“Isara niyo agad ang pinto!”, isang malakas na sigaw mula sa isang lalake ang aking narinig matapos pumasok sa maliit na bakal na pinto sa gilid nang malaking gate.
“Yung mga ilaw”, isang lalake naman na may malalim na boses ang nag-utos, na siya namang sinundan ng pagpatay ng mga ilaw na kaninang sumilaw sa amin sa labas.
Humigit kumulang isang dosenang lalaki, ang sumalubong sa amin. Matatangkad at malalaki. Madilim na ang paligid paro maaaninag mo parin ang kanilang mga tindig na animo’y kayang kaya ka patumbahin kahit anong oras.Dalawang lalaki ang agad na umalalay sa nanghihina at lupaypay na si Christina. Mabilis nila itong binuhat at naglakad palayo sa gate. Bago pa man ako makasunod, kasama ang dalawang bata sa aking tabi, ay hinarangan na kami. Lumagabog ang maliit na gate sa aming likuran. Napalingo ako sa likuran para tanawin ang nagsarang pinto, bago pa man ako makahap muli ay narinig ko na ang sunod-sunod na pagkasa ng baril, at sa muli kong pagharap ay nakapalibot na sa akin ang mga dulo ng armalite hawak ng mga lalaki. Napataas nalang ang aking kamay sa takot, habang nakatutok ang mga baril sa aking mukha, naramdaman ko ang dalawang bata sa aking tabi na mahigpit na kumapit.
“Teka, kasama kami nung babae,” pagmamakaawa ko sa kanila para ilayo ang mga nakatutok na baril. Pero walang kumikilos sa kanila, lahat ay matalim ang tingin at tipong di matitinag.
“At Ease Men!”, isang malakas at malalim na boses ang umalingawngaw sa tensyonadong oras na iyon. Bumuka ang kaninang nakakumpol na mga lalaki sa amin at nagbigay puwang, pero nakatutok parin ang mga baril sa akin at sa dalawang bata.
Mula sa bumukang espasyo ay isang malaki, matikas at matangkad na lalaki ang lumapit at humawi sa umpok. Sa kanyang paglapit ay isa isa ring pagbaba ng mga baril na nakatutok sa amin. Pero hindi lahat. Ang dalawang lalaki na may hawak nab aril na pinakamalapit sa amin, at nakataas parin at nakatutok sa amin ang mga hawak na armalite.
Maya maya pa ay nasa harap ko na ang lalaki na humawi sa kanila na galing sa likuran. Tumitig siya sa akin. Tinignan ako mula ulo hanggang paa. Napansin niya ang dalawang bata na nakakapit sa aking mga hita. Tumitig siya muli sa aking mga mata.
Isang makisig na lalaki ang nasa aking harapan, matipuno at matikas ang tindig. Kagaya ng mga nakapalibot sa akin, crew cut ang kanyang gupit, mga 6 footer siguro ito sa tangkad. Wala man akong panukat ang taas ng pagtingala ko sa kanya ay sapat na para malaman kong matangkad siya, at di ako uubra kahit tumakbo ako palabras ng gate dahil sa haba ng mga hita niya malamang sa tatlong hakbang ko ay isang hakbang lang niya. Saka sarado na nga pala yung gate sa aking likuran. Anak ng Tinapa! Saka nga pala may kasama akong mga bata, hindi ko sila pwedeng iwan. Tumingkayad ako para kahit paaano ay masilip ko ang likuran nila, pilit hinahanap kung nasaan si Christina na nawala sa aming paningin nang akayin siya ng mga lalaki palayo sa amin.
Bumalik ang tingin ko sa lalaking dambuhala sa aking harapan, mula sa malamlam na ilaw mula sa mga flashlight na nakatutok sakin, naaninag ko ang poker face niyang mukha. Medyo madami na siyang guhit sa noo, kulay abo na ang ilang buhok at may pilat siya sa mukha mula sa leeg hanggang sa pisngi na umaabot sa kanyang sentido. Tatlong mahahabang pekas na para bang may nag-amok na driver ng back hoe at napagtripan siya.
Mula sa kung saan ay bumunot siya sa likod, na sa aking pagkagulat ay napaatras ako, mabilis ang pangyayari. Sa mga sandaling iyon, hindi ako sigurado kung baril o kutsilyo ang kanyang binunot. Anak ng tinapa! Katapusan ko na ata. Pero bakit, bakit sa ganito pa. Ang dami ko nang pinagdaanan para umabot sa puntong ito. Kanina pa ako nakikipaghabulan sa kawalan, natutukan ng shotgun, natutukan ng baril at pamalo, hinabol ng mga hindi ko alam kung anong mga nilalang. Kanina pa ako naghahanap ng tao, pero ngayong nakakita ako ng madami eh ganito pa.
BINABASA MO ANG
PUWAN (Mini Novel)
ParanormalAnong gagawin mo kapag isang araw nanunood ka ng sine, nakatulog ka at pag-gising mo wala na ang lahat ng tao. Ikaw nalang mag-isa. End of the World na ba? Kinuha na ng mga aliens ang lahat ng tao? O nasa malaking production ka lang at ginogoyo ka n...