Sabi nila kapag malapit nang dumating yung oras na malapit ka nang makipag-batian ng goodbye mother earth at makipag-apir kay kamatayan, dito mo mararanasan yung parang instant flashback sa mga bagay na nangyari sa buhay mo. Yung mga bagay na masasaya at malulungkot, yung mga tagpo at mga taong mahahalaga at importante sa iyo. Kahapon gumising ako sa loob ng sinehan, sa aking paglabas wala na ang mga tao. Nabuhayan ako ng loob nang makausap ko si Brando. Pero ito ako ngayon nasa loob ng maliit at madilim na tattoo shop sa loob ng megamall. Mag-isa, takot at wala pading alam.
Sa loob ng tattoo shop , unti-unting nagiging malinaw ang lahat, hindi lahat actually pero at least yung kalagayan ko, malinaw kahit papaano. Unti-unting nagsi-sink-in ang mga tagpo, pero wala pading kasing labo ang haharapin ko ngayon, mamaya, bukas at sa susunod pang mga araw, buwan o kung mamalasin taon.
Nakakabingi ang katahimikan sa loob ng kinalalagyan ko, kahit pinatay ko na ang aircon sa loob ng shop, malamig padin. Nakakakilabot ang katahimikan at ang lamig. Nanunuot sa aking mga buto at kaluluwa. Mahigpit ang pagkakahawak ko sa baseballbat na naharbat sa sportshop, abot kamay sa gilid ang screw driver. Handa sa anumang maaring mangyari.
Sa aking pagiisa sinusubukan kong magpakatatag at intindihin ang mga nangyayari, kahit sa loob ko blanko. Pinipilit kong unawain kahit sa utak ko alam kong walang patutunguhan. Walang tagumpay. Takot at pangamba ay bumabalot na parang sapot ng gagamba sa kawawang gamugamo na nagkamaling dumikit. OO ako yung gamo-gamo yung sapot ang kinalalagyan ko ngayon, at yung gagamba yung kahaharapin ko. Sa sulok na yun bumabalik ang mga alaala, nang kahapon bago pa ako masadlak sa kalagayang ito.
Gumising ako ng alas syete ng umaga, sabado. Nagtimpla ng kape at nagluto ng oatmeal. Habang nagmumuni muni sa kusina at pinaplano ang mga gagawin sa araw na iyon, tulad ng paano ko lalabhan ang dalawang linggong maduming damit, saan ako mananaghalian at anong magandang palabas sa sine ngayon, tumunog ang aking celphone na nokia 3310. 1 message recieved, si April. Gusto kong basahin yung mensahe, pero pinagpaliban ko. Ano nanaman kaya ang kailangan nito, kay tagal di nagparamdam tapos bigla bigla nalang. Nanood ako ng BenTen at sinimulan na ang paglalaba. Kung alam ko lang na magkakaganito ang mundo, hindi na sana ako naglaba, puro ukay ukay lang ang damit ko, ngayong nasa mall ako at walang tao, kahit yung pinakamahal na damit pwede ko masuot. Alas dose na nang matapos ako maglaba. Nagpahinga ako saglit at muling tinignan ang cellphone ko. Nandoon padin ang mensahe ni APril na hindi ko padin binabasa.
"Kailangan nating mag-usap. 7pm sa Megamall sa dating tagpuan. Importante"
Hindi parin siya nagbabago, ganun talaga si April. Diretso walang paligoy ligoy. Walang checheburetche. Kung ano ang gusto niya yun ang sinasabi niya. Hindi ako nagreply pero sigurado akong alam ni APril na pupunta ako. Madalas puro biro siya, pero pag ganitong seryoso ang text niya, alam niyang di ko siya matitiis. Pero bakit ngayon? ANo kayang meron, hindi naman ako nagtataka, ganun talaga siya, minsan nasa mood, minsan wala. Minsan maririndi ka sa kanya sa sobrang dalas ng pangungulit pero madalas ding mawawala nalang parang bula at di magpaparamdam. Tapos pabigla-bigla magyaya ng lakad.
Naligo at naghanda na para gumala, maghanap ng makakainan bago dumiretso sa megamall. Ala-una na nang makarating ako sa bulaluhan sa bayan, dito ako madalas kumain kapag tinatamad ako magluto. ANg totoo oatmeal at prito lang ang alam kong iluto, kaya heaven na sa akin ang makakain ng masarap na lutong bahay. Magsimula kasi nung magkolehiyo ako umalis na ako sa bahay ng aking mga magulang, tumira malapit sa aking pamantasan. Sa may bustillos, sa may san anton na laging binabaha kapag umuulan. Doon ko unang naranasan mabuhay mag-isa. Sa kolehiyo ko din unang nakilala si April. Isa siya sa mga officer ng isang school org, mas matanda siya sa akin. First year ko nuon at siya Second Year na. Hindi ko alam paano nagsimula, pero ang totoo hindi ko sya napapansin noon, tamang tropa lang. Ilag ako sa kanya, una dahil mas matanda siya, officer siya ng org at higit sa lahat napakatangkad niya at malaking bulas para sa isang babae. Ang totoo yung kasamahan niya sa org yung gusto ko, si Danica. Pero magulo ata ang mundo at maraming hindi mo inaasahan, ang naging girlfriend ko ay yung klasmeyt ni April. Nagtagal din kami ng ilang taon pero nawala din. Sa mga panahon ng depression at pangungulila sa nasugatan at pira-pirasong puso, muli kaming nagtagpo ni APril.
Nagpapasalamat ako sa facebook, dahil doon nagkita ulit kami, nagpapasalamat din ako sa bagong kabit na wireless telephone sa bahay kaya napadalas ang aming kwentuhan, Nagpasalamat ako sa muli naming pagkikita at umipekto na ang puberty sa akin, naging magkasing tangkad kami at lumaki kahit papaano ang mga muscles ko at pangangatawan. Pero hindi naging kami, parang ganoon na hindi, magulo ang set-up, kasing gulo ng kinalalagyan ko ngayon.
Nasaan na kaya si April, nasaan na kaya siya, kahapon sabi niya magkikita kami sa megamall, pero hindi siya dumating, kasama na ba siya sa mga taong nawala? O baka isa siya sa nakaligtas. Nasaan na kaya ang mga magulang ko? Nasaan na yung dalawa kong kapatid? Nasaan na yung mga kaibigan ko? Yung mga ka-trabaho ko? Yung mga nambully sa akin nung hayskul? Yung mga nanakit sa puso ko? Yung mga kaaway ko, yung mga galit sa akin? Yung mga nasaktan at niloko ko? Kahit sino, hindi na ako magiging mapili, sana kahit sino, may natira pang kakilala ko. Ano yung sasabihin sakin ni April? Paano ko tatakasan ang bangungot na ito. Sana nga bangungut nalang. Sana matapos na ito.
Nasa tirik na ang pulang buwan, ilang sandali nalang... Ilang sandali nalang..... Mas napahigpit ang hawak ko sa baseballbat. Handa ako sa mga mangyayari, pero sa mga oras na iyon parang hindi ko napaghandaan lahat ng sumagi sa isip ko, wala akong magawa sa sitwasyon ko ngayon. Wala din akong magawa para sa mga taong mahal ko. Nasaan na sila.... Hindi ko alam. Nasaan ako? Dito sa madilim na sulok, Handa na ako.... Handa na ako.... Handa na ako.... Handa na ako...
(ITUTULOY)
BINABASA MO ANG
PUWAN (Mini Novel)
FantastiqueAnong gagawin mo kapag isang araw nanunood ka ng sine, nakatulog ka at pag-gising mo wala na ang lahat ng tao. Ikaw nalang mag-isa. End of the World na ba? Kinuha na ng mga aliens ang lahat ng tao? O nasa malaking production ka lang at ginogoyo ka n...