Nakita ko ang sarili sa loob ng kwarto. Nakatulala sa mga poster ni Eugene at Alfred ng Ghost Fighter na nakasabit sa pinto. Sa gilid nito ay ang tukador kung saan nakapatong ang mga teks, pog at bola ng tennis.
Naging tahimik ang byahe sa bus... Ang buong byahe ay tila ba napakalamig at nakakabinging katahimikan. Ang mga titig nila inay at itay ay nakakatunaw. Hindi ko alam kung meron ba akong nagawang masama, pero ganun yung tingin nila sa akin nung tinamaan ko ng tirador yung kapatid kong bunso.
Diretso sa kwarto sila inay at itay, mula sa manipis na dingding ng kwarto ay dinig ko ang kanilang usapan.
Anong gagawin natin?
Wala, wala tayong gagawin. Bata iyan. Sadyang malikot lang ang isip niyan. Ngayon ka lang ba nakarinig ng bata na may imaginary friend?
Imaginary? Yun ba ang tawag mo dun? Paano niya nalaman na may punong mangga doon. Bata pa ako nung huling nandun yun. Sinunog at tinumba ang puno na yun. Kung alam mo lang ang istorya nun, malalaman mo kung bakit ako nagkakaganito.
Hindi ko alam, at ayaw ko nang alamin. Pero hindi tayo makakasigurado sa mga kwento lang. So anong gusto mong gawin natin?
Kelangan natin siya ipatingin....
Hindi ko na mabilang kung ilang albularyo ang napuntahan namin, kung ilang mangtatawas ang napagdaanan ko.... Bawat isa may kanya kanyang bersyon, bawat isa ay may iba ibang paraan ng pagtingin sa akin. May matandang lalaki na may mga dahon ng bayabas, madami narin siguro akong nalanghap na usok ng insenso, iba iba din ang basa sa tinunaw na tawas na ibinuhos sa tubig, may korteng dwende, kapre, zegben, tikbalang at kung ano ano pang maligno.
Wala akong maintindihan sa mga nangyayari. Siguro akala nila baliw ako, pero sigurado ako kay Maria. Alam kong totoo siya, alam kong hindi siya imaginary gaya ng sinasabi ng iba....
Napagod din yata sa pagpunta sa albularyo ang mga magulang ko, akala ko tapos na ang lahat, pero hindi pala. Ngayon naman kung ano-anong aparato ang kinakabit sakin sa ospital. Hindi ko talaga magets. Ang daming kumakausap sakin, may nagpapadrawing, may pinapatulog ako sa sofa at pinapakwento habang nakapikit.
Iisa lang naman ang sinasabi ko, yung totoo. Kung sino si Maria, kung ano ang mga nangyari. Napagod nadin ako, sa tagal at haba ng mga nangyayari. Pagod na akong magpatawas, pagod na ako sa ospital. Wala namang iba sakin, wala naman akong sakit. Hindi ko alam kung anong meron sa punong manggang iyon, pero ayaw ko na. Nakakapagod na.
Nagsawa at nababadtrip na ako. Para bang isang malupit na 360 degrees ang kelangan kong pagdaanan. Sa huli ako mismo ang sumuko. Ayaw ko na. Kinalimutan ko si Maria, kinalimutan ko ang puno ng mangga. Wala na akong pinagkwentuhan, pilit kong ibinalik sa dati ang buhay ko, walang maria, walang punong mangga. Pinilit kong kalimutan ang lahat, para matapos na. Wala nang albularyo... Wala nang ospital...
Sa loob ng ilang buwan na yun, wala nang narinig mula sa akin tungkol sa mga pagtatagpo namin ni Maria. Kinimkim ko nalang, kahit sa loob ko alam kong walang problema sakin... Kinalimutan ko si Maria. Di nagtagal. Kahit ang sarili kong alaala ay pinagtaksilan ako. Nakalimutan ko nadin ang lahat. Siguro ganun naman kapag bata ka. Lahat lumilipas... Nawawala... Marahil ang mga magulang ko ay nakahinga din ng maluwag, habang pakonti ng pakonti ang mga naaalala ko at kwento ko tungkol kay Maria. Pakonti din ng pakonti ang mga session sa mangtatawas at ospital. Hanggang sa lahat ay nawala na. Lahat ay nakalimot na. Maski ako... Wala na akong maalala. Sa mga tagpo sa ilalim ng punong mangga. Itinago ko ang batong ibinigay niya... na may nakasulat na pangalan niya. Kinalumutan ko siya.
Yun ang akala ko...
Linggo ng umaga, 12 anyos ako noon. Sa loob ng simbahan ng Antipolo. Kung saan dumalo kaming mag-anak sa kasal ng pinsan ni Itay.
Nagkita kami ulit ni Maria.
Nasa gitna siya ng entablado ng simbahan. Sa likod ng pari... Sigurado ako... Siya yun... Ang kanyang mukha... Ang kanyang damit.... Si Maria.
Bumalik sakin ang mga alaalang nakalimutan ko na. Si Maria.... Si Maria... Paanong nangyari ito?
Nakatulala ako kay Maria. Nasa likod siya ng pari. Sa may bandang kanan ng pulpito. Sa ibaba ng imahe ng malaking Hesu Kristo.
Si Maria. Sigurado ako siya si Maria. Ang babaeng nakita ko sa ilalim ng puno ng mangga. Hindi ako makapaniwala. Si Maria. Ang malaking estatwa s gitna ng simbahan.. Ang Ina ni Hesus.
BINABASA MO ANG
PUWAN (Mini Novel)
ParanormalAnong gagawin mo kapag isang araw nanunood ka ng sine, nakatulog ka at pag-gising mo wala na ang lahat ng tao. Ikaw nalang mag-isa. End of the World na ba? Kinuha na ng mga aliens ang lahat ng tao? O nasa malaking production ka lang at ginogoyo ka n...