12. Lihim

5 6 0
                                    

Umuwi akong luhaan.

Bahid na ng kahel ang kanina'y bughaw na kalangitan. Nanlalabo ang aking paningin dulot ng aking pagtangis. Hindi mawari kung paano pa akong nakapaglakad pa-uwi sa bahay ng pitong dwende.

Nakayuko at nanlulumo pa rin ako sa aking nabatid. Masakit man na hindi ko siya nasilayan ay masaya ako. Kalahati ng aking puso'y nasisiyahan dahil ngayo'y alam kong may pag-aalala siyang nararamdaman para sa akin. Nagsiklab muli ang pag-asa sa aking puso. Tama. Maaari pa kaming magkaayos na dalawa, may pag-asa pang ipagpatuloy ang aming natigil na pagmamahalan.

Kung hahayaan lamang niya akong makita siya...

Tatlong beses akong kumatok sa pintuan ng bahay. Nakarinig ako ng mga yapak ng maliliit na mga paa. Bumukas ang pinto at nakita ko ang mga dwende, may pag-aalala sa kanilang mga mata. Tila ba'y kanina pa sila nag-aabang sa aking muling pagbabalik.

At ngayo'y batid kong nalaman nilang umiyak ako kanina lamang. Naalarma ang lahat, pinapasok nila ako't binigyan ng tubig. Umupo ako sa silya at sila'y pumosisyon pabilog sa aking harapan.

Unang nagsalita'y si Sleepy, "Anong nangyari sa inyo, prinsesa? Bakit tila namamaga ang iyong mga mata?"

Nanginginig kong inilapat ang basong may tubig sa aking bibig upang ibsan ang nanunuyong lalamunan at pagkatapos ay ibinaba ito sa aking binti.

"Nandito siya, mga kaibigan..." Mahina ngunit alam kong naulinigan nila.

Tila ramdam ko ang pagtitinginan nila sa isa't isa. Ang mga nangungusap nilang mga mata na para bang may kung anong lihim na silang pito lamang nakakaalam. Hindi ko ito pinansin at muli akong nalunod sa malalim na pag-iisip ukol sa nalaman kanina. Hindi ko kayang makaalam muna ng ibang mga sikreto.

"S-Sinong siya, prinsesa?" Tila ngayon ko lamang narinig sa tono ng pananalita ni Grumpy ang pag-aalinlangan.

"Ang Prinsipe Charlie. Alam niyang nandito ako't hinahanap siya," huminga ako ng malalim ng nagsimulang mangilid muli ang luha sa gilid ng aking mga mata, "Naalala niyo ang mga rosas sa tuwing ako'y gigising? Siya ang nagpapadala! May inatasan siyang magbantay sa akin upang magbalita sa kanya ng ukol sa aking kalagayan. Masaya ako na nalamang nag-aalala pa rin siya sa akin. Ngunit ang masakit ay hindi ko alam kung bakit hindi siya mismo ang nagpapakita sa akin at nagtatago..." Lintanya ko at tuluyan nang umagos ang lahat ng aking emosyon. Walang tigil ang aking luha sa pagdaloy sa aking pisngi.

Naririnig ko ang pagsinghap na kanilang pinapakawalan. Tila may tensyong namumuo sa hangin. Pagka-awa, kaba, pag-aalala. Mga emosyon iyon ng nasasalamin ko sa kanilang mga mata. Hinagod ni Bashful ang aking likuran upang patahanin ako habang sina Dopey at Sleepy nama'y niyayakap ang aking binti. Sa kanilang ginawa'y tila lumakas ang aking hagulgol. Ang sakit. Masakit na malaman mong nag-aalala nga siya sa akin ngunit ayaw nitong makita ang aking pagmumukha. Tila ba'y kinaawaan na lamang niya ako't pinapaasa ngunit sa kabila noo'y hindi pa rin matigil ang puso kong mahalin siya.

Nang unti-unti'y nakakayanan ko nang huminga muli'y nagtanong naman si Doc, "Paano mo ito nalaman, prinsesa? May nagsabi ba sa inyo? Sinong taong iyon?" Tuloy-tuloy na pagtatanong niya.

Suminghot ako't ipinagid muli sa aking mukha ang palad ko. Marahan at dahan-dahan kong pinawi ang mga luhang hindi matigil sa pag-iyak.

"Isang estrangherong nakilala ko. Ang kanyang sinabi'y siya raw ang ipinadala ng prinsipe upang ako'y mabantayan." Pagsagot ko sa kanyang taong.

"Maaari mo ba siyang ilarawan sa amin, prinsesa?" Si Sneezy.

"Mayroon siyang gintong buhok, hikaw sa ilong, mga kayumangging mata. Nakasuot siya ng mahabang balabal, kayumanggi rin ang pantalon at bota." Paglalarawan ko kay Eric.

"Mayroon ba siyang benda sa kanyang kanang braso?" Nakakunot na tanong ni Grumpy.

"Paano mo nalaman?" Nakakunot-noo ring pagtatanong. Paano...?

Pumaibabaw muli sa ere ang katahimikan. Nagkatinginan silang lahat at tila iniisip kung kilala ba nila ang aking sinabing estranghero. Nangungusap ang kanilang maga mata. May lihim doon na tila pinagtatakpan ng lahat.

"Wala naman, mahal na prinsesa. Iyon lamang ay aking hinuha at ngayo'y batid kong alam ko ng mayroon ngang benda ang iyong kaibigan." Nag-aalinlangang halakhak ang namutawi sa kanyang labi.

Hinawakan ni Bashful ang aking kamay at hinila ako patungo sa aking silid, "B-Bakit hindi na lamang kayo magpahinga, prinsesa? Alam kong nalulungkot pa rin kayo't nasasaktan sa iyong nabatid. Mas maganda'y matulog na lamang kayo."

Sa kanyang sinabi'y tila naramdaman ng aking katawan ang pagod. Pagod sa lahat ng emosyong kumawala sa aking puso, sa lahat ng aking nalaman. Lumabas si Bashful sa aking silid at ako'y iniwan. Humilata ako sa aking higaan at dahan-daha'y naramdaman ko ang pagbigat ng talukip ng aking mga mata. At ako'y humayo patungo sa bisig ng napakagandang panaginip.

The Snow White Effect #Wattys2017Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon