Naglalakad ako sa malawak na bahagi ng kagubatan. Hindi mawawala ang matatayog na mga punong nakapalibot dito subalit ang bahaging ito ay mayroong maliit na sapa at mga bulaklak na nagkalat.
Napakasarap sa pakiramdam ang lamig ng hangin kasabay ng pagtama ng maliliit na sinag ng araw. Para bang nawawala ang sakit ng aking ulo, ang gaan ng katawan ko.
Iniwan muna ako ng mga dwende rito. Ang sabi'y kukuha lamang sila ng panggatong at prutas. Walang mababangis na hayop ang nagpupunta rito kaya malaya akong gawin ang kung ano.
Ngunit dulot ng aking pag-iisa'y umagos ang masasayang ala-ala namin ng prinsipe. Oo, alam ko. Ang aking sinabing kakalimutan ko pansamantala ang prinsipe ay binawi ko na. Hindi nito nililisan ang aking isipan. Ang pag-iisa ko ang nagbibigay linaw na wala ako sa tabi ng aking minamahal.
Naaalala ko ang paraan ng pagbati nito sa tuwing gumigising ako sa umaga. Umaakyat siya sa bintana ng aking kwarto at ako'y binibigyan ng mahigpit na yakap. Ang malalakas niyang bisig na nagpaparamdam sa akin na ligtas ako roon at walang makakapanakit sa akin.
Ang kanyang mga ngiting kay init ng sikat ng araw. Tinutunaw nito ang kalungkutang aking nadarama. Ang mga titig niyang nagbibigay ng mga paru-paro sa aking tiyan at nagpapagulo sa aking utak. Nakakasabik lahat. Lahat ng tungkol sa kanya.
Ang mga mumunting ala-alang yun ay kayang pangungilain ang aking nagdadalamhating puso. Nasasabik ngunit kinakabahan ako kapagkwan ay nagkita na kami. Ano kayang magiging reaksyon niya?Tatakbo ba siyang muli at iiwan ako? Magpapaliwanag ba siya? Mamahalin pa ba niya ako pabalik?
Kasi ako, natatakot ako.
Naramdaman kong muli kung paano niya hawakan ang aking kamay nang araw na iyon. Mahigpit, tila ayaw bumitiw. Ang kanyang mga mata'y nabahiran ng takot. Anong kinatatakutan niya? Bakit ganun ang nakita ko sa kanya noon? At sa hindi mawaring dahilan, sakit din ay nakita ko noon. Nasasaktan ba siyang ikakasal kami? Hindi ba ako ang tunay niyang iniibig nang oras na iyon kaya nasasaktan siyang mag-iisang dibdib kami?
Parang ulang hindi mapigilan ang aking mga luha. Ang huli kong naisip ay tila nagpanginig sa aking kalamnan ko. May pagkukulang siguro ako. May ginawang masama? Hindi ko alam. Pero alam kong isang tao lamang ang makakasagot sa alon ng mga tanong sa aking ulo. Si Prinsipe Charlie.
Siya lamang.
Sa pagbahid sa aking mga matang basa ay narinig ko ang kaluskos sa itaas. Nagpaikot ang aking mga mata sa paligid. Sa mga punong matatayog. Ang alam ko ba'y walang mababangis na hayop na pumupunta rito? Paanong may kasama ako?
Kumaluskos muli.
Napalingon ako sa isang puno. naglaglagan ang mga dahon nito sa kadahilaang may estrangherong nakatayo sa sanga nito. Isang estrangherong lalaki. Kumikinang sa sikat ng araw ang mala-gintong buhok nito. Mabigat ang bawat pagtingin nito sa aking mga mata. Tila hinuhuli ang aking kaluluwa. Matangos ang ilong na mayroong nakakabit na bilog na hikaw. Bumaba ang aking tingin sa kanyang maninipis at mapupulang labi, matingkad ang pagkakakulay ng pula.
Napadako ang aking tingin sa kanyang kasuotan. Mahaba at pulang balabal, kayumangging pantalon kapareha ng kanyang botas. Nakasukbit ang malaking pana sa kanyang likod.
"Sino ka?!" Galit ang aking nahimigan sa kanyang tinig.
Pamilyar ang kanyang tindig. Tila nakita ko na rin ang kanyang kayumangging mga mata sa kung saan. Hindi ko mawari ngunit nagustuhan ko ang pagtitig sa kanya. Bakit?
"Nagkita na ba tayo?" Pag-iiba ko sa kanyang tanong.
Humakbang ako patungo sa kinaroroonan ng punong tinatayuan niya. Mabibigat ang aking mga hakbang kasabay ng mabilis na pagtibok ng aking puso. Ngunit sa paglapit ko'y sinapo nito ang kanang braso, tumalikod ito mula sa akin at lumundag sa malalim na bahagi ng kagubatan. Umihip ang malakas na hangin at tila may nakita ako. Nanlaki ang aking mga mata.
Naramdaman ko na lamang na sinusundan ng aking mga paa ang kanyang tinahak na daan.
BINABASA MO ANG
The Snow White Effect #Wattys2017
AventuraHahanapin niya ang kanyang nawawalang pag-ibig. Ang mga katanungang bumabagabag sa kanyang isipa'y tuluyan nang masasagot. Mga tanong na tanging ang tao lamang iyon ang makakasagot. Ngunit sa pagbuo ng mga piraso, maisasalba ba ng pag-ibigan nila an...