Umpisa Ng Katapusan

32 8 1
                                    

Laganap na ang kasamaan ni Meliana sa buong bayan ng Memento Mori. Ang mga kapatid ko at si nanang ang nagbibigay sa akin ng kaba sa dibdib. Hindi maalis sa isipan ko na baka nasa mga kamay siya ng huwad na tagapagmana ni Hefisia.

Tinunton namin ang daanan papunta sa kumbento. Nagsimulang pumatak ang ulan kaya naman sandali kaming natigil at sumilong sa tapat ng isang bahay.

"Mukha kayong mga basang sisiw diyan." Nakita namin na bumukas ang isang lagusan at mula doon ay lumabas si Rexel.

"Saan ka ba nanggaling? Abalang abala na kaming lahat tapos hindi ka namin mahagilap?" Puna ni Vixem sa kapatid.

"Saan pa, e di natulog ako. Pumasok na kayo dito at lalabas tayo sa mismong loob ng kumbento."

Sinunod namin siya at pumasok nga kami sa lagusang ginawa niya.

"Ngayong araw, tatagan ninyo ang mga loob ninyo. Hindi kayo dapat pangunahan ng takot. Bago matapos ang araw na ito ay babagsak si Meliana." Sabi ni Vixem. Napalunok ako noon at hindi nakaimik.

Sa wakas ay maiaalis ko na din ang mga kapatid ko sa puder ng bwisit na babaeng iyon.

"Kapag dineretso natin ang daanang iyan, sa loob na tayo ng kumbento lalabas." Tinuro ni Rexel ang isang daanang baku-bako. Hindi makita ang hangganan nito pero ang sabi niya ay sa kumbento na kami lalabas kapag dinerteso iyon.

"Kaming dalawa ni Rexel ang lalaban. Ernis at Kisana iligtas niyo ang mga kapatid ni Antares at protektahan sila. Baylan, ikaw ang bahala sa mga tao. Kung may mga sugatan, pagalingin mo." Iyon ang plano. Pero mapapansin na wala akong silbi doon. Ako lang pala ang mahina at walang kuwenta sa labang iyon. Nalungkot ako sa isang bahagi ng aking sarili. Una palang talaga ay pabigat na ako sa kanila. Ako ang dahilan kung bakit napapahamak ang lahat, ang dahilan din kung bakit susuwayin ni Vixem ang kaniyang ama.

Kaunti lang ang nilakad namin at sumigaw na si Rexel ng:

"Nandito na tayo!" Ipinitik niya ang kamay at muling nagbukas ang lagusan. Napalunok ako dahil iyon na ang araw na kailangan naming labanan si Meliana. Para mabawi ang mga kapatid ko at mailigtas ang bayang ito.

Isa-isa kaming tumapak sa kumbento. Tahimik na tahimik at parang walang katao-tao. Nasa loob na kami noon at napakalawak ng lugar. Ganoon pala iyon sa loob. Sa di kalayuan ay mayroong altar ni Hefisia at mayroong mga rebulto niya kahit saan. Ang sahig ay may marka ng araw.

Alerto ang lahat sapagkat kahina-hinala ang katahimikan sa paligid. Wala man lang ni isang bantay. At, nasaan ang mga tao? Akala ko ba ay naririto sila nagsilong matapos manalakay ang mga halimaw? Nakapaikot sila Vixem sa akin. Kung wala ako ay hindi ako magiging pabigat sa kanila. Wala naman akong maitutulong at ako pa ang poprotektahan nila.

Malakas ang buhos ng ulan at rinig na rinig iyon sa loob ng kumbento. Kulob ang tunog kaya naman malalaman agad kung mayroong darating.

Ilang saglit pa ay nakarinig kami ng mga yabag ng paa. Mabagal lang sa una ngunit pabilig ng pabilis na para bang nagmamadali. Huminto ang tunog sa tapat ng tarangkahan.

Pigil ang paghinga ko. Natatakot ako na baka kung anong halimaw ang papasok sa silid na kinalalagyan namin.

Nagulat kami nang pumasok ang isang pamilyar na nilalang.

Umiiyak ito at hindi ko mapigilan ang aking sarili na puntahan siya. Kusang gumalaw ang mga paa ko papunta sa kaniya.

"Ate..." Patuloy ang pagluha ng kapatid kong si Millie ngunit pinigilan ako nila Vixem na puntahan siya ng tuluyan.

"Wag muna." Iniharang niya ang kaniyang braso sa akin.

"Anong nangyari, Millie. Sagutin mo ako." Mahinang tanong ko sa kaniya. Nakayuko ito at umiiyak pa din. Maya-maya'y pumasok naman si Maila ngunit mayroon siyang kasama. Hawak niya ang kadenang nakakabit sa leeg nito.

Iyon ang chimerang nilikha ni Meliana at sinabing iyon ang kapatid namin na si Cora. Isang ulong naaagnas na nakakabit sa katawan ng isang aso.

Hindi lang iyon ang hawak ni Maila kundi sa isang kamay niya ay may hawak siyang... Pugot na ulo.

Itinapon niya ito malapit sa amin at nang makita ko kung kaninong ulo iyon ay nanlambot ang buong katawan ko.

"Na... nanang Cel-sa." Tumulo ang mga luha ko at abot-abot ang paninikip ng dibdib ko.

"Bakit niyo iyon ginawa mga bata?" Tanong ni Kisana sa mga kapatid ko.

"... Uhmm, hi... hindi po kami ang may gawa niyan." Nauutal na sagot ni Millie. Nakatulala lang noon si Maila at blangko ang kaniyang mga mata. Walang bakas ng kahit anong emosyon sa kaniyang mukha.

Pinakawalan ni Maila ang chimera at agad kaming inatake nito. Tinangay ako ni Vixem dahil hindi ko na maramdaman ang paa ko. Tumabi kami nila Baylan at sila Ernis naman at Kisana ang nagtulungan sa Chimera.

"Ikalawang talim, Rezfirem Sadracef." Sinugod ni Kisana ang nilalang ngunit mabilis itong nakaiwas.

Lumitaw naman sa likuran nito si Ernis at tinadyakan ito. "Decusefira Ivemef." Pinutol niya ang ulo ng chimera ngunit gumagalaw pa din ang katawan.

"Puso ang mahina! Fei Sadracef" naging pana at palaso ang sandata ni Kisana at pinunterya niya ang puso ng halimaw. Sa kabutihang palad ay tinamaan niya ito at siya namang pagtigil ng katawan nito sa paggalaw.

"Sisiw lang sa kanila 'yan. Di naman tayo kailangan dito." Biro ni Rexel kay Vixem.

Napukaw naman ang atensyon namin nang humiyaw ng napakalakas si Maila.

"Pinatay niyo si Cora! Ang sama niyo! Wala kayong kwenta! Hindi kayo mapapatawad ni inang Hefisia at ni sister Meliana! Masama kayo!" Nagpalahaw na ng iyak ang kapatid ko na parang nasisiraan na ng bait.

Nilapitan ko siya at sinampal.

"Ikaw! Ang sama mo din! Wala kang kwenta! Tama lang sayo na matulad sa matandang 'yun! Wala kang kwenta!!!" Hinawakan niya ang pisngi niya habang nanlilisik ang titig sa akin.

"Naku, tingnan mo na ang gagawin sa'yo ng babaeng 'yan. Tingnan mo ang ginawa nila sa kapatid niyong si Cora. Sasaktan ka lang niya, samantalang dito, inaalagaan kita at minamahal."

Lumapit si Meliana kay Maila at niyakap niya ito.

"Hindi ko sinasadya Maila, hindi ko gustong..."

"Umalis ka dito! Hindi ka naman namin totoong kapatid, wala ka din namang malasakit sa amin. Ayaw ko sa'yo."

Nakatitig lang sa akin si Meliana na may pangungutya. Si Millie naman ang nilapitan ko.

"Millie, nandito na si ate. Kukunin ko na kayo ha?" Hindi lang kumibo ang bata ngunit humawak siya sa manggas ng damit ko ng mahigpit at tsaka nagtago sa likod ng madre. Alam ko na hindi gusto ni Millie ang sumama kay Meliana ngunit takot siya. Tama na sa akin ang pahiwatig niya na ako ang pinipili niya at hindi siya nagpapasakop sa panlalason ng utak ng babaeng iyon.

A Bride For Vixem (Editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon