Sa Kaniya Lang

39 9 2
                                    

Nagising na lamang ako na napapaligiran ng mga miyembro ng kulto, ni nanang Celsa, ni Baylan Ade at ni Eris. Naroon na ako sa mansyon ni nanang.

Agad kong naalala na mayroon nga pala akong malaking sugat. Iniangat ko ang kumot at tsaka kinapa ang tiyan ko. Gulat na gulat ako nang mapagtanto ko na wala na pala ang sugat. Magaling na ito.

"Paanong nangyari na wala na ang sugat ko?" Taka kong tanong sa kanilang lahat.

"May kakayahan akong magpagaling, isa iyon sa kapangyarihan ko. Inutos ni kamahalang Vixem na pagalingin ka." Sagot ni Eris.

"Si Vixem?... Kumusta siya?" Tanong ko ulit. Naalala ko na hindi nga pala siya natuwa sa ginawa ko. Hindi ko alam kung paano pa siya haharapin matapos ng lahat.

Bumangon na ako at inayos ko ang sarili ko. Naghanda naman ng mga maiinom sa veranda si nanang para sa amin ni Ernis.

"Heto na po ang meryenda ninyo." Inilapag ni nanang ang dala niya sa lamesa kung saan kami nakaupo nila Ernis at Baylan Ade.

"Siguro magugulat ka kung sasabihin kong sinadya kong tanggalin ang harang na salamin." Basag ni Ernis sa katahimikan. Tama siya na nagulat nga akong malaman na siya ang may gawa kung bakit nabasag ang harang.

"Bakit mo iyon ginawa? At sa una sa lahat, bakit nga ba ako nandoon at bakit may harang?" Gulat na tanong ko sa kaniya. Hindi ko talaga kung anong nangyari.

"Hindi iyon alam ni Vixem, ako ang nagdala sa'yo doon. Ako din ang gumawa ng harang." Kalmado niyang sagot.

"Bakit? Para saan?"

"Ako ang tagapagbantay ni Vixem. Makapangyarihan siya, pero mas malakas ako. Nababasa ko ang nasa isip ng mga ordinaryong tao maliban sa kaniya. Kaya, ikaw nalang ang ginamit ko."

Hindi ko maintindihan ang dahilan niya pero hinayaan ko muna siyang magkwento.

"Alam mo siguro ang parusa sa kaniya? Alam mo din siguro ang kahihinatnan mo kapag nag-isang dibdib kayo?"

"Oo nalaman ko na." Tipid kong sagot

"Papatayin ka din niya. Katulad ng mga nauna na sa'yo. Malapit nang mapuno ang balon at ikaw na ang huli niyang kailangan."

Hindi ako nakaimik noon dahil alam ko na totoo ang lahat ng sinabi niya.

"Pero mabibigo siya, dahil itinatangi ka niya. Kaya naman, sinubok ko kung totoo nga ang hinala ko. Binasag ko ang harang at hinayaan ko na mapahamak ka upang nalaman ko kung ano ang magiging reaksyon niya."

Hindi ako makapaniwala sa lahat ng sinabi niya. Ano na ang gagawin ko? Anong dapat kong gawin? Kung isasakripisyo ko ang sarili ko para makalaya lang sa sumpa ng kaniyang ama si Vixem, paano nalang ang mga kapatid ko? Gulong-gulo ang isip ko.

"Napatunayan mo na ang sarili mo sa kaniya binibini. Alam kong hindi ka niya matitiis." Ngumiti sa akin si Ernis. Hindi iyon magandang senyales. Parang nadudurog ang puso ko.

Lumipas ang araw na iyon at wala akong ganang lumabas. Wala akong gana na gumawa ng kahit ano. Nagulat nalang ako nang dumalaw sa akin si Baylan Ade.

"Binibini, samahan mo ako." Masigla niyang sabi sa akin.

"Pumunta tayo sa plaza. Balita ko may Circus daw na napadpad dito sa bayan. Maglibang naman tayo." Dagdag pa niya. Hindi pa ako nakakakita ng circus sa buong buhay ko kaya naman nasabik ako.

Agad akong nagbihis at sumama kay Baylan Ade.

Sinapit namin ang plaza at naroon nga ang circus. Mga kalesa na mag lamang mga hawla ng malalaking hayop tulad ng mga lobo at tigre ang naroon. Mayroon ding mga kakaibang tao na nagtatanghal katulad ng mga sirkero at mga taong animo'y ipinaglihi sa hayop.

Busog na busog ang mga mata ko. Para bang nabuhay ang isinumpang lugar na iyon dahil sa mga bagong dating na bisita. Huwag nga lang sana na may mangyaring hindi maganda ngayong gabi.

"Binibining Antares! Si kamahalang Vixem ba 'yun?" Agad akong napalingon sa direksyong itinuro ni Baylan at tama siya, si Vixem kasama ang kaniyang bantay na si Ernis.

