Ibang Mundo

319 11 0
                                    


Bawat tawa, bawat luha,

Bawat ngiti, bawat pighati,

Bawat oras at bawat pag-ibig na binuhos natin

Ay kasabay na naglaho ng iyong damdamin

Puso nati'y pinag-isa ng tadhana

Ngunit sa huli'y nawalang parang bula

Lahat ng inalagaan at pinrotektahan

Kinalimutan maging ang nararamdaman

Pinagbuklod ng langit at lupa

Pinagtagpo't tayo'y pinagsama

Nabuo ang 'tayong dalawa'

At sa huli'y isa na lamang alaala

Natagpuan ko ang sarili ko sa hindi pamilyar na mundo

Mundong hindi ko inakalang magiging totoo

Iyon ang mundo kung saan inipon ko

Ang lahat ng kinatatakutan ko noong magkasama pa tayo

Tanging liwanag lamang ng buwan ang nagsisilbing ilaw

Ilaw na ginamit ko upang aninagin ang aking natanaw

Ako'y hindi makapaniwala na sa gitna ng dilim,

Nakikita ko ang sarili kong may nakatarak na patalim

Sa gulat ko ako'y hindi nakakibo

Napaluha ako't 'di na napigilan ang sarili ko

Humagulgol ako't napasigaw ng malakas

At ang katawan ko'y tila nawalan ng lakas

Akmang lalapit na ako nang may mahagip ang aking mga mata

Bigla ang pagdiin ng patalim ang aking nadama

Na tila ba sa'kin 'yun nakatarak at hindi sa sariling aking nakikita

Gustuhin ko mang idilat ang aking mga mata'y 'di ko magawa

Nais ko ng gumising mula sa napakasamang panaginip

Pilit pinapaniwala ang sariling lahat'y ay isa lamang kathang-isip

Ngunit kahit ano'ng gawin ko'y ayaw mong tumigil sa paghakbang

Ika'y lumapit sa aking katawan at ako'y napasigaw na lamang

Habang lumuluha'y tumakbo ako palayo

Umaasang makakawala ako sa kinaroroonang mundo

Humihiling na sana'y magising na ako

Pero hindi ka pa nakuntento't ako'y hinabol mo

Binilisan ko ang aking pagtakbo

Umaasang ako'y makakalayo

Sa pagtakbo ko'y hindi ko inaasahan

Na makakarating ako sa katapusan

Ako'y lumingon sa pinaggalingan ko

Nakita ko ang tumatakbong bulto ng katawan mo

At walang pagdadalawang isip na pumikit ako

Tumalon ako't hinayaang mahulog ang sarili ko

Minulat ko ang aking mga mata

Pinakiramdaman ang sarili't ako'y napaluha

Ang katotohana'y hindi pa rin nawawala

Na, mahal, ika'y wala na talaga

POETRY COMPILATIONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon