nating umalis kaagad ito. Baka bumalik ang halimaw. Nanganganib tayo rito."
"Hindi ako aalis dito!" matigas na sabi ni Ashton. Haharapin ko ang halimaw na 'yan. Kung kinakailangang patayin ko siya para mabawi ko kay Regidor si Yvette, gagawin ko. Walang sinumang puwedeng humadlang sa akin. Babawiin ko ang kapatid ko sa anumang paraan." Biglang may naalala siya. "Ang baril ko, nabitawan ko 'yon kanina. Kailangang makita ko ang baril ko." Tumakbo ito sa lugar kung saan niya nabitawan ang baril at hinanap iyon sa paligid. Ilang saglit lang ay muling sumigaw si Ashton. "Eto, nakita ko na!"
"Iyong baril ko rin!" bulalas ni Laarni. Nabitawan ko kanina nang gumulong kami ni doktora paibaba. Teka lang, hahanapin ko."
Bumalik si Ashton kina Wangga at Ka Nelia. Muli ay tinanong niya ang matandang babae, "Hindi n'yo pa sinasagot ang tanong ko kanina, Ka Nelia. Bakit ayaw n'yong barilin ko ang nependiso? Malakas ang kutob kong kilala mo siya kung paanong kilala mo rin ang arannik."
"Sino ang nependiso, Ka Nelia?" pagsabad ni Wangga.
"Ayokong barilin mo ang nependiso dahil hindi siya masama. Biktima lang din siya, Ashton."
"Sino siya, Ka Nelia?"
BINABASA MO ANG
ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Published By Viva Books)
Mystery / ThrillerIn one remote and sleepy locality, Dr. Marasigan was assigned to practice her profession. Never did she know that terror strikes during the night caused by unknown wild creatures preying on human blood and flesh. Rank 14 in Katatakutan - A...