Napako ang tingin ko sa maganda niyang anyo. Nakasuot lang siya ng pangkaraniwang kasuotan katulad ng mga mamamayan ng Memento Mori. Naka kamisa lang siya, pantalon at sumbrero at bagay na bagay iyon sa kaniya.

Alam kong nakita niya ako pero hindi man lang niya ako pinansin. Pero, ayos na din iyon. Baka nga hindi na talaga matutupad ang itinakda sa amin.

Sa di kalayuan ay parang nakakita ako ng mga pamilyar na mukha.

"Maila! Millie!" Parang nakita ko ang mga kapatid ko. Kasama nila ang isang madre.

Tumakbo ako at sinalungat ang dagsang tao para lang makita ang mga kapatid ko. Hanggang sa  nakita ko silang pumasok sa bahay salamin. Isa iyong atraksyon sa circus. Pumasok ako at nakita ko ang mga imahe ng mga kapatid ko. Kasama nila ang madre. Tumakbo ako ng tumakbo ngunit puro imahe lang nila ang nakikita ko.

Hanggang sa...
Nawala na ang imahe ng mga kapatid ko at sa madre nalang ang natira. Humarap siya at nakita ko ang kabuuan niya.

"Meliana..." Gulat na gulat ako noon. Alam ko na binibigyan niya ako ng babala. May gagawin siyang hindi maganda sa mga kapatid ko.

Nagulat na lamang ako nang mabasag bigla ang mga salamin. Tumakbo ako palabas dahil sa takot at abot-abot ang pasasalamat ko nang makalabas ako ng ligtas. Hindi ko na tiningnan ang dinadaanan ko basta tumakbo lang ako ng tumakbo hanggang sa may nabangga ako.

"Saan ka pupunta?"

"Vixem?"

"Wag mong ipain ang sarili mo sa mga kalaban." Malamig niyang sabi at tsaka ako iniwan.

"Binibini, nandyan ka lang pala! Kinabahan naman ako sa'yo!" Hinila na ako ni Baylan papunta sa sentro ng plaza. Tulala lang ako noon dahil sa pag-aalala sa mga kapatid ko. Nabigla nalang ako nang nagliwanag ang langit dahil sa mga paputok. Parang mga bulaklak na namumukadkad sa langit.

Napangiti ako sa sobrang ganda. Aaminin ko na ang sayang hatid sa akin noon ay talagang totoo at hindi matatawaran. Napaluha pa ako habang nakatitig sa langit.

"Nakakita na ako ng ganito dati. Noong kasama ko pa ang mahal ko." Narinig kong sabi ni Baylan. Nakatitig din siya sa langit at parang may mga bumabalik sa kaniyang mga ala-ala.

Nasa kalagitnaan pa ako ng paglasap sa mga sandali nang may humila sa akin.

"Aray! Aray ko!" Mahigpit sa akin ni Vixem. Hinila niya ako at dinala sa tulay sa ibabaw ng ilog na malapit sa plaza. Naaaninag pa sa tubig ang repleksyon ng mga paputok sa langit.

"Umalis ka na dito!"

"Saan?"

"Sa bayang 'to!" Mariin ang bagsak ng kaniyang mga salita at halatang inuutusan niya ako.

"Pero... Ang mga kapatid ko."

"Ililigtas namin ni Ernis ang mga kapatid mo at pagkatapos ay lisanin na ninyo ang bayang 'to."

Pumatak ang mga luha ko at sa pagkakataong iyon ay hindi dahil sa saya kundi sa lungkot.

"Bakit ka ganyan? Dahil ba dyablo ka at isinumpa ng ama mo kaya ganyan ka makitungo sa mga tao? Dapat alam mo na ang mga tao, may damdamin! Umiiyak kami at nasasaktan! Lumuluha kung kailangan at nagsasakripisyo para sa mga mahal sa buhay!" Tahasan kong sinabi iyon at hindi man lamang ako natakot kay Vixem.

"Kaya kayo mahina... Laruan ng mga dyablo at dyos."

"Pinaglalaruan mo lang din ba ako simula pa noong una? Palayain mo na ako! Tanggalin mo na ang marka mo sa akin para hindi na kita alalahanin at mag-ilusyon na gugustuhin mo din ako. Na may gugusto sa katulad ko." Mariin ang mga binitawan kong salita at bumabalong na ang mga luha ko noon.

"Pakiusap... Palayai--" Hindi ko na naituloy ang sasabihin ko nang bigla niya akong hinalikan. Naramdaman ko ang malamig niyang mga labi sa labi ko. Mahigpit din ang hawak niya sa aking braso na parang sinasabing ang kaniya ay kaniya at kung anong pag-aari niya ay nais niyang makuha.

Hindi ko siya maintindihan. Gusto ba niya akong umalis o hindi? Pero, hindi ko na nagawang magtanong dahil nadala na ako sa eksenang ni sa panaginip ay hindi ko inasahang mangyayari.

A Bride For Vixem (Editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon