Imbitasyon

38 9 3
                                    

“Nakita niyo ba yung bagong tayong kastilyo sa dating rancho ng mga Monte Agua? Nagulat na lang kami dahil sumulpot na lang iyon bigla ng hindi namin namamalayan. Para bang isang gabi lang itinayo.”

“Siya nga… Natakot nga kami nang makita namin iyon, marangya at misteryoso ang hitsura noon.”

Ito ang narinig kong mga kuwentuhan sa plaza. Nabagot ako kaya naman minabuti ko munang lumabas.

Nagtakip ako ng mukha para hindi makilala ng mga tao. Gusto ko ding makita kahit sa malayo ang mga kapatid ko pero hindi ako makalapit sa ampunan.

Tama ba ang narinig ko? May nakatayong kastilyo sa dati naming rancho? Paano nangyari iyon?

Hindi ako mapakali sa ideyang iyon kaya naman tinungo ko ang lugar para makita ko mismo ang pinag-uusapan ng mga tao.

Totoo nga ang sabi-sabi. Nakita mismo ng aking mga mata ang napakagarang kastilyo sa dati naming rancho.

“Ano'to? Bakit may ganito dito?” Tinungo ko ang malaking tarangkahan noon at ninais kong pumasok.

Ihinakbang ko ang aking mga paa ngunit nagulat ako nang maramdaman kong parang may puwersa na pumipigil para makapasok ako.

May harang na hindi nakikita na nakapaligid sa tarangkahan.
Alam ko kanino ang kastilyong iyon at hindi ako maaaring magkamail.

Siya lang ang may kakayahan na gumawa ng isang malaking imprastraktura sa sobrang ikling panahon.

“Tsk… ibang klase talaga ang diyablong iyon. Kahit na presensya ko ay ayaw niya.” Sa isip-isip ko. Hinaplos ko ang aking pisngi at tsaka ako napaisip.

“Hindi ako maganda, hindi din ako malakas… kaya ayaw niya sa akin.”

Sanay naman ako na inaayawan pero iba ang isang ito. Maraming buhay ang nakasalalay sa akin at kakailanganin ko ang tulong ni Vixem para magawa ko silang iligtas. Pero, paano ko naman magagawa iyon kung napakatigas ng damdamin ng nilalang na iyon.

Umalis na lang ako at bumalik sa mansyon ni nanag Celsa. Kahit papaano ay nasasanay na ako sa mga miyembro ng Abyss Cult kahit na nakakatakot ang mga hitsura nila.

Iyon nga pala ang tawag sa kulto nila. Lahat sila ay naniniwala na ang pagsamba nila kay Vixem ay higit na maigi dahil mas malaki ang tyansa nila na mabuhay kaysa kalabanin nila ito katulad ng ginagawa ng mga madre.

Ang mga miyembro ng kulto ay aktibo sa pakikipagkapwa tao. Hindi sila nananakit ng mga inosenteng mga mamamayan at ang gusto lamang nila ay mapabuti ang bayan ng Memento Mori.

Hindi maintindihan ng mga madre ang ipinaglalaban nila at sa halip ay nagpapakalat pa ng mga huwad na paniniwala tungkol sa kanila.

Palibhasa ay gusto ng mga madre na ang sambahin ng mga tao ay ang Diyosa nila na si Hefisia kahit wala namang nakakaalam kung totoo nga ba ang Diyosa na iyon o gawa-gawa lang ba nila para paniwalain sa himala ang mga tao.

Sinalubong ako ni nanang at may iniabot sa akin na sobre. Nagulat ako dahil wala naman akong kalapit maliban lang sa kaniya at sa mga kapatid ko na nasa ampunan.

“Binibining Antares, may imbitasyon para sa inyo.”

“Huh? Kanino daw po galing? Wala naman po akong ibang kakilala dito bukod sa inyo.”

“Ay, galing 'yan malamang sa kamahalang Vixem. Nakita po ba ninyo ang malaking kastilyo niya na nakatayo sa dati ninyong rancho?”

“Opo nakita ko na nga po.” Irita kong sagot.

“Buksan niyo na po at tingnan kung ano ang nakasulat.”
Nakalagay sa sulat:

“Inaanyayahan ang lahat ng mga magagandang dilag ng bayan ng Memento Mori upang dumalo sa isang marangyang piging na gaganapin sa kastilyo ng kamahalang Vixem. Mangyari lamang na isuot ang inyong pinakamagarang damit at dalhin ang imbitasyong ito upang makapasok.
Simula: alas otso y media”

Hindi ko maintindihan kung bakit magdaraos ng piging para sa mga magagandang kababaihan ng lugar namin. Sa isang bahagi ng aking isip ay alam ko kung bakit.

Alam ko na ayaw ni Vixem na masayang ang paggising niya kaya naman para mawala ang kabagutan niya ay hahanap siya ng ibang dalaga na ipapalit sa akin na siyang makakakuha ng buo niyang atensyon.

At, kaya niya ako inimbitahan ay para maipamukha niya sa akin na hinding hindi niya ako lilingunin dahil hindi ako interesante para sa kaniya.

“Parang ayaw ko po yatang pumunta.”

“Tandaan mo… dalawang araw nalang ang natitira para mapatunayan ang sarili mo sa kaniya at kung palalampasin mo ang pagkakataon na ito ay parang pinatunayan mo lang na mahina ka nga talaga.”

May punto si nanang Celsa. Tama siya na hindi ko dapat palampasin ang pagkakataon upang mapaibig ang halimaw na iyon.

Hindi nga lang talaga ako sigurado kung mangyayari iyon pero kung hindi ko gagawin ay hindi ko din malalaman. Kailangan kong sumugal.

“Nanang, wala po akong isusuot para mamayang gabi.”
Ngumiti ang matanda at tsaka sinabing:

“Huwag mo na iyon alalahanin. Isasama kita sa patahian ng kaibigan ko at doon tayo titingin ng susuotin mo.

Hala sige, maghanda ka na at puntahan na natin.”
Nakaramdam ako ng pagkasabik pero ayaw kong magpadala sa damdaming iyon lalo pa't iniisip ko pa din ang mga kapatid ko. Mababaliw na yata ako.

“Maging natural ka lang hija. Huwag kang mawawalan ng pag-asa o di kaya'y magsinungaling sa sarili mo para lang mapatunayan ang sarili mo sa kamahalang Vixem.” Sabi ni nanang sa akin na ikinatuwa ko.

A Bride For Vixem (Editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon